Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga kapistahan ng taon ng simbahan › Pasko

Mga kapistahan ng taon ng simbahan

Pasko

Ang kapanganakan ni Jesus ayon sa salaysay nina Mateo at Lucas, kasama ang propesiya ni Isaias at ang simula ng Ebanghelyo ni Juan, nang buo. Ipinagdiriwang ng mga simbahan sa Kanluran ang Pasko sa 25 Disyembre; ng mga Simbahang Ortodokso sa kalendaryong Juliano, sa 7 Enero.

Mga petsa

TaonMga simbahan sa KanluranPaskoSimbahang OrtodoksoKapanganakan ni Cristo
2026Disyembre 25, 2026BiyernesEnero 7, 2027Huwebes
2027Disyembre 25, 2027SabadoEnero 7, 2028Biyernes
2028Disyembre 25, 2028LunesEnero 7, 2029Linggo
2029Disyembre 25, 2029MartesEnero 7, 2030Lunes
2030Disyembre 25, 2030MiyerkulesEnero 7, 2031Martes

Binubuksan ng bawat petsa ang mga pagbasa ng araw na iyon sa kalendaryong Ortodokso o Katoliko.

Ang mga petsang Ortodokso ay ayon sa kalendaryong Juliano na sinusunod ng mga Simbahang Ruso, Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos: ang kanilang mga di-nagagalaw na kapistahan ay 13 araw na mas huli sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria at iba pa) ang Pasko sa 25 Disyembre; halos pare-pareho ang pagbilang ng Pasko ng Pagkabuhay at ng mga araw na nakasalalay rito sa mga Simbahang Ortodokso.

Ang mga talata ng Bibliya

Isaias

Isa 9:2–7

2Ang mga taong naglalakad sa dilim ay nakakita ng isang dakilang liwanag; silang mga naninirahan sa lambak ng anino ng kamatayan, ang liwanag ay sumikat sa kanila. 3Pinarami mo ang bansa, dinagdagan mo ang kanilang kagalakan; nagagalak sila sa iyo gaya nang sa anihan, gaya ng mga kalalakihan kapag pinaghahatian na nila ang nasamsam sa labanan. 4Dahil ang pasan niyang pamatok, ang kahoy sa kaniyang balikat, ang pamalo ng kaniyang mang-aapi, ay iyong sinira na gaya noong araw sa Midian. 5Sapagkat ang mga bota ay lumalakad sa kaguluhan, ang damit na nababad sa dugo ay susunugin, bilang pandingas sa apoy. 6Dahil para sa atin, isang sanggol ang isinilang, isang anak na lalaki ang binibigay; at ang kapamahalaan ay nasa kaniyang balikat; at ang pangalang itatawag sa kaniya ay Kahanga-hangang Taga-payo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. 7Sa paglawak ng kaniyang kapamahalaan, mananatili ang kapayapaan, habang siya ay nakaluklok sa trono ni David, sakop ang kaniyang kaharian, patatatagin niya at panatilihin ito nang may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang tutupad nito.

Mateo

Mat 1:18–25

18Naganap ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa ganitong kapamaraanan. Si Maria na kaniyang ina ay naipagkasundong maikasal kay Jose. Ngunit bago pa man sila magsama, nalamang nagdadalang tao siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya. 20Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.” 22Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23“Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.” 24Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya. 25Gayunpaman, hindi niya ito sinipingan hanggang sa isinilang niya ang anak na lalaki. At tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.

Lucas

Luc 2:1–20

1Ngayon sa mga araw na iyon, nangyari na si Cesar Agustus ay naglabas ng isang batas na nag-uutos na magkaroon ng sensus sa lahat ng tao na nabubuhay sa mundo. 2Ito ang unang sensus na ginawa habang si Cirenio ang gobernador ng Syria. 3Kaya pumunta ang bawat isa sa kaniyang sariling bayan upang mailista para sa sensus. 4Si Jose ay umalis din mula sa lungsod ng Nazaret sa Galilea at naglakbay papunta sa Betlehem na bayan ng Judea na kilala bilang lungsod ni David, dahil siya ay kaapu-apuhan mula sa pamilya ni David. 5Pumunta siya doon upang magpalista kasama si Maria na nakatakdang ikasal sa kaniya at kasalukuyang nagdadalang tao. 6At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan. 8Sa rehiyon ding iyon, may mga pastol na naninirahan sa parang at nagbabantay sa kanilang mga kawan ng tupa sa gabi. 9Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon! 12Ito ang palatandaan na maibibigay sa inyo, matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng pirasong tela na nakahiga sa isang sabsaban.” 13Kasama ng anghel, biglang may malaking bilang ng hukbong makalangit na nagpupuri sa Diyos, at sinasabi, 14“Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at nawa ay magkaroon ng kapayapaan dito sa lupa sa mga tao na kaniyang kinalulugdan.” 15At nangyari nang umalis ang mga anghel mula sa kanila patungong langit, sinabi ng mga pastol sa bawat isa, “Tayo na pumunta sa Betlehem, at tingnan ang bagay na ito na nangyari na ipinaalam ng Panginoon sa atin”. 16Sila ay nagmadaling pumunta doon at natagpuan sina Maria at Jose, at nakita ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17Pagkatapos nilang makita ito, ipinaalam nila sa mga tao kung ano ang sinabi sa kanila tungkol sa batang ito. 18Lahat ng nakarinig nito ay namangha sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19Ngunit laging iniisip ni Maria ang lahat ng bagay na kaniyang narinig, iniingatan ang mga ito sa kaniyang puso. 20Bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos sa lahat ng kanilang narinig at nakita, tulad ng sinabi sa kanila.

Mateo

Mat 2:1–12

1Pagkatapos maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga araw ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang mga pantas na kalalakihan mula sa silangan na nagsasabi, 2“Nasaan siyang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang bituin niya sa silangan kaya pumarito kami upang sumamba sa kaniya.” 3Nang marinig ito ni haring Herodes, nabagabag siya at ang buong Jerusalem na kasama niya. 4At tinipon ni Herodes ang lahat ng mga punong pari at mga eskriba ng mga tao, at tinanong niya ang mga ito, “Saan ipapanganak ang Cristo?” 5Sinabi nila sa kaniya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta, 6'At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Judah, ay hindi pinakahamak sa mga pinuno ng Judah, sapagkat sayo magmumula ang isang pinuno na magpapastol sa aking mga taong Israelita.'” 7At lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas na kalalakihan upang tanungin kung ano ang tiyak na oras na nagpakita ang bituin. 8Pinapunta niya ang mga ito sa Bethlehem at sinabing, “Humayo kayo at hanaping mabuti ang bata. Kung nahanap ninyo siya, ipaalam ninyo sa akin upang makapunta at makasamba din ako sa kaniya.” 9Pagkatapos nilang makinig sa hari, sila ay tumuloy sa kanilang lakbayin, at pinangunahan sila ng bituwin na kanilang nakita mula sa silangan hanggang sa ito ay tumigil kung nasaan naroroon ang bata. 10Nang nakita nila ang bituin, sila ay nagalak nang may labis na kagalakan. 11Sila ay pumunta sa bahay at kanilang nakita ang bata kasama ng kaniyang inang si Maria. Yumukod sila at sumamba sa kaniya. Binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog nila ang kanilang mga kaloob na ginto, kamanyang, at mira. 12Binalaan sila ng Diyos sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya umiba sila ng daan pauwi sa kanilang bayan.

Juan

Juan 1:1–14

1Sa simula pa lamang ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2Itong Salitang ito ay nasa simula pa kasama ng Diyos. 3Ang lahat nang mga bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, ay wala kahit isang bagay ang nilikha na nalikha. 4Sa kaniya ay buhay, at ang buhay na iyon ay liwanag sa lahat ng sangkatauhan. 5Ang liwanag ay sumisinag sa kadiliman, at ito ay hindi napawi nang kadiliman. 6May isang lalaki na isinugo mula sa Diyos, na ang pangalan ay Juan. 7Dumating siya bilang isang saksi upang magpatotoo tungkol sa liwanag, upang ang lahat ay maaaring maniwala sa pamamagitan niya. 8Hindi si Juan ang liwanag, ngunit naparito upang makapagpatotoo siya tungkol sa liwanag. 9Iyon ang tunay na liwanag na dumarating sa mundo at iyon ang nagpapaliwanang sa lahat. 10Siya ay nasa mundo, at ang mundo ay nalikha sa pamamagitan niya, at ang mundo ay hindi nakakakilala sa kaniya. 11Dumating siya sa kaniyang sariling kababayan, at hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga kababayan. 12Ngunit sa kasing-dami nang tumanggap sa kaniya, na naniwala sa kaniyang pangalan, sa kanila niya ipinagkaloob ang karapatang maging mga anak ng Diyos, 13ipinanganak sila hindi sa pamamagitan nang dugo, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng laman, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Diyos. 14Ngayon ang Salita ay naging laman at namuhay na kasama namin. Nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang katulad ng nasa nag-iisang natatanging katauhan na naparito mula sa Ama, punong-puno ng biyaya at katotohanan.

Sa sining

Lahat ng likha

Iba pang kapistahan

Mga kapistahan ng taon ng simbahan

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan