Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Enero 2027 › Enero 7
Kalendaryong Orthodox · Disyembre 25 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Enero 7, 2027
Huwebes · Ika-32 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 6
Mga kapistahan at mga santo
Kapanganakan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo
Panahon ng Pasko (Sviatki)
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
18Naganap ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa ganitong kapamaraanan. Si Maria na kaniyang ina ay naipagkasundong maikasal kay Jose. Ngunit bago pa man sila magsama, nalamang nagdadalang tao siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya. 20Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.” 22Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23“Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.” 24Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya. 25Gayunpaman, hindi niya ito sinipingan hanggang sa isinilang niya ang anak na lalaki. At tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.
Sulat (Pagsilang)
4Ngunit nang dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5Ginawa niya ito upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop bilang mga anak. 6Dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, ang Espiritu na tumatawag ng, “Abba, Ama.” 7Sa kadahilanang ito, hindi na kayo mga alipin kundi mga anak. Kung kayo ay mga anak, kaya kayo rin ay tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.
Ebanghelyo (Pagsilang)
1Pagkatapos maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga araw ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang mga pantas na kalalakihan mula sa silangan na nagsasabi, 2“Nasaan siyang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang bituin niya sa silangan kaya pumarito kami upang sumamba sa kaniya.” 3Nang marinig ito ni haring Herodes, nabagabag siya at ang buong Jerusalem na kasama niya. 4At tinipon ni Herodes ang lahat ng mga punong pari at mga eskriba ng mga tao, at tinanong niya ang mga ito, “Saan ipapanganak ang Cristo?” 5Sinabi nila sa kaniya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta, 6'At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Judah, ay hindi pinakahamak sa mga pinuno ng Judah, sapagkat sayo magmumula ang isang pinuno na magpapastol sa aking mga taong Israelita.'” 7At lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas na kalalakihan upang tanungin kung ano ang tiyak na oras na nagpakita ang bituin. 8Pinapunta niya ang mga ito sa Bethlehem at sinabing, “Humayo kayo at hanaping mabuti ang bata. Kung nahanap ninyo siya, ipaalam ninyo sa akin upang makapunta at makasamba din ako sa kaniya.” 9Pagkatapos nilang makinig sa hari, sila ay tumuloy sa kanilang lakbayin, at pinangunahan sila ng bituwin na kanilang nakita mula sa silangan hanggang sa ito ay tumigil kung nasaan naroroon ang bata. 10Nang nakita nila ang bituin, sila ay nagalak nang may labis na kagalakan. 11Sila ay pumunta sa bahay at kanilang nakita ang bata kasama ng kaniyang inang si Maria. Yumukod sila at sumamba sa kaniya. Binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog nila ang kanilang mga kaloob na ginto, kamanyang, at mira. 12Binalaan sila ng Diyos sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya umiba sila ng daan pauwi sa kanilang bayan.
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Disyembre 25 sa kalendaryo ng simbahan ay Enero 7 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan