Sa mga pader ng kaniyang templo sa Medinet Habu, ipinakita ni Ramses III ang kaniyang tagumpay laban sa “mga Bayan ng Dagat”, na sumalakay sa Ehipto sa lupa at sa dagat. Kabilang sa kanila ang Peleset, na karaniwang kinikilalang mga Filisteo.
Ensiklopedya › Samantala sa mundo
Sa Biblia · mga 1150 BC (mas maaga ayon sa tradisyonal na petsa) · Lambak ng Jezreel, sa tabi ng burol ng More
Ang tatlong daan ni Gideon
Sa tatlong daang lalaki lamang na may dalang mga trumpeta at mga sulong nakatago sa mga banga, pinalayas ni Gideon ang kampo ng mga Midianita sa Lambak ng Jezreel.
Pagkatapos si Jerub Baal (iyon ay, si Gideon) bumangon nang maaga at lahat ng mga taong kasama niya at nagkampo sila sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa hilaga nila sa lambak na malapit sa burol ng More. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Napakaraming sundalo sa akin para mabigyan kita ng tagumpay laban sa mga Midianita. Tiyaking hindi magmamayabang ang Israel laban sa akin, sa pagsasabing, 'Iniligtas tayo ng ating sariling kapangyarihan.' Kaya ngayon, ihayag sa mga tainga ng mga tao at sabihin, 'Sinuman ang takot, sinuman ang nanginginig, hayaan siyang bumalik at umalis mula sa Bundok ng Galaad.” Kaya dalawampu't dalawang libong tao ang umalis at sampung libo ang nanatili. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Napakarami pa rin ng mga tao. Dalhin sila pababa sa tubig at gagawin kung mas kaunti ang kanilang bilang para sa iyo roon. Kung sabihin ko sa iyo. 'Sasama sa iyo itong isa,' sasama siya sa iyo; pero kung sasabihin ko, 'Hindi sasama sa iyo ang isang ito,' hindi siya sasama.” Kaya dinala ni Gideon ang mga tao sa tubig at sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Ihiwalay ang bawat isang sumalok ng tubig at uminom, gaya ng pagdila ng isang aso, mula sa sinumang lumuhod para uminom.” Tatlong daang kalalakihan ang dumila. Ang natirang mga kalalakihan ay lumuhod para uminom ng tubig Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang kalalakihan sumalok at uminom, ililigtas ko kayo at bibigyan ng tagumpay laban sa mga Midianita. Hayaang bumalik ang ibang mga kalalakihan sa kani-kanilang lugar.” Kaya ang mga napili ay kumuha ng kanilang mga pangangailangan at kanilang mga trumpeta. Pinauwi ni Gideon ang mga lalaki ng Israel, bawat lalaki sa kaniyang tolda, pero pinanatili niya ang tatlong daang kalalakihan. Ngayon ang kampo ng Midianita ay nasa baba niya sa lambak. Sa parehong gabing iyon sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Bangon! Lusubin ang kampo, dahil ibibigay ko sa iyo ang tagumpay laban dito. Pero kung natatakot kang bumaba, bumaba ka sa kampo kasama si Pura na iyong lingkod at makinig sa kanilang sinasabi at mapapalakas ang iyong loob para lusubin ang kampo. “Kaya pumunta si Gideon kasama si Purah na kaniyang lingkod, pababa sa puwesto ng tagabantay ng kampo. Nanatili sa tabi ng lambak ang mga Midianita, ang mga Amalekita at lahat ng tao ng silangan, singkapal ng ulap ng mga balang. Higit pa sa kayang bilangin ang kanilang mga kamelyo; higit na marami ang bilang nila kaysa sa mga butil ng buhangin sa baybayin. Nang dumating si Gideon doon, isang lalaki ang nagsasabi ng isang panaginip sa kaniyang kasama. Sinabi ng lalaki, “Tingnan mo! mayroon akong isang panaginip at nakita ko ang isang bilog na piraso ng tinapay na sebada ang gumugulong papunta sa kampo ng Midianita. Dumating ito sa tolda at tumama nang napalakas, bumagsak at natiwarik ito, kaya lumagapak ito.” Sinabi ng ibang lalaki, “Walang iba ito kundi ang espada ni Gideon (anak na lalaki ni Joas), ang Israelita. Binigyan siya ng Diyos ng tagumpay laban sa Midian at sa lahat ng kanilang mga hukbo.” Nang marinig ni Gideon ang muling pagsasalaysay ng panaginip at ang kahulugan nito, nagpatirapa siya sa pagsamba. Bumalik siya sa kampo ng Israel at sinabi, “Bumangon kayo! Binigyan kayo ni Yahweh ng tagumpay laban sa mga hukbo ng Midian.” Hinati niya ang tatlong daang kalalakihan sa tatlong pangkat at ibinigay sa kanila ang lahat ng mga trumpeta at ang mga tapayang walang laman, na may sulo sa loob ng bawat tapayan. Sinabi niya sa kanila, “Tumingin kayo sa akin at sundin kung ano ang aking gagawin. Masdan ninyo! Kapag dumating ako sa dulo ng kampo, dapat ninyong gawin kung ano ang aking gagawin. Kapag hihipan ko ang trumpeta, ako at ang lahat ng aking kasama, sa gayon hihipan ninyo rin ang inyong mga trumpeta sa bawat sulok ng buong kampo at sumigaw, 'Para kay Yahweh at kay Gideon!'” Kaya dumating si Gideon at ang isandaang lalaki na kasama niya sa bawat sulok ng kampo, sa pagsisimula ng kalagitnaang pagbabantay. Habang nagpapalit ng mga tagabantay ang mga Midianita, hinipan nila ang mga trumpeta at binasag ang mga tapayang nasa kanilang mga kamay. Hinipan ng tatlong pangkat ang mga trumpeta at binasag ang mga tapayan. Hinawakan nila ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay at mga trumpeta sa kanang kamay para hipan ang mga ito. Sumigaw sila, “Ang espada ni Yahweh at ni Gideon,” Tumayo ang bawat lalaki sa kaniyang lugar sa palibot ng kampo at nagsitakbuhan ang lahat ng mga hukbo ng Midianita. Sumigaw sila at tumakbo palayo. Nang hinipan nila ang tatlong daang mga trumpeta, itinakda ni Yahweh ang espada ng bawat Midianita laban sa kaniyang kasama at laban sa lahat ng kanilang mga hukbo. Tumakbo palayo ang hukbo hanggang sa layo ng Beth Sita patungong Zerera, kasing layo ng hangganan ng Abel Meholah na malapit sa Tabata.Samantala sa mundo
Karaniwang inilalagay ng mga historyador ang mga hukom, mula kay Debora hanggang kay Samson, sa ika-12 at ika-11 siglo BC; kapag binilang pabalik ayon sa sariling mga bilang ng Biblia, napapaaga sila. Ito ang panahon pagkatapos bumagsak ang malalaking kaharian ng Panahon ng Tanso sa silangang Mediteraneo, nang manirahan ang mga Filisteo sa baybayin ng Canaan. Narito ang mundo noong mga 1150 BC.
Iniwan at sinunog ang Hattusa, ang kabisera ng Imperyong Hiteo sa gitnang Anatolia, at nagwakas ang imperyo. Ang Ugarit sa baybayin ng Siria, isang mayamang lungsod ng kalakalan na may sariling alpabeto, ay nawasak din sa parehong mga taon.
Sa Gresya, nawasak ang mga palasyo ng Mycenae, Pylos at Thebes. Sa Pylos, inihurno ng apoy ang daan-daang tapyas na luwad na nakasulat sa Linear B, ang pinakamatandang pagsulat na Griyego, at sa gayon ay naingatan ang mga ito; pagkatapos ay huminto sa pagsulat ang mga Griyego nang mga apat na siglo.
Sa Sanxingdui sa Sichuan, isang bayang hindi kilala sa mga nasusulat na talaang Tsino ang naghulma ng mga maskarang tanso na may nakausling mga mata at isang pigurang mga 2.6 metro ang taas kasama ang patungan nito, at ibinaon ang mga ito sa mga hukay kasama ng garing at ginto.
Sa itaas na kapatagan ng Ganges, ang Kuru ay naging, ayon sa pananaw ng maraming iskolar, ang unang estado ng panahong Vedic. Sinimulan ng kanilang mga saserdote na tipunin at ayusin ang mga himno ng Veda at ang mga tuntunin ng kanilang mga ritwal.
Mula sa mga pulong malapit sa New Guinea, naglayag pasilangan sakay ng mga bangkang may katig ang mga Lapita, na kilala sa kanilang pinong tinatakang palayok. Pagsapit ng mga 900–800 BC, narating na nila ang Fiji, Tonga at Samoa, mga pulong walang taong nanirahan noon.