Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa daan patungong Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa daan patungong Jerusalem

Ang mga bulag sa Jerico

Mat 20:29–34 · Mar 10:46–52 · Luc 18:35–43

Mateo

Mat 20:29–34

29Habang sila ay paalis mula sa Jerico, napaka-raming tao ang sumunod sa kaniya.

30At nakita nila ang dalawang bulag na lalaki na nakaupo sa daan. Nang marinig nila na si Jesus ay dumaraan, sila ay sumigaw at nagsabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin.”

31Subalit sinaway sila ng mga tao, sinabihan sila na tumahimik. Ngunit, lalo silang nagsisisigaw ng malakas at nagsabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin.”

32At huminto si Jesus at tinawag sila at nagsabi, “Ano ang nais ninyong gawin ko sa inyo?”

33Sinabi nila sa kaniya, “Panginoon, na ang aming mga mata ay mabuksan.”

34At si Jesus, na nakadama ng pagkahabag, hinipo ang kanilang mga mata. Agad agad ay natanggap nila ang kanilang paningin at sumunod sa kaniya.

Marcos

Mar 10:46–52

46Nakarating sila sa Jerico. Nang paalis na si Jesus sa Jerico kasama ang kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao, ang anak ni Timeo, na si Bartimeo, isang bulag na pulubi ay nakaupo sa tabi ng daan.

47Nang marinig niyang si Jesus na taga-Nazaret iyon, nagsimula siyang sumigaw at nagsabi, “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!”

48Maraming sumusuway sa bulag, na nagsasabi na manahimik siya. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin!”

49Huminto si Jesus at iniutos na siya ay tawagin. Tinawag nila ang bulag na sinasabi, “Maging matapang ka! Tumayo ka! Tinatawag ka niya.”

50Inihagis niya ang kaniyang balabal, lumukso at pumunta kay Jesus.

51At sinagot siya ni Jesus at sinabi, “Anong gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng bulag, “Rabi, gusto kong matanggap ang aking paningin.”

52Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka. Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.” Kaagad niyang natanggap ang kaniyang paningin at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Lucas

Luc 18:35–43

35At nangyari, nang palapit si Jesus sa Jerico, may isang bulag na lalaking nakaupo sa tabi ng kalsada na namamalimos,

36at nang narinig niya ang maraming tao na dumaraan, tinanong niya kung ano ang nangyayari.

37Sinabi nila sa kaniya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.

38Kaya sumigaw ang bulag na lalaki, sinasabi, “Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin.”

39Sinaway ng mga naunang naglalakad ang bulag na lalaki, sinasabi sa kaniya na manahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”

40Huminto si Jesus at iniutos na dalhin sa kaniya ang lalaki. At nang malapit na ang bulag na lalaki, tinanong siya ni Jesus,

41“Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi niya, “Panginoon, gusto kong makakita.”

42Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tanggapin mo ang iyong paningin. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43Kaagad niyang natanggap ang kaniyang paningin, at sumunod sa kainya na niluluwalhati ang Diyos. Pagkakita nito, nagbigay ng papuri ang lahat ng tao sa Diyos.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY