28Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio. Umagang-umaga pa noon at sila mismo ay hindi pumasok sa Pretorio upang hindi sila marumihan at upang sila ay makakain sa Paskwa.
29Kaya lumabas si Pilato sa kanila at sinabing, “Anong paratang ang dala-dala ninyo laban sa lalaking ito?”
30Sumagot sila at sinabi sa kaniya, “Kung ang lalaking ito ay hindi manggagawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa iyo.”
31Kaya sinagot sila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at hatulan siya ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kaniya, “Hindi naaayon sa batas para sa amin ang pumatay ng sinumang tao.”
32Sinabi nila ito upang matupad ang mga salita ni Jesus, ang salita na kaniyang sinabi na ipinahiwatig kung anong uri ng kamatayan siya mamamatay.
33Pagkatapos, muling pumasok si Pilato sa Pretorio at tinawag si Jesus, sinabi niya sa kaniya, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?”
34Sumagot si Jesus, “Tinatanong mo ba ito ayon sa iyong sariling palagay, o sinabi ng iba sa iyo na itanong ito sa akin?
35Sumagot si Pilato, “Hindi ako Judio, di ba? Ang iyong sariling bayan at ang mga pinunong pari ay dinala ka dito sa akin; ano ba ang iyong ginawa?”
36Sumagot si Jesus, “Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito. Kung ang aking kaharian ay kabahagi ng mundong ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Sa katunayan, ang aking kaharian ay hindi nagmumula dito.”
37Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ikaw nga ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Sinabi mo na ako ay hari. Ako ay ipinanganak para sa layuning ito, at para sa layuning ito ako naparito sa mundo upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Lahat ng kabilang sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.”
38Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Nang masabi niya ito, lumabas siya muli sa mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakitang krimen sa taong ito.