Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Pagpapakasakit

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Pagpapakasakit

Ikinaila ni Pedro si Jesus

Mat 26:69–75 · Mar 14:66–72 · Luc 22:54–62 · Juan 18:25–27

Mateo

Mat 26:69–75

69Ngayon si Pedro ay nakaupo sa labas ng patyo at isang utusang babae ang lumapit sa kaniya at sinabi, “Kasama ka din ni Jesus na taga-Galilea.”

70Ngunit ikinaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, “Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo.”

71Nang siya ay lumabas sa isang tarangkahan, isa pang utusang babae ang nakakita sa kaniya at sinabi sa mga nandoon, “Ang taong ito ay kasama din ni Jesus na taga-Nazaret.”

72At muli niyang ikinaila na may sumpa, “Hindi ko kilala ang lalaking iyan.”

73At pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit kay Pedro ang mga nakatayo doon at sinabi, “Tiyak na ikaw rin ay isa sa kanila, sapagkat halatang-halata ka sa iyong pananalita.”

74Pagkatapos nito, nagsimula siyang magsalita ng masama at nanumpang, “Hindi ko kilala ang lalaking iyan,” at agad-agad tumilaok ang tandang.

75At naalala ni Pedro ang mga salitang sinabi ni Jesus na, “Bago tumilaok ang tandang ikakaila mo ako nga tatlong beses.” At siya'y lumabas at labis na umiyak.

Marcos

Mar 14:66–72

66Habang si Pedro ay nasa ibaba ng patyo, isa sa mga babaing lingkod ng pinakapunong pari ang pumunta sa kaniya.

67Nakita niya si Pedro habang nakatayo sa tapat ng apoy na nagpapainit at pinagmasdan niya itong mabuti. Pagkatapos sinabi niya, “Kasama ka rin ng taga-Nazaret na si Jesus.”

68Ngunit itinangggi niya ito at sinabi, “Hindi ko nalalaman o naiintindihan man ang iyong sinasabi.” Pagkatapos lumabas siya sa patyo (at tumilaok ang manok).

69Ngunit nakita siya roon ng babaeng lingkod at muling nagsimulang magsabi sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila!”

70Ngunit muli niya itong itinanggi. Hindi nagtagal sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Siguradong isa ka sa kanila, sapagkat isa ka ring taga-Galilea.”

71Ngunit nagsimula siyang manungayaw at manumpa, “Hindi ko nakikilala ang lalaking sinasabi ninyo.”

72Pagkatapos tumilaok ang tandang ng ikalawang beses. At naalala ni Pedro ang mga salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bago tumilaok ang tandang ng dalawang ulit, tatlong beses mo akong itatanggi.” At nanlumo siya at tumangis.

Lucas

Luc 22:54–62

54Dinakip siya, itinaboy siya palayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Ngunit sumunod si Pedro sa di-kalayuan.

55Pagkatapos nilang magpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at sama-samang umupo, umupo si Pedro sa kanilang kalagitnaan.

56Nakita siya ng isang utusang babae habang nakaupo sa naiilawan ng apoy, at tinitigan siya nito at sinabi, “Kasama rin siya ng taong iyon.”

57Ngunit ikinaila ito ni Pedro, at sinabi, “Babae, hindi ko siya kilala.”

58Pagkaraan ng ilang sandali, nakita uli siya ng iba pang tao, at sinabi, “Isa ka rin sa kanila.” Ngunit sinabi ni Pedro, “Lalaki, hindi.”

59Pagkatapos ng isang oras iginiit ng isa pang lalaki at sinabi, “Totoo na ang lalaking ito ay kasama niya, sapagkat siya ay taga-Galilea.”

60Ngunit sinabi ni Pedro, “Lalaki, hindi ko alam ang sinasabi mo.” At agad-agad, habang nagsasalita pa siya, tumilaok ang tandang.

61Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, nang sabihin niya sa kaniya, “Bago tumilaok ang tandang sa araw na ito, tatlong ulit mo akong ikakaila.”

62Siya ay lumabas, tumangis si Pedro ng labis.

Juan

Juan 18:25–27

25Ngayon si Simon Pedro ay nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. At sinabi ng mga tao sa kaniya, “Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad? Itinanggi niya ito at sinabi, “Hindi.”

26Ang isa sa mga lingkod ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng lalaking tinapyas ni Pedro ang tenga, ay nagsabi, “Hindi ba nakita kita sa hardin kasama niya?”

27At itinanggi itong muli ni Pedro, at agad-agad tumilaok ang tandang.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY