Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Pagpapakasakit

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Pagpapakasakit

Si Barabas, at ang hatol

Mat 27:15–26 · Mar 15:6–15 · Luc 23:13–25 · Juan 18:39–40; 19:1–16

Mateo

Mat 27:15–26

15Ngayon, sa kapistahan nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na napili ng mga tao.

16At sa panahon na iyon mayroon silang pusakal na bilanggo na ang pangalan ay si Barabas.

17At nang sila ay nagkatipun-tipon, sinabi sa kanila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”

18Dahil alam niya na ipinasakamay siya ng mga ito dahil sa inggit.

19Habang siya ay nakaupo sa upuan ng hukuman, ang kaniyang asawa ay nagpadala ng pasabi sa kaniya na nagsabi, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan. Sapagkat labis akong pinahirapan ngayon sa panaginip tungkol sa kaniya.”

20Ngayon, ang mga punong pari at ang mga nakatatanda ay hinikayat ang mga tao upang hilingin si Barabas, at si Jesus ay patayin.

21At tinanong sila ng gobernador, “Sino sa dalawang ito ang nais ninyong pakawalan ko?” Sinabi nila, si Barabas.”

22At sinabi ni Pilato sa kanila, “Ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot silang lahat, “Ipako siya sa krus.”

23At sinabi niya, “Bakit, ano ang krimen na kaniyang nagawa?” Ngunit sila ay sumigaw pa ng mas malakas, “Ipako siya sa krus.”

24At nang nakita ni Pilato na wala siyang magagawa, dahil nagsimula na ang kaguluhan, kumuha siya ng tubig, naghugas siya ng kamay sa harapan ng maraming tao, at sinabi, “Wala na akong pananagutan sa dugo sa matuwid na taong ito. Kayo na ang bahala niyan.”

25Ang lahat ng mga tao ay nagsabi, “Nawa'y mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.”

26Pagkatapos ay pinakawalan niya si Barabas sa kanila, ngunit hinampas niya si Jesus at ipinasakamay niya upang mapako sa krus.

Marcos

Mar 15:6–15

6Ngayon sa panahon ng pista, kadalasang nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, isang bilanggong hiniling nila.

7Doon, sa kulungan kasama sa mga manghihimagsik, kabilang sa mga mamamatay tao na kasapi sa rebelyon, ay isang lalaking nagngangalang Barabas.

8Pumunta ang maraming tao kay Pilato at nagsimula silang humiling sa kaniya na gawin niya ang ginagawa niya noong mga nakaraang panahon.

9Sinagot sila ni Pilato at sinabi, “Gusto ba niyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

10Dahil alam niyang dahil sa inggit ng mga punong pari kay Jesus kung kaya siya ay ipinasa sa kaniya.

11Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang maraming tao para isigaw na si Barabas ang dapat palayain.

12Sinagot silang muli ni Pilato at sinabing, “Ano ngayon ang gagawin ko sa Hari ng mga Judio?”

13Sumigaw silang muli, “Ipako siya sa krus!”

14Sinabi sa kanila ni Pilato, “Anong kasalanan ang ginawa niya?” Ngunit mas lalo nilang isinigaw, “Ipako siya sa krus.”

15Gusto ni Pilato na malugod ang mga tao kaya pinalaya niya si Barabas sa kanila. Hinampas niya si Jesus at ibinigay siya upang maipako sa krus.

Lucas

Luc 23:13–25

13Tinipon ni Pilato ang mga punong pari at ang mga pinuno at ang napakaraming tao,

14at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo ang taong ito sa akin na tila isang taong pinangungunahan ang mga tao upang gumawa ng masama, at tingnan ninyo, tinanong ko siya sa harapan ninyo, wala akong nakitang kasalanan sa taong ito tungkol sa mga bagay na inyong ipinaparatang sa kaniya.

15Wala, kahit si Herodes, sapagkat siya ay ipinabalik niya sa atin, at tingnan ninyo, wala siyang ginawang karapat-dapat ng kamatayan.

16Kaya parurusahan ko siya, at pakakawalan siya.

17(Ngayon, sa pista, kailangang magpalaya ni Pilato ng isang bilanggo para sa mga Judio.)

18Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, sinasabi, “Alisin ninyo ang taong ito, at palayain si Barabbas para sa amin!”

19Si Barabbas ay isang taong ibinilanggo dahil sa pagrerebelde sa lungsod at dahil sa pagpatay.

20Kinausap ulit sila ni Pilato, ninanais na palayain si Jesus.

21Ngunit sumigaw sila, sinasabi, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.”

22Sinabi niya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit, anong masamang ginawa ng taong ito? Wala akong natagpuan upang siya ay marapat na parusahan ng kamatayan. Kaya, pagkatapos niyang maparusahan, pakakawalan ko siya.”

23Ngunit sila ay mapilit na may malalakas na tinig, hinihiling na ipapako siya krus. At nahikayat si Pilato ng kanilang mga tinig.

24Kaya nagpasya si Pilato na ibigay ang kanilang kahilingan.

25Pinalaya niya ang taong hiniling nila, na ibinilanggo dahil sa panggugulo at pagpatay. Ngunit ibinigay niya si Jesus ayon sa kalooban nila.

Juan

Juan 18:39–40; 19:1–16

18:39Mayroon kayong kaugalian na dapat akong magpalaya ng isang tao sa Paskwa. Kaya gusto ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

18:40Sumigaw silang muli at sinabi, “Hindi ang lalaking ito, kundi si Barabas. Ngayon si Barabas ay isang tulisan.

19:1Pagkatapos kinuha ni Pilato si Jesus at nilatigo siya.

19:2Ang mga sundalo ay pumilipit ng mga tinik upang gumawa ng korona. Inilagay nila ito sa ulo ni Jesus at dinamitan siya ng kulay lilang na kasuotan.

19:3Lumapit sila sa kaniya at sinabi, “Bigyang parangal, ang Hari ng mga Judio!” At hinampas nila siya ng kanilang mga kamay.

19:4Pagkatapos ay lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao. “Tingnan ninyo, inilalabas ko ang lalaki sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang kasalanan sa kaniya.”

19:5Kaya lumabas si Jesus; suot- suot niya ang koronang mga tinik at kulay lilang na kasuotan. Pagkatapos sinabi ni Pilato sa kanila, “Tingnan ninyo, narito ang lalaki.”

19:6Kaya nga nang makita ng mga pinunong pari at ng mga opisiyal si Jesus, sumigaw sila at sinabin, “Ipako siya! Ipako siya!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kayo na mismo ang kumuha sa kaniya at ipako siya sapagkat wala akong nakitang krimen sa kaniya.”

19:7Sumagot ang mga Judio kay Pilato, “Mayroon kaming isang batas, at sa pamamagitan ng batas na iyon dapat siyang mamatay dahil ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.”

19:8Nang marinig ni Pilato ang pahayag na ito, mas lalo pa siyang natakot,

19:9at pumasok siyang muli sa Pretorio at sinabi kay Jesus, “Saan ka nanggaling?” Subalit hindi siya binigyan ng sagot ni Jesus.

19:10Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi ka ba magsasalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at kapangyarihan na ipapako ka?”

19:11Sumagot si Jesus sa kaniya, “Wala kang kapangyarihan laban sa akin maliban kung ito ay ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”

19:12Sa sagot na ito, sinubukan ni Pilato na palayain siya, ngunit ang mga Judio ay sumigaw at sinabi, “Kung papalayain mo ang lalaking ito, ikaw ay hindi kaibigan ni Cesar: Lahat ng tao na ginagawa ang kaniyang sarili na isang hari ay nagsasalita laban kay Cesar.”

19:13Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at umupo sa upuan ng paghuhukom sa lugar na tinatawag na Ang Entablado, ngunit sa Hebreo ay Gabbatha.

19:14Ngayon, ito ay ang araw ng paghahanda para sa Paskwa, nang mag-iika-anim na oras. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Tingnan ninyo, narito ang inyong hari!”

19:15Sumigaw sila, “ilayo ninyo siya sa amin, ilayo ninyo siya amin, ipako siya.” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dapat ko bang ipako ang inyong Hari?” Sumagot ang mga pinunong pari, “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.”

19:16Pagkatapos, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang maipako.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY