Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Setyembre 2027 › Setyembre 26

Kalendaryong Orthodox · Setyembre 13 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Setyembre 26, 2027

Linggo · Tono 5

Mga kapistahan at mga santo

Ika-14 Linggo pagkatapos ng Pentekostes

Linggo bago ang Pagtatampok sa Krus

Pag-aayuno

Walang pag-aayuno

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Panalangin sa Gabi: pagbasa

1 Hari 8:22–23, 27–30

22Tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh, sa harap ang kapulungan ng Israel, at nag-unat ng kaniyang mga kamay sa kalangitan. 23Kaniyang sinabi, “Yahweh, na Diyos ng Israel, walang diyos ang gaya mo sa itaas ng kalangitaan o sa kailaliman ng mundo, na tumupad ng kaniyang katapatan sa tipan sa iyong mga lingkod na naglalakad kasama mo ng kanilang buong puso; 27Ngunit ang Diyos ba ay talagang maninirahan sa mundo? Masdan ito, ang buong sansinukob at kalangitan mismo ay hindi ka kayang ilulan — paano pa kaya ang templo na aking tinayo! 28Gayon pa man, pakiusap ay ituring mo ang panalanging ito ng iyong lingkod at ang kaniyang hiling, Yahweh aking Diyos; makinig ka sa iyak at panalangin ng iyong lingkod na nananalangin sa harapan mo ngayon. 29Nawa ang iyong mga mata ay nakatuon patungo sa templong ito sa gabi at araw, sa lugar kung saan ay sinabi mo, 'ang Aking pangalan at aking prisensya ay nandoon' — para marining ang panalangin na ipagdarasal ng iyong lingkod sa lugar na ito. 30Kaya makinig ka sa hiling ng iyong lingkod at ng iyong bayan ng Israel kapag nanalangin kami sa lugar na ito. Oo, makinig ka mula sa lugar kung saan ka nakatira, mula sa mga kalangitan; at kapag ika'y nakinig, ikaw ay magpatawad.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 3:19–34

19Sa pamamagitan ng karunungan itinatag ni Yahweh ang mundo, sa pamamagitan ng pang-unawa itinayo niya ang kalangitan. 20Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman, ang mga kailaliman ay bumukas at ibinagsak ng mga ulap ang kanilang hamog. 21Aking anak, panatilihin ang mahusay na pagpapasya at talas ng pag-iisip, at huwag mawala ang paningin sa mga ito. 22Ang mga ito ay buhay sa iyong kaluluwa at isang palamuti ng pabor para isuot sa iyong leeg. 23Pagkatapos ikaw ay lalakad sa iyong daan sa kaligtasan at ang iyong paa ay hindi madarapa; 24kapag ikaw ay humiga, hindi ka matatakot; kapag ikaw ay humiga, ang iyong tulog ay magiging mahimbing. 25Huwag matakot sa biglaang pagkakilabot o pagkawasak na idinulot ng mga masasama, kapag dumating ang mga ito, 26dahil si Yahweh ay nasa iyong tabi at iingatan ang iyong paa na huwag mahuli sa bitag. 27Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos. 28Huwag sabihin sa iyong kapwa, “pumunta ka, at bumalik muli at bukas ibibigay ko ito,” kapag ang pera ay nasa iyo. 29Huwag gumawa ng plano para makasakit ng iyong kapwa— siya na nakatira sa malapit at nagtitiwala sa iyo. 30Huwag makipagtalo sa isang tao ng walang dahilan, kapag wala siyang ginawa para saktan ka. 31Huwag kainggitan ang isang marahas na tao o piliin ang kahit na ano sa kaniyang mga paraan. 32Dahil ang sinungaling na tao ay kasuklam-suklam kay Yahweh, nguniit dinadala niya ang matuwid na tao sa kaniyang pagtitiwala. 33Ang sumpa ni Yahweh ay nasa tahanan ng masasamang tao, ngunit pinagpapala niya ang tahanan ng mga matuwid. 34Kinukutya niya ang mga nangungutya, ngunit ibinibigay niya ang kaniyang pabor sa mga taong may mababang loob.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 9:1–11

1Ang karunungan ay nagtayo ng kaniyang tahanan; nag-ukit siya ng pitong mga poste mula sa bato. 2Hinanda niya ang mga karne niya para ihain sa hapunan; hinalo niya ang kaniyang alak; at inihanda niya ang kaniyang hapag-kainan. 3Nagpadala siya ng mga paanyaya kasama ang mga lingkod niyang babae at tumatawag siya mula sa pinakamataas na dako ng lungsod: 4“Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito!” sinasabi niya roon sa mga walang alam. 5“Lumapit kayo, kainin ninyo ang aking pagkain, at inumin ang alak na aking hinalo. 6Iwanan na ninyo ang mga kaparaanan ng kamangmangan upang kayo ay mabuhay; lumakad sa daan ng pang-unawa. 7Kung sinuman ang magtama ng mangungutya ay nag-aanyaya ng pag-abuso, at kung sinuman ang magtuwid ng masamang tao ay masasaktan. 8Huwag sawayin ang mangungutya, o kamumuhian ka niya; magtuwid ng matalinong tao, at mamahalin ka niya. 9Magbigay ng gabay sa matalinong tao, at siya ay magiging mas matalino; turuan ang matuwid na tao, at dadagdag ang kaniyang pagkatuto. 10Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan. 11Dahil sa pamamagitan ko ang mga araw mo ay dadami, at dadagdag ang taon ng buhay mo.

Ikatlong Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga

Mar 16:9–20

9Maaga sa unang araw ng linggong iyon, matapos siyang bumangon, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kaniya napalayas niya ang pitong demonyo. 10Umalis si Maria Magdalena at sinabi sa mga kasama niya, habang nagluluksa sila at umiiyak. 11Narinig nilang buhay si Jesus at nakita niya ito ngunit hindi sila naniwala. 12Matapos ng mga pangyayaring ito, nagpakita siya sa kakaibang anyo sa dalawa pang tao, habang naglalakad sila palabas ng bayan. 13Pumunta sila at nagbalita sa iba pang mga alagad ngunit hindi sila naniwala sa kanila. 14Sa ibang pagkakataon, nagpakita si Jesus sa labing-isa habang nakasandal sila sa hapag, at sinaway sila dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, dahil hindi sila naniniwala sa mga nakakita sa kaniya matapos siyang bumangon mula sa mga patay. 15Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilikha. 16Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas at ang hindi naniniwala ay hahatulan. 17Ang mga palatandaang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya. Sa aking pangalan sila ay magpapalayas ng mga demonyo. Magsasalita sila sa mga bagong wika. 18Pupulot sila ng mga ahas, at kung iinom sila ng anumang nakamamatay ay hindi sila masasaktan nito. Magpapatong sila ng kamay sa mga may sakit at gagaling sila.” 19Matapos magsalita sa kanila ang Panginoon, iniakyat siya patungo sa langit at naupo sa kanang kamay ng Diyos. 20Humayo ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako, habang ang Panginoon ay kumikilos kasama nila at pinatunayan ang salita sa pamamagitan ng mga sumunod pang mga kahanga-hangang palatandaan.

Sulat (Linggo bago ang Pagtatampok sa Krus)

Gal 6:11–18

11Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo sa aking sariling sulat-kamay. 12Silang naghahangad na makapagbigay kaluguran sa laman ang pumipilit sa inyo na magpatuli. Ginagawa lang nila ito upang hindi sila usigin tungkol sa krus ni Cristo. 13Sapagkat maging ang mga tuli ay hindi sinusunod ang kautusan. Sa halip, nais nila kayong matuli upang maipagmalaki nila ang patungkol sa inyong laman. 14Hindi sana mangyari na ako ay magmalaki maliban lang sa krus ng ating Panginoong Jesu- Cristo. Sa pamamagitan niya ang sanlibutan ay napako sa krus sa akin at ako ay sa sanlibutan. 15Sapagkat hindi mahalaga ang pagtutuli o hindi pagtutuli. Sa halip, ang bagong nilalang ang mahalaga. 16Sa lahat ng mga nabubuhay sa ganitong patakaran, sumakanila nawa ang biyaya at awa, at ganun din sa Israel ng Diyos. 17Mula ngayon wala ng manggugulo sa akin, sapagkat dala-dala ko ang mga marka ni Cristo sa aking katawan. 18Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo, mga kapatid. Amen.

Sulat

2 Cor 1:21–2:4

21Ngayon ang Diyos na nagpatibay sa amin at sa inyo kay Cristo, at kaniya tayong sinugo. 22Nilagay niya ang kaniyang tatak sa atin at ibinigay ang Espiritu sa ating mga puso bilang katiyakan sa kung ano ang ibibigay niya sa atin pagkatapos. 23Sa halip, tumawag ako sa Diyos upang maging saksi para sa akin na ang dahilan ng hindi ko pagpunta sa Corinto ay upang matulungan ko kayo. 24Ito ay hindi dahil sa sinusubukan namin kayong pangunahan kung ano ang dapat sa inyong paniniwala. Sa halip, kami ay gumagawa kasama ninyo para sa inyong kagalakan, habang kayo ay naninindigan sa inyong pananampalataya. 2:1Kaya pinasya ko sa aking sarili na huwag na muling pumunta sa inyo nang nakakasakit. 2Kung nagdulot ako sa inyo ng sakit, sino pa ba ang makapagpapasaya sa akin kundi ang mga nasaktan ko? 3Sumulat ako gaya ng aking ginawa upang sa aking pagpunta sa inyo ay maaaring hindi na ako masaktan ng mga dapat ay nagbigay ng kagalakan sa akin. Naniniwala ako sa inyo na ang kagalakan na aking nararanasan ay tulad din ng kagalakang mayroon kayo. 4Dahil sumulat ako sa inyo ng may matinding kapighatian, at may pusong nagdadalamhati, at maraming pagluha. Ayaw kong magdulot sa inyo ng sakit. Sa halip, nais kong malaman ninyo kung gaano kalalim ang pag-ibig na mayroon ako para sa inyo.

Sulat (Simbahan ng Banal na Libingan)

Heb 3:1–4

1Kaya, mga banal na kapatid, mga kasama sa makalangit na pagtawag, alalahanin ninyo si Jesus na Apostol at Pinakapunong Pari na aming ipinapahayag. 2Siya ay tapat sa Diyos, na naghirang sa kaniya, katulad ng pagiging tapat ni Moises sa lahat ng sambahayan ng Diyos. 3Sapagkat si Jesus ay itinuring na higit na karapat-dapat na maluwalhati kaysa kay Moises, dahil ang gumawa ng bahay ay higit na may karangalan kaysa sa bahay mismo. 4Sapagkat ang bawat bahay ay itinayo ng isang tao, ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.

Ebanghelyo (Linggo bago ang Pagtatampok sa Krus)

Juan 3:13–17

13Walang sinumang umakyat sa langit maliban ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14Tulad ng pagtaas ni Moises ng ahas sa ilang, gayon din naman ang Anak ng Tao ay kailangang maitaas, 15upang ang lahat ng mananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

Ebanghelyo

Mat 22:1–14

1At muling nagsalita si Jesus sa kanila ng isang talinghaga, at nagsabi, 2“Ang kaharian ng langit ay katulad sa isang hari na naghanda ng salu-salo sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. 3Sinugo niya ang kaniyang mga utusan na tawagin ang mga naanyayahan sa salu-salo sa kasal, subalit ayaw nilang pumunta. 4At muling nagsugo ang hari ng iba pang mga utusan, na nagsabing, 'Sabihin sa mga naanyayahan, “Tingnan ninyo, naihanda ko na ang aking hapunan. Ang aking mga baka at pinatabang mga batang baka ay nakatay na, at ang lahat ay nakahanda na. Pumunta kayo sa salu-salo sa kasal.' 5Subalit binabalewala ng mga taong ito ang kaniyang paanyaya. Ang iba ay bumalik sa kanilang sariling mga bukirin, ang iba naman ay nagtungo sa mga lugar ng kanilang negosyo. 6Ang iba naman ay sinunggaban ang mga utusan ng hari, pinahiya at pinatay sila. 7Subalit nagalit ang hari. Inutusan niya ang kaniyang mga sundalo na patayin ang mga mamamatay na iyon, at sunugin ang kanilang lungsod. 8At sinabi niya sa kaniyang mga utusan, 'Ang kasal ay handa na, ngunit ang mga naanyayahan ay hindi karapat-dapat. 9Kaya pumunta kayo sa mga sangandaan at anyayahan ninyo kung gaano karaming tao ang inyong matatagpuan sa salu-salo sa kasal.' 10At ang mga utusan ay nagtungo sa mga malalaking daan at inipon ang lahat ng mga taong matagpuan nila kapwa mabuti at masama. Kaya't ang bulwagan pangkasalan ay napuno ng mga panauhin. 11Subalit nang dumating ang hari upang tingnan ang mga panauhin, nakakita siya ng tao na hindi nakasuot ng pangkasal na kasuotan. 12Sinabi ng hari sa kaniya, 'Kaibigan, paano ka nakapasok dito nang walang pangkasal na kasuotan?' At walang maisagot ang tao. 13At sinabi ng hari sa kaniyang mga utusan, 'Gapusin ang kamay at paa ng taong ito, at ihagis siya sa kadiliman sa labas, kung saan doon ay may pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.' 14Sapagkat maraming tao ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ebanghelyo (Simbahan ng Banal na Libingan)

Mat 16:13–18

13Ngayon, nang dumating si Jesus sa mga bahagi ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kaniyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” 14Sinabi nila, “Sabi ng iba na si Juan na Tagapagbawtismo; ang iba, si Elias; at ang iba, si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo sa kung sino ako?” 16Sumagot si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.” 17Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Pinagpala ka, Simon Bar Jonas, sapagkat ito ay hindi nahayag sa iyo ng laman o ng dugo, kundi ng aking Amang nasa langit. 18Sinasabi ko rin sa iyo na ikaw ay si Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya. Ang tarangkahan ng hades ay hindi mananaig laban dito.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Setyembre 26

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Setyembre 13 sa kalendaryo ng simbahan ay Setyembre 26 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan