Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Setyembre 2027 › Setyembre 26
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Setyembre 26, 2027
Linggo · Ika-26 linggo sa Karaniwang Panahon
Mga kapistahan at mga santo
Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
Linggo · Kulay ng liturhiya: berde
Mga pagbasa sa araw na ito
Unang Pagbasa
25Bumaba si Yahweh sa ulap at nagsalita kay Moises. Kinuha ni Yahweh ang ilan sa Espiritu na naroon kay Moises at nilagay ito sa pitumpung nakakatanda. Nang tumahan ang Espiritu sa kanila, nagpahayag sila, ngunit sa pagkakataong iyon lamang at hindi na naulit pa. 26Dalawang lalaking nagngangalang Eldab at Medad ang naiwan sa kampo. Tumahan din sa kanila ang Espiritu. Nakasulat ang kanilang pangalan sa listahan, ngunit hindi sila lumabas sa tolda. Gayon pa man, nagpahayag sila sa kampo. 27Isang binatang nasa kampo ang tumakbo at sinabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.” 28Si Josue na lalaking anak ni Nun, ang tagapangasiwa ni Moises, ang isa sa mga lalaking pinili ang nagsabi kay Moises, “Aking among Moises, pigilan mo sila.” 29Sinabi ni Moises sa kaniya, “Naninibugho ka ba para sa kapakanan ko? Nais kong lahat ng tao ni Yahweh ay mga propeta at ilagay niya ang kaniyang Espiritu sa kanilang lahat!''
Salmong Tugunan
7Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 9Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 11Oo, sa pamamagitan ng mga ito ang iyong lingkod ay binalaan; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala. 12Sino ang makababatid sa lahat ng kaniyang sariling mga kamalian? Linisin mo ako sa mga lihim na kasalanan. 13Ingatan mo rin ang iyong lingkod sa mga kasalanang mapagmataas; huwag mong hayaan na ang mga ito ay maghari sa akin. Sa gayon ako ay magiging ganap, at inosente sa maraming kasalanan.
Ikalawang Pagbasa
1Ngayon, lumapit kayo mga mayayaman, umiyak kayo ng malakas dahil sa kahirapan na darating sa inyo. 2Ang inyong mga kayamanan ay nabubulok at ang inyong mga kasuotan ay kinakain ng anay. 3Ang inyong ginto at pilak ay wala nang kabuluhan, at ang kanilang kalawang ang magpapatotoo laban sa inyo at susunog ng inyong mga laman gaya ng apoy. Nag-iipon kayo ng inyong kayaman sa huling mga araw. 4Tingnan ninyo, ang bayad ng mga manggagawa—silang mga hindi ninyo binayaran para sa pag-aani ng inyong mga bukid—sumigaw sila ng malakas! At ang mga sigaw ng mga taong nag-aani ng inyong mga pananim ay nakaabot sa tainga ng Panginoon ng mga Hukbo. 5Kayo ay nabuhay ng marangya sa ibabaw ng lupa at nagpakasasa sa inyong mga sarili. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa isang araw ng pagkatay. 6Hinatulan ninyo at pinatay ang mga matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Ebanghelyo
38Sinabi ni Juan sa kaniya, “ Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa iyong pangalan at pinatigil namin siya, dahil hindi siya sumusunod sa atin.” 39Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang patigilin, sapagkat walang sinuman ang gagawa ng dakilang bagay sa pangalan ko at pagkatapos ay magsasalita ng anumang masama tungkol sa akin. 40Sinumang hindi laban sa atin ay sumasa atin, 41Sinumang magbigay sa inyo ng isang tasa ng tubig upang inumin dahil kabilang kayo kay Cristo, totoong sinasabi ko sa inyo, hindi mawawala ang kaniyang gantimpala. 42Ang sinumang nagiging dahilan na madapa ang isa sa mga bata na ito na naniniwala sa akin, mas mabuti pa sa kaniya na talian ang kaniyang leeg ng malaking gilingang bato at itapon siya sa dagat. 43Kung ang iyong kamay ang dahilan upang ikaw ay madapa, putulin mo ito. Mas mabuti pang pumasok ka sa buhay na walang kamay kaysa may dalawang kamay at pumunta sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 44(kung saan ang kanilang mga uod ay hindi kailanman mamamatay at ang apoy ay hindi kailanman mamamatay) 45Kung ang iyong paa ang dahilan upang ikaw ay madapa, putulin mo ito. Mas mabuti pa para sa iyo na pilay kang papasok sa buhay, kaysa may dalawang paa at maitapon sa impiyerno. 46(kung saan ang kanilang mga uod ay hindi kailanman mamamatay at ang apoy ay hindi kailanman mamamatay.) 47Kung ang iyong mata ang dahilan upang ikaw ay madapa, dukutin mo ito. Mas mabuti pang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa mayroong dalawang mata at maitapon sa impiyerno, 48kung saan hindi namamatay ang kanilang mga uod at hindi namamatay ang apoy.
Mga santo ng araw
- San Cosme at San Damian, mga martir
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan