Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 28
Kalendaryong Orthodox · Abril 15 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Abril 28, 2027
Miyerkules · Dakila at Banal na Sanlinggo
Mga kapistahan at mga santo
Dakila at Banal na Miyerkules
Dakilang Kuwaresma
Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ebanghelyo (Panalangin sa Umaga ng Kasintahang Lalaki)
17Ngayon ang maraming mga tao na nakasama ni Jesus ng tawagin niya si Lazarus palabas sa libingan at binuhay mula sa mga patay, ay nagpatotoo sa iba. 18Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga tao ay lumabas upang salubungin siya, dahil narinig nilang ginawa niya ang tandang ito. 19Kaya nagsabi ang mga Pariseo sa isa't isa: Tingnan ninyo, wala kayong magagawa; tingnan ninyo, ang sanlibutan ay sumusunod sa kaniya.” 20Ngayon, may ilang mga Griyego na kasama nilang umakyat upang sumamba sa kapistahan. 21Lumapit sila kay Felipe na mula sa Bethsaida ng Galilea, at tinanong siya na nagsasabi, “Ginoo, nais naming makita si Jesus.” 22Pumunta si Felipe at sinabi kay Andres; si Andres ay pumunta kasama si Felipe, at sinabi nila kay Jesus. 23Sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang oras ay dumating na upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin. 24Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay nanatili sa kaniyang sarili na mag-isa, ngunit kung ito ay mamatay, magbubunga ito ng napakarami. 25Ang nagmamahal sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, subali't ang namumuhi sa kaniyang buhay sa mundong ito ay mapapanatili ito para sa walang hanggang buhay. 26Kung sinuman ang maglingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon, ang aking lingkod ay naroon din. Kung sinuman ang maglingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama. 27Ang aking kaluluwa ay nababagabag ngayon, “Ano ang aking sasabihin? 'Ama, iligtas mo ako sa oras na ito'? Subalit dahil dito, naparito ako sa oras na ito. 28Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Pagkatapos isang tinig ang nagmula sa langit, at nagsabi, “Niluwalhati ko na at muli ko rin itong luluwalhatiin” 29Pagkatapos ang maraming mga tao na nakatayo sa malapit at nakarinig nito ay nagsabi na kumulog. Sinabi ng iba, “Isang anghel ang nagsalita sa kaniya.” 30Sumagot si Jesus at nagsabi, “Ang tinig na ito ay hindi dumating alang-alang sa akin, kundi para sa inyong kapakanan. 31Ngayon na ang paghuhukom nitong mundo. Ngayon itataboy ang prinsipe ng mundong ito. 32At ako, kung ako ay maitaas mula sa lupa, aking ilalapit ang mga tao sa aking sarili. 33Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung sa paanong paraan na kamatayan siya mamamatay. 34At sumagot ang maraming tao sa kaniya, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Paano mo masasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangan itaas?” “Sino itong Anak ng Tao?” 35Saka sinabi ni Jesus sa kanila, “Gayunman sa kaunting panahon na lamang ay kasama ninyo ang ilaw. Lumakad habang nasa inyo ang liwanag upang hindi kayo abutan ng kadililman. Ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nakakaalam kung saan siya patutungo. 36Habang mayroon sa inyo ang liwanag, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga anak ng liwanag. Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito, at pagkatapos umalis siya at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37Kahit na maraming nagawang mga tanda si Jesus sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya 38upang ang salita ni Isaias na propeta ay maaring matupad, na kaniyang sinabi: “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ulat? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?” 39Sa kadahilanang ito hindi sila sumasampalataya, sapagkat sinabi rin ni Isaias, 40“Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso, kung hindi man, makikita nila sa kanilang mga mata at makauunawa sa kanilang mga puso, at manumbalik, at pagagalingin ko sila. 41Sinabi ang mga bagay na ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagsalita siya ng tungkol sa kaniya. 42Gayunpaman, maraming mga pinuno ang naniwala kay Jesus, pero dahil sa mga Pariseo, hindi nila inaamin ito upang hindi sila ipagbawal sa sinagoga. 43Minahal nila ang papuri na nagmumula sa mga tao kaysa sa papuring nagmumula sa Diyos. 44Sumigaw si Jesus at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi maging sa kaniya na nagsugo sa akin. 45At ang nakakakita sa akin ay nakakakita sa kaniya na nagsugo sa akin. 46Ako ay naparito bilang isang liwanag sa mundo upang ang sinumang maniwala sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47Kung sinuman ang nakakarinig ng aking mga salita, subalit hindi sinusunod ang mga ito, hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ang mundo. 48Ang sinumang tumanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita ay mayroong isang hahatol sa kaniya, ito ay ang salita na aking sinabi na siyang hahatol sa kaniya sa huling araw. 49Sapagkat hindi ako nagsalita mula sa aking sarili. Sa halip ang Ama na siyang nagsugo sa akin, na siyang nagbigay sa akin ng utos tungkol sa kung ano ang aking dapat sabihin at dapat ipahayag. 50Alam ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; kaya iyong mga sinasabi ko—na ayon sa sinasabi ng Ama sa akin, ay sinasabi ko sa kanila.”
Ikaanim na Oras
3Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, sinusugo kita sa mga tao ng Israel, sa suwail na bansang naghimagsik laban sa akin—nagkasala sila at ng kanilang mga ninuno laban sa akin hanggang sa panahong ito! 4Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay may mga matitigas na mukha at mga matitigas na puso. Isinusugo kita sa kanila. At sasabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh.' 5Makinig man sila o hindi sila makikinig. Sila ay suwail na sambahayan, ngunit malalaman man lamang nila na isang propeta ang kabilang sa kanila. 6At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa kanilang mga salita. Huwag kang matakot, kahit na kasama mo ang mga dawag at mga tinik, at kahit na ikaw ay namumuhay kasama ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita o panghinaan ng loob sa kanilang mga mukha, sapagkat sila ay suwail na sambahayan. 7Ngunit sasabihin mo sa kanila ang aking mga salita, makinig man sila o hindi, dahil sila ay napakasuwail. 8Ngunit ikaw, anak ng tao, makinig ka sa sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging suwail tulad ng suwail na sambahayang iyon. Buksan mo ang iyong bibig at kainin ang ibibigay ko sa iyo!” 9Pagkatapos, tumingin ako at isang kamay ang nag-abot sa akin, dito ay may kasulatang binalumbon. 10Inilatag niya ito sa aking harapan, nasulatan ang harap at ang likod nito, at mga panaghoy, pagluluksa, at kapighatian ang nakasulat dito. 3:1Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo kung ano ang natagpuan mo! Kainin mo itong kasulatang binalumbon, pagkatapos ay humayo sa sambahayan ng Israel at magsalita.” 2Kaya ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang kasulatang binalumbon. 3Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, pakainin mo ang iyong sikmura at busugin ang iyong tiyan sa pamamagitan ng kasulatang binalumbong ito na ibinigay ko sa iyo!” Kaya kinain ko ito, at ito ay kasintamis ng pulot-pukyutan sa aking bibig.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
11Nang lumaki na si Moises, pumunta siya sa kaniyang bayan at inobserbahan ang kanilang mahirap na gawain. Nakita niya ang isang taga-Ehipto na sinasaktan ang isang Hebreo, isa sa kaniyang sariling bayan. 12Lumingon siya sa magkabilang banda, at nang makita niya na walang tao doon, pinatay niya ang taga-Ehipto at tinago ang kaniyang katawan sa buhangin. 13Lumabas siya nang sumunod na araw, at, nakita ang dalawang Hebreo na nag-aaway. Sinabi niya sa isang may sala, “Bakit mo sinasaktan ang iyong kasamahan?” 14Pero sinabi ng lalaki “Sino ang gumawa sa iyong pinuno at hatulan kami? Pinaplano mo ba akong patayin gaya ng iyong pagpatay sa taga-Ehipto?” Pagkatapos natakot si Moises at sinabing, “Anuman ang ginawa ko ay tiyak na nalaman ng iba.” 15Ngayon nang marinig ni Paraon ang tungkol dito, sinubukan niyang patayin si Moises. Pero tumakas si Moises mula kay Paraon at nanatili sa lupain ng Midian. Umupo siya doon sa tabi ng isang balon. 16Ngayon ang pari ng Midian ay mayroong pitong anak na babae. Dumating sila, umigib ng tubig, at pinuno ang mga labangan para painumin ang kawan ng kanilang ama. 17Dumating ang mga pastol at sinubukang palayasin sila, pero lumapit si Moises at tinulungan sila. Pagkatapos pinainom niya ang kanilang mga kawan. 18Nang pumunta ang mga babae kay Reuel na kanilang ama, sinabi niya, “Bakit maaga kayong nakauwi ngayong araw?” 19Sinabi nila, “Tinulungan kami ng isang taga-Ehipto mula sa mga pastol. Ipinag-igib pa nga niya kami ng tubig at pinainom ang mga kawan.” 20Sinabi niya sa kaniyang mga anak na babae, “Kaya nasaan siya? Bakit ninyo iniwan ang lalaki? Tawagin ninyo siya para makasabay natin siyang kumain.” 21Sumang-ayon si Moises na manatili siya kasama ang lalaki, na binigay rin ang kaniyang anak na babae na si Zipora para mapangasawa. 22Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, at pinangalanan siya ni Moises na Gersom; sinabi niya, “Ako ay naging isang mamamayan sa isang dayuhang lupain.”
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Muling dumating ang araw para humarap kay Yahweh ang mga anak ng Diyos, pumunta rin si Satanas para iharap ang kaniyang sarili kay Yahweh. 2Tinanong ni Yahweh si Satanas, “Saan ka naman nanggaling ngayon?” Sumagot si Satanas, “Galing ako sa paglalakad sa lupa nang pabalik-balik.” 3Nagtanong muli si Yahweh kay Satanas, “Ano naman ang masasabi mo sa lingkod kong si Job? Sapagkat wala siyang katulad sa mundong ito, walang maipipintas at tapat na tao, may takot sa Diyos at tumatalikod sa lahat ng kasamaan. Nananatili pa rin siya sa kaniyang integridad kahit na pinilit mo akong gumawa ng laban sa kaniya, para sirain siya nang walang dahilan.” 4Sumagot si Satanas kay Yahweh at sinabing, “Balat sa balat naman; kayang ibigay ng tao ang lahat-lahat ng pag-aari niya para lamang siya mabuhay. 5Pero subukan mong iunat ang iyong kamay at galawin ang kaniyang mga buto at katawan, tingnan mo kung hindi ka niya isumpa nang harapan.” 6Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Sige, siya ay nasa iyong mga kamay, pero huwag mo lang siyang babawian ng buhay.” 7Kaya umalis si Satanas sa presensiya ni Yahweh at nilagyan ng mga malubhang pigsa si Job mula sa kaniyang talampakan hanggang sa bumbunan. 8Pumulot si Job ng isang piraso ng basag na palayok para kayurin ang sarili gamit nito, saka siya umupo sa ibabaw ng mga abo. 9Saka sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa, “Panghahawakan mo pa rin ba ang iyong integridad? Isumpa mo na ang Diyos at mamatay ka na.” 10Pero sinabi niya sa kaniyang asawa, “Kung makapagsalita ka parang wala kang isip, hindi mo ba naisip na hindi lang kabutihan ang maaari nating maranasan sa kamay ng Diyos at maaari rin tayong makaranas ng masama?” Sa lahat ng pangyayaring ito, hindi nagkasala si Job sa kaniyang mga labi.
Ebanghelyo (Liturhiya ng mga Pinabanal Na)
6Ngayon, habang si Jesus ay nasa Betania sa bahay ni Simon na ketongin, 7habang siya ay nakasandal sa mesa, may babae na lumapit sa kaniya na may dalang isang sisidlang alabastro ng mamahaling pabango, at ibinuhos niya ito sa kaniyang ulo. 8Subalit ng makita ng kaniyang mga alagad ito, sila'y nagalit at sinabi, “Anong dahilan sa pag-aaksayang ito? 9Maaari sana itong ipagbili ng malaking halaga at ipamimigay sa dukha.” 10Ngunit si Jesus, na nalalaman ito, sinabi sa kanila, “Bakit ninyo binabagabag ang babaing ito? Sapagkat gumagawa siya ng napakabuting bagay sa akin. 11Nasa inyo palagi ang mga dukha, subalit hindi ninyo ako makakasama palagi. 12Sapagkat nang binuhos niya itong pabango sa aking katawan, ginawa niya ito para sa aking paglilibing. 13Totoo itong sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balita sa buong mundo, ang ginawa ng babaeng ito ay ipagsasabi din sa pag-alala sa kaniya.” 14At ang isa sa Labingdalawa na nagngangalang Judas Iscariote ay pumunta sa mga punong pari 15at sinabi, “Ano ang nais ninyong ibigay sa akin, upang siya'y ibigay ko sa inyo?” At nagtimbang sila ng tatlumpung piraso ng pilak para sa kaniya. 16Mula ng panahong iyon humanap siya ng pagkakataon upang ibigay siya sa kanila.
Mga santo ng araw
- Mga Apostol mula sa Pitumpu Aristarco, Pudente at Trofimo (c. 67)
- Paring Martir Alejandro, pari (1930)
- Mga Martir Basilisa at Anastasia (c. 68)
- Mga Martir ng Mesukevia, si Sukias at ang kaniyang pangkat: Andres, Anastasio, Talale, Teodoreto, Euquirion, Jordan, Cuadrato, Luciano, Mimnenos, Nerangios, Polieucto, Jacobo, Focas, Domenciano, Victor at Zosimo (100-130) (Georgia)
- Martir Sabas ang Godo (372)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 15 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 28 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan