Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 29
Kalendaryong Orthodox · Abril 16 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Abril 29, 2027
Huwebes · Dakila at Banal na Sanlinggo
Mga kapistahan at mga santo
Dakila at Banal na Huwebes
Dakilang Kuwaresma
Pag-aayuno: may langis
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ebanghelyo (Panalangin sa Umaga ng Kasintahang Lalaki)
1Ngayon, papalapit na ang Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskwa. 2Pinag-usapan ng mga punong pari at mga eskriba kung paano nila ipapapatay si Jesus, sapagkat natatakot sila sa mga tao. 3Pumasok si Satanas kay Judas Iscariote, isa sa Labindalawa. 4Nagpunta si Judas at nakipag-usap sa mga punong pari at mga kapitan tungkol sa kung paano niya maidadala si Jesus sa kanila. 5Nagalak sila, at nakipagkasundong bibigyan siya ng pera. 6Sumang-ayon siya, at naghanap ng pagkakataon upang madala niya si Jesus sa kanila malayo sa maraming mga tao. 7Dumating ang araw ng tinapay na walang pampaalsa, na kung saan kailangang ialay ang kordero ng Paskwa. 8Isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, at sinabi, “Pumunta kayo at maghanda ng hapunang Pampaskua upang ito ay ating kainin.” 9Tinanong nila sa kaniya, “Saan mo kami gustong gumawa ng mga paghahanda?” 10Sinagot niya sila, “Makinig kayo, kapag nakapasok na kayo sa lungsod, may isang lalaking sasalubong sa inyo na may isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay kung saan siya papasok. 11Pagkatapos, sabihin ninyo sa panginoon ng bahay 'Ipinapatanong ng Guro sa iyo, “Nasaan ang silid pampanauhin, kung saan kami kakain ng aking mga alagad sa araw ng Paskwa?'” 12Ipapakita niya sa inyo ang malaki at maayos na silid sa itaas. Doon ninyo gawin ang mga paghahanda. 13Kaya pumunta sila, at nakita ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang hapunang Pampaskwa. 14Nang dumating ang panahon, umupo siya kasama ang mga apostol. 15Pagkatapos sinabi niya sa kanila, “Labis kong ninais na makasalo kayo sa Pista ng Paskwang ito bago ako magdusa. 16Sapagkat sinasabi ko sa inyo, hindi ko na ito kakaining muli, hanggang sa matupad ito sa kaharian ng Diyos.” 17Pagkatapos, kumuha si Jesus ng isang kopa, at nang makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito at ibahagi ito sa isa't isa. 18Sapagkat sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.” 19Pagkatapos, kinuha niya ang tinapay at nang makapagpasalamat, hinati-hati niya ito, at ibinigay sa kanila, sinasabi, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20Kinuha niya ang tasa sa parehong paraan pagkatapos ng hapunan, sinasabi, “Ang tasang ito ang bagong tipan sa aking dugo, na ibinuhos para sa inyo. 21Ngunit makinig kayo. Ang taong magkakanulo sa akin ay kasama ko ngayon sa hapag. 22Sapagkat ang Anak ng Tao ay mamamatay ayon sa itinakda. Ngunit sa aba sa taong iyon na magkakanulo sa kaniya!” 23At nagsimula silang magtanong sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito. 24At nagkaroon din ng pagtatalo sa kanila tungkol sa kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila. 25Sinabi niya sa kanila, “Ang mga hari ng mga Gentil ay may kapangyarihang pamunuan sila, at ang mga may kapangyarihan sa kanila ay tinawag na mga pinunong kagalang-galang. 26Ngunit sa inyo ay hindi dapat maging tulad nito. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata. At ang pinakamahalaga sa inyo ay maging katulad ng isang naglilingkod. 27Sapagkat sino ang mas dakila, ang taong nakaupo sa may hapag o ang siyang naglilingkod? Hindi ba ang taong nakaupo sa may hapag? Bagaman kasama ninyo ako bilang isang naglilingkod. 28Ngunit kayo ang mga nagpatuloy na kasama ko sa aking mga pagsubok. 29Ibibigay ko sa inyo ang kaharian, katulad ng aking Ama na nagbigay sa akin ng kaharian, 30upang kayo ay kumain at uminom sa aking mesa sa aking kaharian. At uupo kayo sa mga trono na hahatol sa labindalawang lipi ng Israel. 31Simon, Simon, mag-ingat kayo, sapagkat hinihingi kayo ni Satanas upang salain kayo tulad ng trigo. 32Ngunit ipinanalangin kita, upang hindi humina ang iyong pananampalataya. At pagkatapos mong muling manumbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” 33Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.” 34Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, hindi titilaok ang tandang sa araw na ito, bago mo ikaila ng tatlong beses na kilala mo ako.” 35At sinabi ni Jesus sa kanila. “Nang ipinadala ko kayo na walang pitaka, supot ng mga kakailanganin, o sapatos, nagkulang ba kayo ng kahit na ano?” At sumagot sila, “Hindi.” 36Kaya sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, siya na may pitaka, kunin niya ito, at maging ang supot ng pagkain. Ang walang espada ay dapat ipagbili niya ang kaniyang balabal at bumili ng isa. 37Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kinakailangang matupad ang nasusulat tungkol sa akin, 'At itinuring siyang isa sa mga lumalabag sa batas.' Sapagkat natutupad na ang pahayag tungkol sa akin.” 38Kaya sinabi nila, “Panginoon, tingnan mo! Narito ang dalawang espada.” At sinabi niya sa kanila, “Tama na iyan.” 39Pagkatapos ng hapunan, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo gaya ng madalas niyang ginagawa, at sumunod ang mga alagad sa kaniya.
Unang Oras
18Ipinaalam ni Yahweh sa akin ang mga bagay na ito, kaya alam ko ang mga ito. Ikaw Yahweh, ang nagpakita sa akin ng kanilang mga gawain. 19Tulad ako ng isang maamong tupa na dinala sa mangangatay. Hindi ko alam na may binalak sila laban sa akin, “Sirain natin ang puno maging ang mga bunga nito! Putulin natin siya sa lupain ng mga buhay upang hindi na maalala pa ang kaniyang pangalan.” 20Ngunit matuwid na hukom si Yahweh ng mga hukbo na siyang sumisiyasat ng puso at isipan. Magiging saksi ako sa iyong paghihiganti laban sa kanila, sapagkat iniharap ko ang aking kalagayan sa iyo. 21Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga taga-Anatot na umuusig sa iyong buhay, “Sinabi nila, 'Hindi ka dapat mag-propesiya sa ngalan ni Yahweh, o mamamatay ka sa pamamagitan ng aming mga kamay.' 22Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, 'Tingnan mo, parurusahan ko sila. Mamamatay sa pamamagitan ng espada ang malalakas nilang mga kabataan. Mamamatay sa gutom ang mga anak nilang lalaki at babae. 23Walang matitira sa kanila dahil magdadala ako ng kapahamakan sa mga taga-Anatot, ang panahon ng kanilang kaparusahan.”' 12:1Sa tuwing nakikipagtalo ako sa iyo, Yahweh, ikaw ay matuwid. Tunay nga na dapat kong sabihin sa iyo ang aking dahilan upang magreklamo. Bakit nagtatagumpay ang pamamaraan ng mga masasama? Nagtatagumpay ang lahat ng mga taong walang pananampalataya. 2Itinanim mo sila at nagkaroon ng mga ugat. Nagpatuloy sila upang makapamunga. Malapit ka sa kanilang mga labi, ngunit malayo sa kanilang mga puso. 3Ngunit ikaw mismo Yahweh, kilala mo ako. Nakikita mo ako at sinusuri ang aking puso. Dalhin mo sila sa katayan tulad ng isang tupa. Ibukod mo sila para sa araw ng pagkatay. 4Gaano katagal magpapatuloy ang lupain sa pagluluksa at nalalanta na ang mga halaman sa bawat bukirin dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito? Nawala lahat ang mga maiilap na hayop at mga ibon. Sa katunayan, sinasabi ng mga tao, “Hindi alam ng Diyos kung ano ang mangyayari sa atin.” 5Sinabi ni Yahweh, “Sapagkat kung ikaw, Jeremias ay nakipagtakbuhan sa mga nakapaang kawal at pinagod ka nila, paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo? Kung nadapa ka sa kapatagan sa ligtas na kabukiran, paano mo gagawin sa mga kasukalan sa daan ng Jordan? 9Ang aking mga mahahalagang pag-aari ay isang mabangis na aso at pinalilibutan ng mga ibong mandaragit ang itaas ng kaniyang ulo. Pumunta kayo at tipunin ang lahat ng mga nabubuhay na nilalang sa mga bukirin at dalhin ang mga ito upang kainin sila. 10Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan. Tinapakan nila ang buong bahagi ng aking lupain, ginawa nilang isang ilang at malagim ang aking kaakit-akit na bahagi. 11Ginawa nila siyang isang lagim. Nagluluksa ako para sa kaniya dahil pinabayaan siya. Pinabayaan ang buong lupain dahil wala ni isa ang tumanggap nito sa kanilang puso. 14Ito ang sinasabi ni Yahweh laban sa lahat ng aking mga kapwa, ang mga taong masasama na sumira sa aking mga pag-aari na ipinamana ko sa aking mga taong Israelita, “Tingnan ninyo, ako ang siyang bubunot sa kanila mula sa kanilang sariling lupain at bubunutin ko ang sambahayan ng Juda mula sa kanila. 15At pagkatapos kong bunutin ang mga bansang iyon, mangyayari na magkakaroon ako ng habag sa kanila at pababalikin ko sila. Ibabalik ko sila, ang bawat tao sa kaniyang mana at ang kaniyang lupain.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
10Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Puntahan mo ang mga tao. Ngayon at bukas kailangan mong ihandog sila sa akin at hugasan nila ang kanilang mga damit. 11Maging handa sa ikatlong araw, dahil sa ikatlong araw Ako, si Yahweh ay bababa sa Bundok Sinai. 12Dapat kang maglagay ng hangganan sa palibot ng bundok para sa mga tao. Sabihin sa kanila, ''Mag-ingat na hindi sila aakyat ng bundok o hahawakan ang hangganan. Siguradong mailalagay sa kamatayan ang sinumang hahawak sa bundok.' 13Walang sinumang hahawak sa ganoong tao. Kundi, kailangan siyang batuhin o panain. Kahit ito man ay isang tao o isang hayop, dapat siyang mailagay sa kamatayan. Kapag tumunog na ang trumpeta ng isang mahabang tunog maaari na silang lumapit pataas sa paanan ng bundok. 14Pagkatapos bumaba si Moises mula sa bundok patungo sa mga tao. Inihandog niya ang mga tao kay Yahweh, at hinugasan nila ang kanilang mga damit. 15Sinabi niya sa mga tao, “Maging handa sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa inyong mga asawa.” 16Sa ikatlong araw, nang umagang iyon, mayroon kulog at kidlat at isang makapal na ulap sa itaas ng bundok at ang tunog ng isang napakalakas na trumpeta. Nanginig ang lahat ng tao na nasa kampo. 17Dinala ni Moises palabas sa kampo ang lahat ng tao para makipagkita sa Diyos at nakatayo sila sa paanan ng bundok. 18Lubusang nababalutan ng usok ang Bundok ng Sinai dahil kay Yahweh na bumaba doon na may apoy at usok. Pumaitaas ang usok katulad ng usok ng isang pugon at marahas na nabulabog ang buong bundok. 19Nang palakas ng palakas ang tunog ng trumpeta, nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa isang boses.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Pagkatapos tinawag ni Yahweh si Job sa malakas na bagyo at sinabi, 2“Sino itong nagdadala ng kadiliman sa aking mga plano sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman? 3Talian mo ang iyong baywang gaya ng isang lalaki dahil magtatanong ako sa iyo, at kailangan mo akong sagutin. 4Nasaan ka nang inilatag ko ang pundasyon ng mundo? Sabihin mo sa akin, kung mayroon kang labis na kaunawaan. 5Sino ang nakaaalam ng lawak nito? Sabihin mo sa akin, kung alam mo. Sino ang nag-unat ng panukat dito? 6Saan nakalatag ang mga pundasyon nito? Sino ang naglatag ng mga panulukang-bato nito 7nang magkakasamang kumanta ang mga bituin sa umaga at sumigaw sa galak ang lahat ng mga anak ng Diyos? 8Sino ang nagsara ng dagat gamit ang pinto kapag bumubulwak ito, na parang lumabas sa sinapupunan - 9nang ginawa ko ang mga ulap bilang damit nito, at makapal na kadiliman bilang mga bigkis nito? 10Iyon ay noong nilagyan ko ng tanda ang hangganan ng dagat, at naglagay ako ng mga rehas at mga pinto, 11at nang sinabi ko dito, 'Maari kang pumunta hanggang dito, pero hanggang dito lamang; dito ko ilalagay ang hangganan ng pagmamalaki ng iyong mga alon.' 12Binuksan mo na ba, buhat noong nagsimula ang iyong mga araw, na magbigay ng utos na magsimula ang umaga, at idulot ang bukang-liwayway na malaman ang lugar nito sa takbo ng mundo, 13para mahawakan nito ang mga dako ng mundo para yanigin ang mga masasamang tao? 14Nagbago ang anyo ng mundo gaya ng luwad na nagbabago sa ilalim ng tatak; nangingibabaw ang lahat ng naroroon gaya ng mga tiklop na piraso ng damit. 15Mula sa masasamang tao ang kanilang 'liwanag' ay kinuha; sinira ang nakataas nilang braso. 16Nakapunta ka na ba sa mga pinagmumulan ng tubig sa dagat? Nakapaglakad ka na ba sa pinakamababang bahagi ng kailaliman? 17Naipakita na ba sa iyo ang tarangkahan ng kamatayan? Nakita mo na ba ang mga tarangkahan ng anino ng kamatayan? 18Naintindihan mo ba ang kalawakan ng mundo? Sabihin mo sa akin, kung alam mo ang lahat ng ito. 19Nasaan ang daan patungo sa kinalalagyan ng liwanag - para sa kadiliman, saan ito nakalagay? 20Kaya mo bang dalahin ang liwanag at kadiliman sa kanilang pinagtatrabahuhan? Kaya mo bang hanapin ang pabalik sa bahay nila? 21Siguradong alam mo, dahil pinanganak ka roon; ang bilang ng iyong mga araw ay napakahaba! 22Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe, o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo, 23ang mga bagay na itinatago kong ito ay para sa panahon ng kaguluhan, para sa araw ng labanan at digmaan? 42:1Pagkatapos sumagot si Job kay Yahweh at sinabing, 2“Alam kong kaya mong gawin ang lahat ng bagay, na wala kang layunin na mapipigilan. 3Tinanong mo ako, 'Sino ba itong walang nalalaman na nagdadala ng kadiliman sa aking mga plano?' Kaya sinabi ako ang mga bagay na hindi ko naintindihan, mga bagay na napakahirap para maunawaan ko, na hindi ko alam. 4Sinabi mo sa akin, 'Makinig ka, ngayon, at magsasalita ako; magtatanong ako sa iyo ng mga bagay, at sasabihin mo sa akin.' 5Narinig ko na ang tungkol sa iyo sa pandinig ng aking tainga, pero ngayon nakikita ka na ng aking mata.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
4Binigyan ako ng Panginoong si Yahweh ng dila na katulad ng mga marunong, kaya nagsasabi ako ng nakakatulong na salita sa napapagod; ginigising niya ako bawat umaga; ginigising niya ang tainga ko para makarinig tulad ng mga marunong. 5Binuksan ng Panginoong si Yahweh ang aking tainga, at hindi ako mapaghimagsik, maging ang tumalikod. 6Binigay ko ang aking likod sa mga bumubugbog sa akin, at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng aking balbas; hindi ko tinago ang aking mukha mula sa pamamahiya at panunura. 7Dahil tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh; kaya hindi ako napahiya; kaya ginawa kong matigas na bato ang mukha ko, dahil alam kong hindi ako malalagay sa kahihiyan. 8Siya na magpapawalang-sala sa akin ay malapit lang. Sino ang sasalungat sa akin? Tumayo tayo at harapin ang bawat isa. Sino ang nag-aakusa sa akin? Hayaan ninyo siyang lumapit sa akin. 9Tingnan ninyo, tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh. Sino ang magpapahayag na makasalanan ako? Tingnan ninyo, masisira sila tulad ng damit; kakainin sila ng gamu-gamo. 10Sino sa inyo ang natatakot kay Yahweh? Sino ang sumusunod sa boses ng kaniyang lingkod? Sino ang naglalakad sa malalim na kadiliman nang walang liwanag? Dapat siyang magtiwala sa pangalan ni Yahweh at sumandal sa kaniyang Diyos. 11Tingnan ninyo, lahat kayong nagsisindi ng apoy, kayong nagdadala ng mga sulo: maglakad kayo sa liwanag ng inyong apoy at sa alab na sinindihan ninyo. Ito ang natanggap ninyo mula sa akin: hihimlay kayo sa lugar ng kirot.
Sulat
23Sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang ibinibigay ko sa inyo na ang Panginoong Jesus, sa gabing siya ay ipagkanulo, humuha ng tinapay. 24Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagpira-piraso niya ito at sinabi: “Ito ang aking katawan, na para sa inyo. Gawin ninyo ito upang alalahanin ako.” 25Sa ganoon ding paraan, matapos ang Hapunan, kinuha niya ang tasa at kaniyang sinabi, “Ito ang tasa ng bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo itong madalas na pag-inom, upang alalahanin ako.” 26Sapagkat sa tuwing kumakain kayo ng tinapay na ito at umiinom sa tasang ito, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kaniyang pagbabalik. 27Sinuman ang kakain ng tinapay o iinom sa tasa ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na pamamaraan, magkakasala siya sa katawan at sa dugo ng Panginoon. 28Siyasatin muna ng isang tao ang kaniyang sarili, at sa paraang ito hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang katawan, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili. 30Iyan ang dahilan kung bakit marami ang may karamdaman at may sakit sa inyo, at ang ilan sa inyo ay namatay na. 31Ngunit kung sinisiyasat natin ang ating mga sarili hindi tayo mahahatulan. 32Ngunit kapag hinatulan tayo ng Panginoon, dinisiplina tayo, upang hindi na tayo mahatulan pa kasama ang mundo.
Ebanghelyo (pinagsamang pagbasa)
Mat 26:1–20 · Juan 13:3–17 · Mat 26:21–39 · Luc 22:43–45 · Mat 26:40–27:2
1At nangyari nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, 2“Alam ninyo na pagkalipas ng dalawang araw darating ang Paskua, at ang Anak ng Tao ay ibibigay upang maipako sa krus”. 3At ang mga punong pari at ang mga nakatatanda ng mga tao ay nagkatipun-tipon sa palasyo ng pinakapunong pari na nagngangalang si Caifas. 4Nagsabwatan sila na hulihin si Jesus ng panakaw at patayin. 5Sapagkat sinasabi nila, “Hindi sa araw ng pista, upang hindi magkaroon ng kaguluhan ang mga tao. 6Ngayon, habang si Jesus ay nasa Betania sa bahay ni Simon na ketongin, 7habang siya ay nakasandal sa mesa, may babae na lumapit sa kaniya na may dalang isang sisidlang alabastro ng mamahaling pabango, at ibinuhos niya ito sa kaniyang ulo. 8Subalit ng makita ng kaniyang mga alagad ito, sila'y nagalit at sinabi, “Anong dahilan sa pag-aaksayang ito? 9Maaari sana itong ipagbili ng malaking halaga at ipamimigay sa dukha.” 10Ngunit si Jesus, na nalalaman ito, sinabi sa kanila, “Bakit ninyo binabagabag ang babaing ito? Sapagkat gumagawa siya ng napakabuting bagay sa akin. 11Nasa inyo palagi ang mga dukha, subalit hindi ninyo ako makakasama palagi. 12Sapagkat nang binuhos niya itong pabango sa aking katawan, ginawa niya ito para sa aking paglilibing. 13Totoo itong sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balita sa buong mundo, ang ginawa ng babaeng ito ay ipagsasabi din sa pag-alala sa kaniya.” 14At ang isa sa Labingdalawa na nagngangalang Judas Iscariote ay pumunta sa mga punong pari 15at sinabi, “Ano ang nais ninyong ibigay sa akin, upang siya'y ibigay ko sa inyo?” At nagtimbang sila ng tatlumpung piraso ng pilak para sa kaniya. 16Mula ng panahong iyon humanap siya ng pagkakataon upang ibigay siya sa kanila. 17Ngayon sa unang araw ng tinapay na walang pampaalsa, nagsilapit ang mga alagad kay Jesus at nagsabi, “Saan mo nais na tayo ay maghanda upang iyong kainin ang pagkain ng Paskwa?” 18Sinabi niya, “Pumunta kayo sa lungsod sa isang tao roon at sabihin ninyo sa kaniya, 'Sinabi ng Guro, “Ang panahon ko ay malapit na. Gaganapin ko ang Paskwa sa inyong bahay kasama ng aking mga alagad."”' 19Ginawa ng mga alagad kung ano ang ipinag-utos ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang pagkain ng Paskwa. 20Nang sumapit ang gabi, umupo siya upang kumain kasama ang mga labingdalawang alagad. 13:3Alam ni Jesus na ibinigay ng Ama sa kaniyang mga kamay ang lahat ng mga bagay at siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. 4Tumayo siya nang hapunan at ibinaba ang kaniyang panglabas na kasuotan. At kumuha siya ng tuwalya at ibinigkis ito sa kaniyang sarili. 5Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at upang punasan sila ng tuwalya na ibinigkis sa kaniyang sarili. 6Lumapit si Jesus kay Simon Pedro, at sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?” 7Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Sa ngayon ang ginagawa ko ay hindi mo pa maintindihan, ngunit sa darating na panahon ay maiintindihan mo rin ito” 8Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.” 9Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, “Panginoon, huwag lamang ang aking mga paa ang iyong hugasan, ngunit pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo.” 10Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Ang sinuman na nakaligo na ay hindi na kailangang maghugas ng kahit ano pa maliban sa kaniyang mga paa, at siya ay malinis na malinis na; malinis ka na, ngunit hindi lahat kayo.” 11Dahil alam ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kaniya; kaya sinabi niya; “Hindi ang lahat sa inyo ay malinis.” 12Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, “Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito. 26:21Habang sila'y kumakain, sinabi niya, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” 22At sila'y lubhang nalungkot, at ang bawat isa ay nagsimulang nagsipagtanong sa kaniya, “Tiyak na hindi ako, Panginoon?” 23Sumagot siya, “Ang sinumang kasabay kong sumawsaw ng kaniyang kamay ay siyang magkanulo sa akin. 24Ang Anak ng Tao ay aalis, katulad ng naisulat patungkol sa kaniya. Ngunit aba sa lalaking iyon na magkanulo sa Anak ng Tao! Mas mabuti pa sa lalaking iyon na hindi na siya ipinanganak.” 25Si Judas, na siyang nagkanulo sa kaniya ay nagsabi, “Ako ba, Rabi?” Sinabi niya sa kaniya. “Ikaw mismo ang nagsabi.” 26Habang sila'y kumakain, kumuha si Jesus ng tinapay, ipinagpasalamat ito, at pinagputol-putol. Binigay niya ito sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay ang aking katawan.” 27Kumuha siya ng kopa at nagpasalamat, at ibinigay ito sa kanila at sinabi, “Inumin ninyo ito, kayong lahat. 28Sapagkat ito ay ang aking dugo ng kasunduan na ibinuhos para sa marami para sa ikapapatawad ng mga kasalanan. 29Subalit sasabihin ko sa inyo, buhat ngayon hindi na ako muling iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na ako ay iinom nito ng panibago kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” 30At pagka-awit nila ng isang himno, pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. 31At sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahat kayo ay aalis ngayong gabi nang dahil sa akin, sapagkat ito ay nasusulat, 'Hahampasin ko ang pastol ng tupa at ang mga tupa ng kawan ay maikakalat.' 32Ngunit pagkatapos nang aking pagkabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 33Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya, “Kahit ang lahat ay aalis dahil sa iyo, ako ay hinding-hindi aalis.” 34Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, sa gabing ito bago tumilaok ang tandang, ikakaila mo ako ng tatlong beses.” 35Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Kahit ako ay mamatay, hindi kita ikakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad. 36Pagkatapos, pumunta si Jesus na kasama sila sa isang lugar na tinawag na Getsemani at sinabi sa kaniyang mga alagad, “Umupo kayo dito habang ako ay pupunta doon at manalangin.” 37Sinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo at nagsimula siyang nalungkot at nabagabag. 38At sinabi niya sa kanila, “Ang kaluluwa ko ay lubha na namimighati, maging sa kamatayan. Manatili kayo dito at magbantay kasama ko.” 39Lumakad siya nga medyo malayo, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin. Sinabi nya, “Aking Ama, kung maaari, hayaan na ang tasang ito ay lalampas sa akin. Gayunman, hindi sa nais ko kundi ayon sa nais mo.” 22:43Pagkatapos, isang anghel mula sa langit ang nagpakita sa kaniya, pinapalakas siya. 44Sa matinding paghihirap, nanalangin siya nang lalong taimtim, at ang kaniyang pawis ay naging tulad ng malalaking tulo ng dugo na nahuhulog sa lupa. 45Nang tumayo siya mula sa kaniyang pananalangin, pumunta siya sa kaniyang mga alagad, at nakita niyang natutulog ang mga ito dahil sa kanilang pagdadalamhati, 26:40Lumapit siya sa mga alagad at sila'y kaniyang nadatnang natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Ano, hindi ba ninyo kayang magbantay kasama ko ng isang oras? 41Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo matukso. Ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.” 42Umalis siya sa pangalawang pagkakataon at nanalangin, at nagsabi, “Aking Ama, kung hindi ito maaring lilipas maliban na inumin ko ito, ang kalooban mo ang magaganap.” 43At siya'y nagbalik muli at nakita silang natutulog, sapagkat mabigat na ang kanilang mga mata. 44At muli niya silang iniwan at siya'y umalis. Nanalangin siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi ang ganoon ding mga salita. 45Pagkatapos, lumapit si Jesus sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at namamahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46Tumindig kayo, aalis na tayo. Tingnan ninyo, malapit na ang magkanulo sa akin.” 47Habang siya'y nagsasalita, si Judas na isa sa Labingdalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na mula sa mga punong pari at mga nakatatanda sa mga tao. Dumating sila na may dalang mga espada at mga pamalo. 48Ngayon ang tao na magkanulo kay Jesus ay nagbigay ng hudyat sa kanila na nagsasabi, “Kung sinuman ang aking hahalikan, siya na iyon. Sunggaban siya.” 49Agad-agad lumapit siya kay Jesus at sinabi, “Binabati kita, Rabi” At hinalikan niya siya. 50Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kaibigan, gawin mo kung ano ang ipinunta mo dito.” Pagkatapos, nagsidatingan sila at hinawakan si Jesus, at sinunggaban siya. 51Masdan ito, ang isa sa mga kasama ni Jesus ay inunat ang kaniyang kamay at hinugot ang kaniyang espada at tinapyas ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kaniyang tainga. 52Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ibalik mo ang espada sa kaniyang kaluban, sapagkat ang lahat ng gagamit ng espada ay masasawi sa pamamagitan din ng espada. 53Iniisip ba ninyo na hindi ko kayang tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang pulutong ng mga anghel? 54Ngunit paano matutupad ang mga kasulatan, na dapat mangyari?” 55Sa oras na iyon si Jesus ay nagsabi sa maraming tao, “Pumunta kayo rito na dala-dala ang mga espada at mga pamalo upang hulihin ako katulad ng isang tulisan? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli. 56Ngunit lahat ng ito ay kailangang mangyari upang ang mga sinusulat ng mga propeta ay matupad.” At iniwanan siya ng lahat ng mga alagad at sila’y tumakas. 57Ang mga humuli kay Jesus ang nagdala sa kaniya sa pinakapunong pari na si Caifas, kung saan ang mga eskriba at mga nakatatanda ay nagkatipun-tipon. 58Ngunit sumunod si Pedro sa kaniya na may kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong pari. Pumunta siya sa loob at umupo kasama ng mga tagapagbantay upang makita ang kahihinatnan. 59Ngayon, ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng maling patotoo laban kay Jesus, upang siya'y kanilang mapatay. 60Ngunit wala silang mahanap na kahit ano, bagamat maraming maling mga saksi ang nagsilapit. Ngunit mayamaya may dalawang lumapit 61at sinabi, “Sinabi ng taong ito, 'Kaya kong gibain ang templo ng Diyos at muling maipatayo sa loob ng tatlong araw.”' 62Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi sa kaniya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinapatotoo nila laban sa iyo? 63Ngunit si Jesus ay tahimik lamang. Sinabi ng pinakapunong pari sa kaniya, “Inuutusan kita alang-alang sa Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ba si Cristo, ang Anak ng Diyos. 64Si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Ikaw na mismo ang nagsabi. Ngunit sasabihin ko sa inyo, magmula ngayon ay inyo nang makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa mga ulap ng langit.” 65At pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga damit at nagsabi, “Siya ay nagsalita ng kalapastangan! Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Ngayon inyo nang narinig ang kalapastangan. 66Ano sa tingin ninyo?” Sumagot sila at nagsabi, “Siya'y karapatdapat na mamatay.” 67At dinuraan nila siya sa mukha at pinagsusuntok at pinagsasampal 68at sinabi, “Hulaan mo sa amin, ikaw na Cristo. Sino sa amin ang humampas sa iyo?” 69Ngayon si Pedro ay nakaupo sa labas ng patyo at isang utusang babae ang lumapit sa kaniya at sinabi, “Kasama ka din ni Jesus na taga-Galilea.” 70Ngunit ikinaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, “Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo.” 71Nang siya ay lumabas sa isang tarangkahan, isa pang utusang babae ang nakakita sa kaniya at sinabi sa mga nandoon, “Ang taong ito ay kasama din ni Jesus na taga-Nazaret.” 72At muli niyang ikinaila na may sumpa, “Hindi ko kilala ang lalaking iyan.” 73At pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit kay Pedro ang mga nakatayo doon at sinabi, “Tiyak na ikaw rin ay isa sa kanila, sapagkat halatang-halata ka sa iyong pananalita.” 74Pagkatapos nito, nagsimula siyang magsalita ng masama at nanumpang, “Hindi ko kilala ang lalaking iyan,” at agad-agad tumilaok ang tandang. 75At naalala ni Pedro ang mga salitang sinabi ni Jesus na, “Bago tumilaok ang tandang ikakaila mo ako nga tatlong beses.” At siya'y lumabas at labis na umiyak. 27:1Ngayon, nang dumating na ang umaga, ang lahat ng mga punong pari, at mga nakatatanda ng mga tao ay nagsabwatan laban kay Jesus upang siya ay patayin. 2Siya ay ginapos nila at dinala palabas at ibinigay kay Pilato na gobernador.
Ebanghelyo (sa Paghuhugas ng mga Paa)
1Ngayon, bago ang Kapistahan ng Paskuwa, dahil alam ni Jesus na ang kaniyang oras ay dumating na, na siya ay dapat ng umalis ng mundong ito tungo sa kaniyang Ama, minamahal niya ang sariling kaniya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa huli. 2Ngayon, nailagay na sa puso ni Judas Iscariote na anak ni Simon, na ipagkanulo si Jesus. 3Alam ni Jesus na ibinigay ng Ama sa kaniyang mga kamay ang lahat ng mga bagay at siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. 4Tumayo siya nang hapunan at ibinaba ang kaniyang panglabas na kasuotan. At kumuha siya ng tuwalya at ibinigkis ito sa kaniyang sarili. 5Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at upang punasan sila ng tuwalya na ibinigkis sa kaniyang sarili. 6Lumapit si Jesus kay Simon Pedro, at sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?” 7Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Sa ngayon ang ginagawa ko ay hindi mo pa maintindihan, ngunit sa darating na panahon ay maiintindihan mo rin ito” 8Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.” 9Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, “Panginoon, huwag lamang ang aking mga paa ang iyong hugasan, ngunit pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo.” 10Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Ang sinuman na nakaligo na ay hindi na kailangang maghugas ng kahit ano pa maliban sa kaniyang mga paa, at siya ay malinis na malinis na; malinis ka na, ngunit hindi lahat kayo.” 11Dahil alam ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kaniya; kaya sinabi niya; “Hindi ang lahat sa inyo ay malinis.”
Ebanghelyo (pagkatapos ng Paghuhugas ng mga Paa)
12Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, “Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito.
Mga santo ng araw
- Mga Martir Agape, Irene at Quionia (304)
- Martir Leonides at mga Martir Cariessa, Nica, Galina, Calisa, Nunequia, Basilisa, Teodora, Irene at iba pa (258)
- Mga Ikon ng Ina ng Diyos ng Ilyinsk sa Chernihiv (1658) at ng Tambov (1692)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 16 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 29 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan