Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 27

Kalendaryong Orthodox · Abril 14 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Abril 27, 2027

Martes · Dakila at Banal na Sanlinggo

Mga kapistahan at mga santo

Dakila at Banal na Martes

Dakilang Kuwaresma

Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Ebanghelyo (Panalangin sa Umaga ng Kasintahang Lalaki)

Mat 22:15–23:39

15At umalis ang mga Pariseo at nagbalak kung papaanong mabitag nila si Jesus sa kaniyang sariling salita. 16At pinadala nila ang kanilang mga alagad sa kaniya, kasama ang mga tagasunod ni Herodes. Sinabi nila kay Jesus, “Guro, alam namin na ikaw ay makatotohanan, at nagtuturo sa pamamaraan ng Diyos ng may katotohanan. At wala kayong pakialam sa sinasabi nang sinuman, at hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga tao. 17Kaya sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo? Nararapat bang magbayad ng mga buwis kay Cesar o hindi?” 18Subalit nakakaintindi ng kanilang kasamaan si Jesus at nagsabi, “Bakit ninyo ako sinusubok, kayong mga mapagkunwari? 19Ipakita ninyo sa akin ang pangbuwis na salapi.” Dinala nila ang isang denaryo sa kaniya. 20At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaninong mukha at pangalan ang narito?” 21Sinabi nila sa kaniya, “Kay Cesar.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” 22Nang mapakinggan nila ito, namangha sila. At iniwan nila siya at umalis sila. 23Sa araw na iyon ilan sa mga Saduseo na mga nagsasabi na walang muling pagkabuhay ay pumunta sa kaniya. Tinanong nila siya, 24na nagsasabi, “Guro, sinabi ni Moises na, 'Kung ang tao ay mamatay, na walang anak, kailangang pakasalan ng kapatid niya ang kaniyang asawa at magkaroon ng anak alang-alang sa kaniyang kapatid.' 25Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang panganay ay nag-asawa at namatay, at hindi nagkaanak. Iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalaki. 26At ang pangalawang kapatid na lalaki gayon din ang ginawa niya, at ang pangatlo, hanggang sa pampitong kapatid na lalaki. 27Pagkatapos nilang lahat, namatay din ang babae. 28Ngayon sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya sa pitong magkakapatid? Sapagkat siya ay naging asawa nilang lahat.” 29Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang mga kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos. 30Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin. Sa halip, sila ay katulad ng mga anghel sa langit. 31Ngunit tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nababasa kung ano ang sinabi sa inyo ng Diyos, na nagsasabi, 32'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob'? “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kung hindi ng mga buhay.” 33Nang mapakinggan ito ng mga tao, sila ay namangha sa kaniyang katuruan. 34Subalit nang mapakinggan ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, nagtipuntipon sila. 35Isa sa kanila na isang abogado ay nagtanong sa kaniya ng isang katanungan, upang subukin siya— 36“Guro, alin ba ang pinakadakilang utos sa kautusan?” 37Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38Ito ang dakila at unang kauutusan. 39At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.' 40Dito sa dalawang mga kautusang ito nakasalalay ang buong kautusan at ang mga propeta.” 41Ngayon habang ang mga Pariseo ay nagkakatipon pa rin, si Jesus ay nagtanong sa kanila ng katanungan. 42Sinabi niya, “Ano ang iniisip ninyo tungkol kay Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kaniya, “Ang anak ni David.” 43Sinabi ni Jesus sa kanila, “Papaanong si David sa Espiritu ay tumawag sa kaniyang Panginoon, na nagsabi, 44'Ang Panginoon ay nagsabi sa aking Panginoon, “Umupo ka sa dako ng aking kanang kamay, hanggang ang iyong mga kaaway ay maging tungtungan ng iyong mga paa.”'?” 45Kung si David nga ay tinawag niya ang Cristo na 'Panginoon', paano siya naging anak ni David?” 46Walang kahit isa na makasagot sa kaniya ng isang salita, at mula sa araw na iyon walang sinumang sumubok pang magtanong sa kaniya. 23:1Pagkatapos nito, nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kaniyang mga alagad. 2Sinabi niya, “Ang mga eskriba at mga Pariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. 3Kaya kung ano man ang iutos nila na gawin ninyo, gawin at sundin ninyo ang mga bagay na ito. Ngunit huwag ninyong tularan ang mga gawa nila, dahil nagsasabi sila ngunit hindi naman nila ginagawa. 4Totoo nga, nagbibigkis sila ng mga mabibigat na mga pasanin na mahirap dalhin, at ipinapasan nila sa balikat ng mga tao. Ngunit sila mismo ay hindi gagalaw ng iisang daliri upang buhatin nila ang mga ito. 5Lahat ng mga gawa nila, ginawa nila upang makita ng mga tao. Sapagkat pinapalawak nila ang mga pilakterya nila at pinalalaki nila ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6Gusto nilang umupo sa mga pangunahing lugar ng mga pista at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga, 7at mga natatanging pagbati sa mga pamilihan at tawagin silang, “ Rabi” ng mga tao. 8Ngunit hindi kayo dapat tawagin na 'Rabi', sapagkat iisa lang ang guro ninyo, at lahat kayo ay magkakapatid. 9At huwag ninyong tawagin na ama ang kahit sinuman sa lupa dahil iisa lang ang inyong Ama at siya ay nasa langit. 10At hindi rin dapat kayong tawagin na 'guro' dahil iisa lang ang inyong guro, ang Cristo. 11Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay siyang maging tagapaglingkod sa inyo. 12Kung sinuman ang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa. At kung sinumang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay itataas. 13Ngunit aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sinarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao. Kayo nga mismo ay hindi pumapasok at hindi rin ninyo pinayagan yung ibang papasok pa lamang. 14(Ngunit aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sinakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo habang nagpapakita kayo ng mahabang panalangin.) 15Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang karagatan at lupain upang makahikayat ng isang mananampalataya. At kung maging mananampalataya na siya, dalawang beses ninyo siyang ginawang anak ng impyerno na katulad ninyo mismo. 16Aba kayo, kayong mga bulag na tagapaggabay, kayo na nagsasabi, 'Kung ipanumpa ng ninuman ang templo, balewala lang iyon. Ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto sa templo, nakagapos siya sa kaniyang panunumpa.' 17Kayong mga hangal na bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo kung saan iniaalay ang ginto sa Diyos? 18At, 'Kung ipanumpa ninuman ang altar, balewala lang iyon. Subalit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa altar, nakagapos siya sa kaniyang panunumpa.' 19Kayong mga bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang kaloob o ang altar kung saan iniaalay ang kaloob sa Diyos? 20Kaya kung ipanumpa ninuman ang altar, ipanumpa niya ito at ang lahat ng mga naroon. 21At kung ipanumpa ninuman ang templo, ipanumpa niya ito at sa kaniya na nakatira doon. 22At kung ipanumpa ninuman ang langit, ipanumpa niya ang trono ng Diyos at sa kaniya na nakaupo roon. 23Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng mga yerbabuena, anis at kumin, ngunit hindi ninyo ginagawa ang mas mahalagang mga bagay tungkol sa batas - katarungan, kahabagan at pananampalataya. Subalit dapat sanang gawin ninyo ang mga ito at huwag pabayaang gawin ang iba. 24Kayong mga bulag na tagagabay, kayong mga nagsasala ng mga niknik ngunit nilulunok ang kamelyo! 25Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit sa loob puno ang mga ito ng pangingikil at kalabisan. 26Ikaw bulag na Pariseo, linisin mo muna ang loob ng tasa at pinggan upang ang labas ay magiging malinis din. 27Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo ng mga mapuputing puntod na nilinis na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay at lahat ng karumihan. 28Gayon din, kayo rin sa panlabas ay matuwid sa paningin ng mga tao, ngunit sa loob ay puno kayo ng pagkukunwari at mga katampalasanan. 29Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat gumagawa kayo ng mga puntod ng mga propeta at pinalamutian ang mga puntod ng mga matuwid. 30Sinasabi ninyo na, 'Kung nabuhay kami sa kapanahunan ng aming mga ama, hindi kami sasali sa pag-ula ng dugo ng mga propeta.' 31Sa gayon kayo mismo ang nagpapatotoo na kayo ay mga anak ng mga pumatay sa mga propeta. 32Pinupuno rin ninyo ang mga kota ng kasalanan ng inyong mga ama. 33Kayong mga ahas, mga anak ng ulupong, paano ninyo matatakasan ang hatol sa impyerno? 34Kaya, tingnan ninyo, magsusugo ako ng mga propeta, mga pantas, at mga eskriba. Ang iba sa kanila ay papatayin ninyo at ipapako sa krus. At yung iba sa kanila hahagupitin ninyo sa mga sinagoga ninyo at hahabulin ninyo sila saang lungsod man sila. 35Ang kalabasan ay mapapasainyo ang lahat ng mga dugo ng mga matuwid na inula sa lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa gitna ng santuwaryo at altar. 36Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat ng mga ito ay mangyayari sa salin-lahing ito. 37Jerusalem, Jerusalem, kayo na pumatay sa mga propeta at bumato sa mga sinugo ko sa inyo! Madalas kong ninais na tipunin ang mga anak mo, gaya ng inahin na nililikom ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit hindi kayo sumang-ayon! 38Tingnan ninyo, maiwan na sa inyo ang bahay ninyo na napabayaan. 39Sapagkat sasabihin ko sa inyo, Magmula ngayon hindi na ninyo ako makikita hanggang sa sasabihin ninyong, “Pinagpala ang darating sa pangalan ng Panginoon.”

Ikaanim na Oras

Ezek 1:21–28

21Kapag gumagalaw ang mga nilalang, gumagalaw rin ang mga gulong, at kapag tumitigil ang mga nilalang, tumitigil ang mga gulong, kapag pumapaitaas mula sa lupa ang mga nilalang, pumapaitaas ang mga gulong sa tabi nila, sapagkat ang espiritu ng mga buhay na nilalang ay nasa mga gulong. 22Sa ibabaw ng mga ulo ng mga buhay na nilalang ay may tulad ng isang napakalaking pabilog na bubong, tulad ito ng kahanga-hangang kristal na nakabuka sa ibabaw ng kanilang mga ulo. 23Sa ilalim ng pabilog na bubong, ang bawat isa sa mga pakpak ng nilalang ay nakabuka nang tuwid at nakasagi sa mga pakpak ng isa pang nilalang. Ang bawat buhay na nilalang ay may isang pares din upang takpan ang kanilang mga sarili—ang bawat isa ay may isang pares upang takpan ang kaniyang sariling katawan. 24At narinig ko ang tunog ng kanilang mga pakpak! Tulad ng ingay ng rumaragasang tubig. Tulad ng tinig ng Makapangyarihan. Kapag gumagalaw sila, nagkakaroon ng tunog ng isang bagyong ulan. Tulad ito ng tunog ng isang hukbo. Kapag tumitigil sila, ibinababa nila ang kanilang mga pakpak. 25At isang tinig ang nagmula sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo kapag tumitigil sila at ibinababa ang kanilang mga pakpak. 26Sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo ay may anyo ng isang tronong tulad ng safiro, at ang nasa trono ay ang wangis ng isang tulad ng tao. 27Nakita ko ang isang anyong tulad ng nagliliwanag na metal na may apoy sa loob mula sa kaniyang baywang pataas, mula sa kaniyang baywang pababa ay tulad ng apoy at liwanag ang nasa buong paligid. 28Tulad ito ng isang bahagharing lumilitaw sa mga ulap sa isang maulang araw—at tulad ng maliwanag na ilaw ang pumapaligid dito. Nagpakita ito tulad ng anyo ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako, at narinig ko ang isang tinig na nagsasalita.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Exo 2:5–10

5Ang anak na babae ni Paraon ay nagpunta sa ilog para maligo doon habang naglalakad ang kaniyang mga katulong sa tabing ilog. Nakita niya ang basket kasama ng mga tambo at pinapuntahan niya sa kaniyang katulong para kunin ito. 6Nang buksan niya ito, nakita niya ang bata. Masdan ito, ang bata ay umiiyak. Siya ay nahabag sa kaniya at sinabing, “Ito ay tiyak na isa sa mga sanggol ng mga Hebreo.” 7Pagkatapos sinabi ng kapatid na babae ng bata sa anak na babae ni Paraon, “Maaari ba akong pumunta at kumuha ng isang babaeng Hebreo para alagaan ang sanggol para sa iyo?” 8Sinabi ng anak na babae ni Paraon sa kaniya, “Pumunta ka”. Kaya nagpunta ang batang babae at kinuha ang ina ng sanggol. 9Sinabi ng anak na babae ni Paraon sa ina ng bata, “Kunin mo ang sanggol na ito at alagaan mo siya para sa akin, at bibigyan kita ng mga kabayaran.” Kaya kinuha ng babae ang sanggol at inalagaan siya. 10Nang lumaki na ang sanggol, siya ay dinala niya sa anak na babae ni Paraon, at siya ay naging lalaking anak niya. Pinangalanan niya siyang Moises at sinabing, “Dahil inahon kita mula sa tubig”

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Job 1:13–22

13Dumating ang isang araw habang nagkakainan at nag-iinuman ang kaniyang mga anak sa bahay ng kanilang panganay na kapatid, 14isang mensahero ang pumunta kay Job at nagbalita, “Habang ang mga baka ay nag-aararo at ang mga asno ay nanginginain sa kanilang tabi; 15lumusob ang mga Sabano at tinangay sila. Pinatay nga nila ang ibang mga lingkod gamit ang espada; ako lang ang nag-iisang nakatakas para ibalita sa iyo.” 16Habang siya ay nagsasalita pa, dumating ang isa pang lingkod at nagbalita. “Umulan ng apoy ng Diyos mula sa langit at tinupok ang mga tupa kasama na ang mga lingkod; at ako lang ang tanging nakaligtas para sabihin sa iyo.” 17Habang siya rin ay nagsasalita, may dumating pang isang lingkod at nagbalitang “Gumawa ng tatlong pangkat ang mga Caldea, nilusob ang mga kamelyo, at tinangay silang lahat. Totoo ito, at pinatay pa nila ang mga lingkod gamit ang espada, at ako lang ang nakaligtas para ibalita sa iyo.” 18Habang siya ay nagsasalita dumating ang isa pa at nagbalitang, “Nagkakainan at nag-iinuman ng alak ang iyong mga anak sa bahay ng kanilang panganay na kapatid. 19Isang malakas na hangin ang umihip mula sa disyerto at giniba ang apat na haligi ng bahay, nadaganan nito ang mga kabataan, at namatay silang lahat, at ako na lang ang nakatakas para sabihin ito sa iyo.” 20Napatayo si Job, pinunit ang kaniyang damit, inahit ang kaniyang buhok, nagpatirapa sa lupa at sinamba ang Diyos.” 21Sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik doon. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi; ang pangalan nawa ng Diyos ang mapapurihan.” 22Sa lahat ng mga pangyayaring ito, hindi nagkasala si Job at hindi siya naging hangal para akusahan ang Diyos.

Ebanghelyo (Liturhiya ng mga Pinabanal Na)

Mat 24:36–26:2

36Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon, walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak, tanging ang Ama lamang. 37Katulad sa kapanahunan ni Noe, ganoon din ang pagparito ng Anak ng Diyos. 38Dahil katulad sa mga araw bago ang baha, sila ay nagkainan at nag-inuman, nag-aasawa at pinahintulutan ang mga anak nila na mag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa arka, 39at wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat—ganoon din sa pagparito ng Anak ng Tao. 40Sa panahong iyon ay may dalawang tao na nasa bukid — ang isa ay kukunin at ang isa naman ay maiiwan. 41Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan — ang isa ay kukunin at ang isa naman ay maiiwanan. 42Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. 43Ngunit alamin ninyo ito, kung alam lang sana ng amo ng tahanan kung anong oras darating ang magnanakaw, nagbantay sana siya at hindi niya hinayaang mapasukan ang kaniyang bahay. 44Kaya kailangang maghanda kayo, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan. 45Kaya sino ang matapat, matalino na utusan na pinagkatiwalaan ng kaniyang amo sa kaniyang sambahayan, upang magbigay ng kanilang pagkain sa tamang panahon? 46Pinagpala ang utusan na iyon, na maratnan ng kaniyang among gumagawa nito sa kaniyang pagdating. 47Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ipamamahala ng amo sa kaniya ang lahat ng kaniyang ari-arian. 48Ngunit kung may masamang utusan na magsasabi sa puso niya, 'Naantala ang aking amo,' 49at nagsimulang mamalo ng kapwa niyang utusan, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasingero, 50darating ang amo ng bahay na iyon sa araw na hindi inaasahan ng utusan, sa oras na hindi niya alam. 51Hahatiin siya sa dalawa ng kaniyang amo at gagawin ang kaniyang kapalaran katulad ng sasapitin ng mga mapagkunwari, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin. 25:1Ang kaharian ng langit ay magiging katulad ng sampung birhen na nagdala ng kanilang mga ilawan at pumuntang sumalubong sa lalaking ikakasal. 2Ang lima sa kanila ay hangal at ang lima ay matatalino. 3Sapagkat noong dinala ng limang hangal na birhen ang kanilang mga ilawan, hindi sila nagdala ng karagdagang langis. 4Ngunit yung limang matatalinong birhen ay nagdala ng mga langis sa lalagyan kasama ng kanilang ilawan. 5Ngayon habang naantala ang lalaking ikakasal, lahat sila ay inantok at nakatulog. 6Ngunit noong hating gabi na ay may sumigaw, 'Tingnan ninyo ang lalaking ikakasal! Pumunta na kayo at salubungin siya.' 7Kaya't tumayo ang lahat ng mga birhen at inayos ang kanilang mga ilawan. 8Sabi ng mga hangal sa mga matatalino, 'Bigyan ninyo kami ng inyong langis sapagkat nauubusan na ang aming ilawan.' 9Ngunit sumagot at sinabi ng mga matatalino, 'Dahil hindi na sapat ang mga ito para sa amin at sa inyo, pumunta nalang kayo doon sa mga nagbebenta at bumili kayo para sa inyong mga sarili.' 10Habang umalis sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal at ang mga nakahanda na ay sumama sa kaniya sa handaan ng kasal at isinara ang pintuan. 11Pagkatapos nito ang ibang mga birhen ay dumating din at nagsabi, 'Panginoon, panginoon, pagbuksan ninyo kami.' 12Ngunit sumagot siya at nagsabi, 'Totoo itong sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala.' 13Kaya kailangan kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras. 14Sapagkat ito ay katulad ng isang taong maglalakbay sa ibang bansa. Tinawag niya ang sarili niyang mga utusan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang kayamanan. 15Ang isa sa kanila ay binigyan niya ng limang talento, ang isa naman ay binigyan niya ng dalawa at ang isa naman ay binigyan niya ng isang talento. Nakatanggap ang bawat isa ayon sa kaniya-kaniyang kakayahan, at ang taong iyon ay pumunta sa kaniyang paglalakbay. 16Agad-agad ang nakatanggap ng limang talento ay umalis at ipinuhunan niya ang mga ito at nagkaroon pa siya ng limang talento. 17Ganoon din ang nakatanggap ng dalawang talento, nagkaroon din ng dalawa pa. 18Ngunit ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay umalis, naghukay sa lupa at itinago ang pera ng kaniyang amo. 19Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.' 21Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.' 22Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.' 23Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.' 24Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.' 26Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera. 28Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin. 31Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa. 34At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako. 37At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?' 40At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.' 41At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan. 44At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?' 45At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.' 46Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.” 26:1At nangyari nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, 2“Alam ninyo na pagkalipas ng dalawang araw darating ang Paskua, at ang Anak ng Tao ay ibibigay upang maipako sa krus”.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Abril 27

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 14 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 27 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan