Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 26
Kalendaryong Orthodox · Abril 13 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Abril 26, 2027
Lunes · Dakila at Banal na Sanlinggo
Mga kapistahan at mga santo
Dakila at Banal na Lunes
Dakilang Kuwaresma
Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ebanghelyo (Panalangin sa Umaga ng Kasintahang Lalaki)
18Kinaumagahan nang pabalik na si Jesus sa lungsod, nagutom siya. 19Nakakita siya ng puno ng igos sa tabi ng daan. Pinuntahan niya ito, subalit wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. At sinabihan niya ito, “Hindi ka na magbubunga mula ngayon at magpakailan man.” Kaagad-agad ang puno ng igos ay natuyo. 20At nang makita ito ng kaniyang mga alagad, namangha sila at sinabi, “Paanong ang puno ng igos ay kaagad-agad na natuyo?” 21Sumagot at sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-alinlangan, hindi lang ninyo magagawa kung ano ang nangyari sa puno ng igos, maaari ninyo ring sabihin sa burol na ito, 'Maiangat ka at maihagis sa dagat,' at ito ay magaganap. 22Lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin na may paniniwala, matatanggap ninyo.” 23Nang dumating si Jesus sa templo, pumunta sa kaniya ang mga punong pari at mga nakatatanda sa mga tao habang siya ay nagtuturo at sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan ginawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan na ito?” 24Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Ako rin ay magtatanong sa inyo ng isang tanong. Kung sasagutin ninyo ako, sasagutin ko rin kayo kung sa anong kapangyarihan ginawa ko ang mga bagay na ito. 25Ang bautismo ni Juan—saan ba ito galing, galing ba sa langit o sa mga tao?” Pinag-usapan nila ito sa kanilang mga sarili, na nagsasabi, “Kung sasabihin natin na, 'Nagmula sa langit,' sasabihin niya sa atin, 'Bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?' 26Kung sasabihin natin na, 'Galing sa tao,' natatakot tayo sa mga tao, sapagkat kinikilala nila si Juan bilang isang propeta.” 27Sumagot sila kay Jesus at nagsabi, “Hindi namin alam.” Sinabi rin niya sa kanila, 'Kung gayon hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ginawa ko ang mga bagay na ito. 28Subalit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Pumunta siya sa una at sinabi, 'Anak pumunta ka at magtrabaho sa araw na ito sa ubasan,' 29Sumagot ang anak at nagsabi, 'Ayaw ko,' subalit, pagkatapos nito nagbago ang kaniyang isip at pumunta siya. 30At ang taong ito ay pumunta sa kaniyang pangalawang anak at nagsabi ng ganoon din. Sumagot ang anak na ito at nagsabi, 'Ginoo, pupunta ako.' Ngunit hindi siya pumunta. 31Alin sa dalawang anak na lalaki ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sabi nila, “Ang nauna.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaing nagbebenta ng aliw ay mauunang makapasok sa kaharian ng Diyos bago kayo. 32Sapagkat si Juan ay pumunta sa inyo sa daan ng katuwiran, subalit hindi ninyo siya pinaniwalaan, samantalang ang mga maniningil ng buwis at mga nagbebenta ng aliw ay naniwala sa kaniya. At kayo, noong nakita ninyo na nangyari, hindi man lang kayo nagsisi pagkatapos nito upang maniwala sa kaniya. 33Pakinggan ang isa pang talinghaga. May isang tao na nagmamay-ari ng napakalawak na lupain. Nagtanim ng mga ubas at binakuran niya ito, at naghukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng tore ng bantay, at pinaupahan ito sa mga tagapag-alaga ng ubasan. At siya ay nagtungo sa ibang bayan. 34Nang ang panahon ng pag-aani ng ubasan ay papalapit na, nagpadala siya ng ilan sa kaniyang mga utusan sa mga tagapag-alaga ng ubasan upang kunin ang kaniyang mga ubas. 35Subalit sinunggaban ng mga tagapag-alaga ng ubasan ang kaniyang mga utusan, pinalo ang isa, pinatay ang iba, at binato rin ang iba. 36Minsan pa, ang may ari ay nagpadala ng iba pang mga utusan, mas marami pa sa nauna, subalit ganoon din ang ginawa sa kanila ng mga tagapag-alaga ng ubasan. 37Pagkatapos noon, pinadala ng may-ari ang kaniyang sariling anak sa kanila, na nagsabi, ''Igagalang nila ang aking anak.' 38At nang makita ng mga tagapag-alaga ng ubas ang anak, sinabi nila sa kanilang mga sarili, “Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at angkinin natin ang mana.' 39Kaya kinuha nila siya at itinapon palabas ng ubasan, at pinatay siya. 40Ngayon, kung darating ang may ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga tagapag-alaga ng ubasan?” 41Sinabi nila sa kaniya, “Pupuksain niya sila na tampalasan na mga tao sa mabagsik na pamamaraan at ang ubasan ay pauupahan sa ibang tagapagpangalaga ng ubasan, sa mga taong magbabayad kapag ang ubas ay mahinog na.” 42At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa sa mga kasulatan, 'Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ay naging batong panulukan. Ito ay galing sa Panginoon, at ito ay kamanghamangha sa ating mga mata.' 43Kaya sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin niya sa inyo at ibibigay sa ibang bansa na mag-aalaga sa mga bunga nito.
Ikaanim na Oras
1Sa ikatatlumpung taon, sa ikaapat na buwan, at sa ikalimang araw ng buwan, nangyaring naninirahan akong kasama ng mga bihag sa tabi ng Kanal Kebar. Nabuksan ang kalangitan, at nakakita ako ng mga pangitain ng Diyos! 2Noong ikalimang araw ng buwan na iyon—ito ang ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin, 3dumating nang may kapangyarihan ang salita ni Yahweh kay Ezekiel na anak ni Buzi at ang pari sa lupain ng mga Caldeo sa tabi ng Kanal Kebar. Dumating ang kamay ni Yahweh sa kaniya roon. 4Pagkatapos, tumingin ako, at mayroong dumarating na malakas na hangin mula sa hilaga—isang malaking ulap na may kumikinang na apoy sa loob nito, at liwanag ang nasa palibot at loob nito, at kulay ng ambar ang apoy sa loob ng ulap. 5Sa gitna ay anyo ng apat na buhay na nilalang. Ito ang kanilang wangis: mayroon silang anyong tao, 6ngunit ang bawat isa sa kanila ay mayroong apat na mukha, at ang bawat isa sa mga nilalang ay may apat na pakpak. 7Tuwid ang kanilang mga binti, ngunit ang talampakan ng kanilang mga paa ay tulad ng mga kuko ng isang guya na makinang tulad ng pinakintab na tanso. 8Gayon pa man, mayroon silang mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa lahat ng apat na dako. Sa kanilang apat, ang kanilang mga mukha at mga pakpak ay ganito: 9ang kanilang mga pakpak ay sumasagi sa mga pakpak ng kasunod na nilalang, at hindi sila lumiliko habang umuusad, sa halip, ang bawat isa ay umusad pasulong. 10Ang wangis ng kanilang mga mukha ay tulad ng mukha ng isang tao, sunod, ang mukha ng isang leon sa kanan, sunod, ang mukha ng isang toro sa kaliwa, at sa huli, ang mukha ng isang agila. 11Ganyan ang kanilang mga mukha, at ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas, upang ang bawat nilalang ay may pares ng mga pakpak na nakasagi sa pakpak ng isa pang nilalang, at isang pares din ng mga pakpak ang nakatakip sa kanilang mga katawan. 12Ang bawat isa ay umusad pasulong, upang saanman sila utusang pumunta ng Espiritu, pumunta sila nang hindi lumilingon. 13Tulad ng mga nagliliyab na baga ang mga buhay na nilalang, o tulad ng mga sulo, may maliwanag na apoy din na gumagalaw kasama ng mga nilalang, at may mga kumikislap na kidlat. 14Mabilis na gumagalaw nangpabalik-balik ang mga buhay na nilalang, at mukha silang kidlat! 15At tumingin ako sa mga buhay na nilalang, may isang gulong sa ilalim na nasa tabi ng mga buhay na nilalang. 16Ito ang wangis at balangkas ng mga gulong: ang bawat gulong ay tulad ng berilyo, at magkakatulad lahat ang apat, tila binabagtas ng isang gulong ang isa pang gulong. 17Kapag gumulong ang mga gulong, nakakapunta sila sa bawat direksyon nang hindi lumilingon. 18Para naman sa mga gilid naman ng mga ito, matataas at nakakatakot, sapagkat ang mga gilid ay puno ng mga mata paikot! 19Kapag gumagalaw ang mga buhay na nilalang, gumagalaw ang mga gulong sa tabi nila. Kapag pumapaitaas ang mga buhay na nilalang mula sa lupa, pumapaitaas din ang mga gulong. 20Saanman pumupunta ang Espiritu, pumupunta sila kung saan tumutungo ang Espiritu, pumapaitaas sa tabi nila ang mga gulong, sapagkat ang espiritu ng mga buhay na nilalang ay nasa mga gulong.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Ito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel na sumama kay Jacob sa Ehipto, bawat isa sa kanilang sambahayan ay: 2Ruben, Simeon, Levi at Juda. 3Isacar, Zebulun, at Benjamin, 4Dan, Neftali, Gad at Asher. 5Lahat ng ipinanganak mula kay Jacob ay pitumpu ang bilang. Si Jose ay nasa Ehipto. 6Pagkatapos si Jose, lahat ng kaniyang mga lalaking kapatid, at lahat ng salinlahing iyon ay namatay. 7Ang mga Israelita ay naging mabunga, lubhang dumami ang bilang at naging napakalakas; ang lupain ay napuno nila. 8Pagkatapos isang bagong hari ang namahala sa Ehipto, na walang pakialam sa alaala ni Jose. 9Sinabi niya sa kaniyang bayan “Tingnan ninyo ang mga Israelita; mas marami pa sila at malalakas pa kaysa sa atin. 10Tara na, makipag-ugnayan tayo nang may karunungan sa kanila. Kundi patuloy silang dadami, at kung magkaroon ng digmaan, sasama sila sa ating mga kaaway, makikipaglaban sa atin at aalis sa lupain.” 11Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tagapangasiwa sa kanila para apihin sila ng mabibigat na trabaho. Nagtayo ang mga Israelita ng lungsod imbakan para kay Paraon: Pitom at Rameses. 12Habang inaapi sila ng mga taga-Ehipto, mas dumarami ang bilang ng mga Israelita at kumakalat. Kaya sinimulan ng mga taga-Ehipto para mangamba ang mga Israelita. 13Pinagtatrabaho ng mabagsik ng mga taga-Ehipto ang mga Israelita. 14Ginawa nilang masaklap ang kanilang buhay na may kasamang mabibigat na paglilingkod sa tisa at laryo, at sa lahat ng uri ng gawain sa mga bukid. Lahat na kailangan nilang gawain ay mahirap. 15Pagkatapos ang hari ng Ehipto ay nakipag-usap sa Hebreong mga komadrona; ang pangalan ng isa ay si Sifra, at ang isa ay si Pua. 16Sinabi niya, “Kung tutulong kayo sa mga Hebreong babae sa paanakan, pagmasdan ninyo kapag sila ay manganganak. Kapag ang sanggol ay lalaki, patayin ninyo; pero kung ito ay babae, siya ay mabubuhay.” 17Pero ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang iniutos ng hari ng Ehipto; sa halip, pinabayaan nilang mabuhay ang mga lalaking sanggol. 18Pinatawag ng hari ng Ehipto ang mga komadrona at sinabi sa kanila, “Bakit pinabayaan ninyo na mabuhay ang mga lalaking sanggol?” 19Sumagot ang mga hilot kay Paraon, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng taga-Ehipto; sila ay masigla at tapos nang manganak bago dumating ang komadrona.” 20Pinangalagaan ng Diyos ang mga komadrona. Ang mga tao ay dumarami ang bilang at naging napakalakas.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job; walang maipipintas kay Job at siya ay matuwid, may takot siya sa Diyos at tumatalikod sa anumang kasamaan. 2Binigyan siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3May pag-aari siyang pitong libong mga tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang pares ng mga baka, at limang daang mga asno at napakaraming mga lingkod. Ang lalaking ito ang pinaka-dakila sa lahat ng tao sa Silangan. 4Sa bawat araw na may kani-kaniyang pagdiriwang ang mga anak na lalaki, ipinapatawag nila ang kanilang tatlong kapatid na babae para kumain at uminom kasama nila. 5Pagkatapos ng mga araw ng pista, sila ay ipinapatawag at muli silang itatalaga ni Job sa Diyos. Babangon siya nang maagang-maaga at mag-aalay ng sinunog na handog para sa bawat kaniyang mga anak, dahil iniisip niya na, “Marahil nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ito ay laging ginagawa ni Job. 6At dumating naman ang isang araw para humarap ang mga anak ng Diyos kay Yahweh, at si Satanas ay dumalo kasama nila. 7Ang tanong ni Yahweh kay Satanas, “Saan ka naman nanggaling?” Sumagot si Satanas kay Yahweh, “Galing ako sa isang paglalakad-lakad sa mundo, nagpabalik-balik ako rito.” 8Nagtanong muli si Yahweh, “Ano naman ang masasabi mo sa lingkod kong si Job? Dahil wala siyang katulad sa mundong ito, walang maipipintas at tapat na tao, may takot sa Diyos at tumatalikod sa lahat ng kasamaan.” 9Saka sumagot si Satanas kay Yahweh, “Basta na lang ba magkakaroon ng takot sa iyo si Job nang walang kadahilanan?” 10Hindi ka ba gumawa ng bakod sa kaniyang paligid, sa paligid ng kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang mga pag-aari? Pinagpala mo ang kaniyang hanap-buhay at pinarami mo ang kaniyang kayamanan. 11Pero iunat mo ang iyong kamay laban sa kaniyang mga pag-aari, at makikita mo na itatanggi ka niya sa iyong harapan. 12Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Makinig ka, ang lahat ng kaniyang pag-aari ay hawakan mo, pero huwag mo siyang pagbubuhatan ng kamay.” Saka umalis si Satanas sa presensiya ni Yahweh.
Ebanghelyo (Liturhiya ng mga Pinabanal Na)
3Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sarilinang lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, kung kailan mangyari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan sa inyong pagparito at ang katapusan ng mundo?” 4Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi, “Mag-ingat kayo na walang makahikayat sa inyo na mailigaw kayo. 5Sapagkat marami ang paririto sa aking pangalan. Sasabihin nila, 'Ako ang Cristo,' at marami ang maililigaw. 6Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Tingnan ninyo na hindi kayo mababalisa, sapagkat kailangang mangyari ang mga ito; ngunit hindi pa ito ang katapusan. 7Sapagkat lalabanan ng isang bansa ang kapwa bansa, at kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom at mga lindol sa iba't ibang mga lugar. 8Ngunit lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng sakit ng paghilab ng babaeng manganganak. 9Pagkatapos nito, dadalhin nila kayo sa kapighatian at papatayin kayo. Kasusuklaman kayo ng lahat ng mga bansa ng dahil sa pangalan ko. 10At marami ang matitisod at ipagkanulo nila ang isa't isa, at kasusuklaman nila ang isa't isa. 11Marami ang lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw nila ang marami. 12Dahil lalaganap ang katampalasanan, ang pag-ibig ng karamihan ay lalamig. 13Ngunit kung sino ang makapagtitiis hanggang sa katapusan, siya ang maliligtas. 14Itong ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. At pagkatapos nito darating na ang katapusan. 15Kaya, kapag makita na ninyo ang kasuklamsuklam na kalagiman, na sinabi ng propetang si Daniel, na nakatayo na sa banal na lugar (unawain ito ng nagbabasa), 16kailangang tumakas silang mga nasa Judea patungo sa kabundukan, 17iyong nasa taas ng kanilang bahay huwag nang bumaba upang kumuha ng anumang nasa bahay, 18at iyong nasa bukid huwag nang bumalik upang kumuha ng kaniyang balabal. 19Ngunit aba sila na mga nagdadalang tao at ang mga nagpapasuso ng mga anak nila sa panahong iyon! 20Ipanalangin ninyo na ang pagtatakas ninyo ay hindi mangyari sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21Sapagkat magkaroon ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula pa sa simula ng mundo hanggang ngayon, hindi, hindi na muling mangyayari kailanpaman. 22Maliban na lamang kung paiikliin ang mga araw na iyon, wala ni isa mang laman ang maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, ang mga araw na iyon ay paiikliin. 23Kaya kung mayroong magsasabi sa inyo na, ''Tingnan ninyo, narito ang Cristo!' o 'Nariyan ang Cristo!' huwag ninyong paniwalaan. 24Sapagkat darating ang mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta at magpapakita ng kahanga-hangang palatandaan at kababalaghan, upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang. 25Tingnan ninyo, ipinagpauna ko ng sabihin ito sa inyo. 26Kaya kapag pagsinasabi nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, ang Cristo ay nasa sa ilang', huwag kayong pumunta sa ilang. O, 'Tingnan ninyo, siya ay nasa loobang silid, huwag ninyong paniwalaan ito. 27Sapagkat katulad ng pagliwanag ng kidlat galing sa silangan at pagkislap nito sa kanluran, ganoon din ang pagdating ng Anak ng Tao. 28Kung saan man naroroon ang patay na hayop, doon din magtitipon ang mga buwitre. 29Ngunit agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim, hindi na magliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30Pagkatapos nito, ang palatandaan ng Anak ng Tao ay lilitaw sa himpapawid, at kakabugin ng lahat ng mga tribu ang kanilang mga dibdib. Makikita nila ang Anak ng Tao na darating mula sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang lahat ng kaniyang hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabilang dulo. 32Pag-aralan ninyo ang aral mula sa puno ng igos. Kapag nananariwa na ang mga sanga at nagdadahon na ito, alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. 33Gayun din naman, kung makikita ninyo ang lahat ng mga ito, dapat malaman ninyo na malapit na siya, nasa tarangkahan na. 34Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hanggang mangyari ang lahat ng ito. 35Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko ay hindi kailanman lilipas.
Mga santo ng araw
- Paring Martir Artemon, pari ng Laodicea (303)
- Kagalang-galang na Martir Marta (1941)
- Martir Cresente ng Mira sa Licia
- Martir Tomaida ng Ehipto (476)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 13 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 26 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan