Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Marso 2027 › Marso 21
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Marso 21, 2027
Linggo · Mahal na Araw
Mga kapistahan at mga santo
Linggo ng Palaspas: Pagpapakasakit ng Panginoon
Linggo · Kulay ng liturhiya: pula
Mga pagbasa sa araw na ito
Ebanghelyo ng prusisyon
1Ngayon nang makarating sila sa Jerusalem, nang malapit na sila sa Betfage at Bethania, sa Bundok ng Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawa niyang alagad 2at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa nayon sa tapat natin. Sa oras na makapasok kayo, makakakita kayo ng isang batang asno hindi pa nasasakyan. Kalagan ninyo ito at dalhin ninyo sa akin. 3At kung sinuman ang magtatanong sa inyo, 'Bakit ninyo ginagawa iyan?', sabihin ninyo lang, 'Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din ito agad dito.'” 4Umalis sila at nakita ang isang batang asno na nakatali sa labas ng isang pintuan sa lansangan at kinalagan nila ito. 5May ilang mga tao ang nakatayo doon at nagtanong sa kanila, “Anong ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?” 6Sinagot nila sila gaya ng sinabi sa kanila ni Jesus at pinabayaan na silang makaalis ng mga tao. 7Dinala ng dalawang alagad ang bisiro kay Jesus at nilatagan nila ito ng kanilang kasuotan upang masakyan niya. 8Maraming mga tao ang naglatag ng kanilang mga kasuotan sa daan at mayroon din namang naglatag ng mga sanga na pinutol nila mula sa bukirin. 9Ang mga nauuna at sumusunod sa kaniya ay sumisigaw ng, “Hosanna! Pinagpala ang sinumang pumaparito sa pangalan ng Panginoon. 10Pagpalain ang pagdating ng kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”
Unang Pagbasa
4Binigyan ako ng Panginoong si Yahweh ng dila na katulad ng mga marunong, kaya nagsasabi ako ng nakakatulong na salita sa napapagod; ginigising niya ako bawat umaga; ginigising niya ang tainga ko para makarinig tulad ng mga marunong. 5Binuksan ng Panginoong si Yahweh ang aking tainga, at hindi ako mapaghimagsik, maging ang tumalikod. 6Binigay ko ang aking likod sa mga bumubugbog sa akin, at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng aking balbas; hindi ko tinago ang aking mukha mula sa pamamahiya at panunura. 7Dahil tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh; kaya hindi ako napahiya; kaya ginawa kong matigas na bato ang mukha ko, dahil alam kong hindi ako malalagay sa kahihiyan.
Salmong Tugunan
7Silang lahat na nakakakita sa akin ay kinukutya ako; hinahamak nila ako; ang kanilang mga ulo ay napapailing sa akin. 8Sinasabi nila, “Nagtitiwala siya kay Yahweh, hayaan natin na iligtas siya ni Yahweh. Hayaan natin na sagipin siya ni Yahweh, dahil nalulugod siya sa kaniya.” 16Dahil pinapaligiran ako ng mga aso; napalibutan ako ng samahan na mga mapaggawa ng masama; tinusok nila ang aking mga kamay at mga paa. 17Nabibilang ko na ang aking mga buto. Tumitingin at tumititig sila sa akin. 18Pinaghahatian nila ang aking mga kasuotan sa kanilang mga sarili, pinagpipilian nila ang aking mga damit. 19Huwag kang lumayo, Yahweh; hinihiling kong magmadali ka para tulungan ako, aking kalakasan! 22Ihahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita. 23Kayo na may takot kay Yahweh, purihin siya! Kayong lahat na mga kaapu-apuhan ni Jacob, parangalan siya! Ipakita niyo ang inyong pagkamangha sa kaniya, kayong lahat na mga kaapu-apuhan ng Israel!
Ikalawang Pagbasa
6Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.
Ebanghelyo
1Dalawang araw pa bago ang Paskua at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Nag-iisip ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila patagong madakip si Jesus at pagkatapos ay papatayin. 2Sapagkat sinasabi nila, “Hindi sa panahon ng pista, sa gayon hindi magkaroon ng kaguluhan ang mga tao.” 3Nang si Jesus ay nasa Bethania sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakasandal siya sa mesa, isang babae ang pumunta sa kaniya na mayroong dalang alabastrong sisidlan na may lamang napakamahal na likido na purong nardo. Binasag niya ito at ibinuhos ang laman sa kaniyang ulo. 4Ngunit may ilang nagalit. Nag-usap-usap ang bawat isa at sinabi, “Ano ang dahilan sa pag-aaksayang ito? 5Ang pabangong ito ay maaaring ipagbili ng higit pa sa tatlong daang denario at maibigay sa mga mahihirap.” At sinasaway nila siya. 6Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo? Ginawa niya ang isang magandang bagay para sa akin. 7Nasa inyo lagi ang mga mahihirap, at kung gugustuhin ninyo, matutulungan ninyo sila, ngunit hindi ninyo ako laging kasama. 8Ginawa niya ang kaniyang makakaya, pinahiran niya ang aking katawan para sa paglilibing sa akin. 9Totoo ang sinasabi ko sa inyo, saanman maihayag ang mabuting balita sa buong mundo, ang ginawa ng babaeng ito ay pag-uusapan bilang alaala sa kaniya.” 10Pagkatapos, pumunta sa mga pangulong pari si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa upang ibigay si Jesus sa kanila. 11Nang marinig ito ng mga punong pari, nasiyahan sila at nangakong bigyan siya ng pera. Nagsimula siyang maghanap ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila. 12Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang naghandog sila ng batang tupa alang-alang sa Paskua, sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, “Saan mo kami nais pumunta upang maghanda ng hapunan alang-alang sa Paskua?” 13Ipinadala niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa lungsod, at isang lalaki na may dalang tubig na nakalagay sa pitsel ang sasalubong sa inyo. Sundan ninyo siya. 14Sundan ninyo siya kung saang bahay siya papasok at sabihin sa may-ari ng bahay na iyon, 'Ipinapatanong ng Guro, “Nasaan ang aking silid na aking kakainan sa Paskua kasama ang aking mga alagad?”' 15“Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na kumpleto ang kagamitan na nakahanda na. Gawin ninyo ang mga paghahanda para sa atin doon.” 16Umalis ang mga alagad at pumunta sa lungsod, natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila at inihanda nila ang hapunan alang-alang sa Paskua. 17Kinagabihan, dumating siya kasama ang Labindalawa. 18Habang nakasandal sila sa lamesa at kumakain, sinabi ni Jesus, “Totoo, sinasabi ko sa inyo. Isa sa inyo na kasama kong kumakain ang magkakanulo sa akin. 19Labis silang nalungkot at isa-isang nagtanong sa kaniya, “Siguradong hindi ako, di ba?” 20Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isa sa Labindalawa, ang kasama kong ngayong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21Sapagkat tatahakin ng Anak ng Tao ang daan na sinasabi sa kasulatan tungkol sa kaniya. Ngunit aba sa taong magkakanulo sa Anak ng Tao! Mas mabuti pang hindi na siya isinilang.” 22Habang kumakain sila, kinuha ni Jesus ang tinapay, pinagpala at hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo ito. Ito ang aking katawan.” 23Kumuha siya ng tasa, nagpasalamat, ibinigay ito sa kanila at uminom silang lahat mula rito. 24Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng kasunduan, ang dugo na maibubuhos para sa marami. 25Totoo, sinasabi ko sa inyo, hindi ako muling iinom nitong bunga ng ubas hanggang sa araw na iyon kung kailan ako iinom ng panibago sa kaharian ng Diyos.” 26Pagkatapos nilang umawit ng himno, pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. 27Sinabi ni Jesus sa kanila, “Iiwanan ninyo akong lahat, sapagkat ito ang nasusulat, 'Papatayin ko ang pastol at magsisikalat ang mga tupa.' 28Ngunit pagkatapos kong mabuhay muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hindi kita iiwanan.” 30Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Totoo, sinasabi ko ito sa iyo, ngayong gabi, bago tumilaok ang tandang ng dalawang beses, ipagkakaila mo ako ng tatlong beses. 31Ngunit sinabi ni Pedro, “Kung kailangan kong mamatay kasama mo, hindi kita ipagkakaila.” Ganun din ang pangako na sinabi nilang lahat. 32Dumating sila sa lugar na tinatawag na Getsemani at sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Umupo kayo dito habang ako ay nananalangin.” 33Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabalisa at labis na nabahala. 34Sinabi niya sa kanila, “Ang aking kaluluwa ay labis na nagdadalamhati, kahit sa kamatayan. Manatili kayo dito at magbantay.” 35Pumunta si Jesus sa di kalayuan, nagpatirapa sa lupa at nanalangin na kung maaari ay lampasan siya ng oras na ito. 36Sinabi niya, “Abba, Ama, kaya mong gawin ang lahat. Alisin mo ang tasang ito sa akin. Ngunit hindi ang aking kalooban, kundi ang iyong kalooban.” 37Bumalik siya at natagpuan silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagbantay ng isang oras man lang? 38Magbantay kayo at manalangin na hindi kayo matukso. Tunay na ang espiritu ay nakahandang sumunod, ngunit mahina ang laman.” 39Muli siyang umalis at nanalangin at kaniyang sinabi ang ganoon ding mga salita. 40Muli siyang bumalik at nadatnan silang natutulog, sapagkat antok na antok sila at hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin sa kaniya. 41Bumalik siya sa pangatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras. Tingnan ninyo! Ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 42Bumangon kayo, umalis na tayo. Tingnan ninyo, malapit na ang taong magkakanulo sa akin. 43Habang nagsasalita si Jesus, kaagad na dumating si Judas, isa sa Labindalawa, at napakaraming tao ang kasama niya na may mga espada at pamalo, mula sila sa mga punong pari, mga eskriba, at mga nakatatanda. 44Ngayon, nagbigay na ng palatandaan ang magkakanulo sa kaniya, na nagsasabi, “Kung sino man ang hahalikan ko, siya iyon. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti sa pagdala ninyo sa kaniya. 45Pagdating ni Judas, kaagad niyang pinuntahan si Jesus at sinabi “Rabi!” At kaniyang hinalikan. 46At siya ay sinunggaban nila at dinakip. 47Ngunit nagbunot ng kaniyang espada ang isa sa kanila na nakatayo sa malapit at tinaga ang tainga ng lingkod ng pinakapunong pari. 48Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ba ay nagsilabasan na laban sa isang magnanakaw, na may mga espada at pamalo upang dakpin ako?” 49Nang araw-araw ninyo akong kasama at nagtuturo sa templo, hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang mga ito upang matupad ang mga kasulatan. 50Iniwanan si Jesus ng lahat ng kasama niya at nagsitakas sila. 51Sumunod sa kaniya ang isang binatang nakasuot lamang ng isang linong kasuotan na nakabalot sa kaniya; hinuli nila siya ngunit 52iniwan niya roon ang linong kasuotan at tinakasan niya sila na nakahubad. 53Dinala nila si Jesus sa mga pinakapunong pari. Nagkatipun-tipon doon kasama niya ang lahat ng mga punong pari, mga nakatatanda, at mga eskriba. 54Ngayon sumunod si Pedro sa kaniya mula sa malayo, hanggang sa patyo ng pinakapunong pari. Naupo siya kasama ng mga bantay na malapit sa apoy na nagpapainit. 55Ngayon ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng magpapatotoo laban kay Jesus upang maipapatay nila siya. Ngunit wala silang mahanap. 56Sapagkat marami ang nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, ngunit maging ang kanilang patotoo ay hindi nagtugma. 57Tumayo ang ilan at nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, sinabi nila, 58“Narinig namin siyang nagsabi, 'Wawasakin ko ang templong ito na gawa ng mga kamay at sa tatlong araw muli akong magtatayo ng isang hindi gawa ng mga kamay.'” 59Gayunpaman, hindi nagtugma maging ang kanilang mga patotoo. 60Tumayo sa kanila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang kasagutan? Ano itong patotoo ng mga tao laban sa iyo?” 61Ngunit tahimik siya at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi, “Ikaw ba ang Cristo, ang anak ng Pinagpala?” 62Sinabi ni Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao kapag nakaupo na siya sa bandang kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa ulap sa langit.” 63Pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64Narinig ninyo ang kalapastanganan na sinabi niya. Ano ang inyong pasya?” At hinatulan siya nilang lahat bilang isang nararapat sa kamatayan. 65At sinimulan siyang duraan ng ilan at tinakpan ang kaniyang mukha, hinampas siya at sinabi sa kaniya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga opisyal at binugbog siya. 66Habang si Pedro ay nasa ibaba ng patyo, isa sa mga babaing lingkod ng pinakapunong pari ang pumunta sa kaniya. 67Nakita niya si Pedro habang nakatayo sa tapat ng apoy na nagpapainit at pinagmasdan niya itong mabuti. Pagkatapos sinabi niya, “Kasama ka rin ng taga-Nazaret na si Jesus.” 68Ngunit itinangggi niya ito at sinabi, “Hindi ko nalalaman o naiintindihan man ang iyong sinasabi.” Pagkatapos lumabas siya sa patyo (at tumilaok ang manok). 69Ngunit nakita siya roon ng babaeng lingkod at muling nagsimulang magsabi sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila!” 70Ngunit muli niya itong itinanggi. Hindi nagtagal sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Siguradong isa ka sa kanila, sapagkat isa ka ring taga-Galilea.” 71Ngunit nagsimula siyang manungayaw at manumpa, “Hindi ko nakikilala ang lalaking sinasabi ninyo.” 72Pagkatapos tumilaok ang tandang ng ikalawang beses. At naalala ni Pedro ang mga salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bago tumilaok ang tandang ng dalawang ulit, tatlong beses mo akong itatanggi.” At nanlumo siya at tumangis. 15:1Maagang-maaga pa nagtipon-tipon na ang mga punong pari kasama ang mga nakatatanda at mga eskriba, at ang buong Konseho ng Sanedrin. Pagkatapos ay iginapos nila si Jesus at inilabas siya. Ipinasa nila siya kay Pilato. 2Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sinagot niya siya, “Kung iyan ang sinasabi mo.” 3Nagpalabas ang mga punong pari ng maraming mga bintang laban kay Jesus. 4Tinanong siya muli ni Pilato, “Wala ka bang maibibigay na kasagutan? Nakikita mo ba kung ilan ang mga inilalabas nilang mga bintang laban sa iyo?” 5Ngunit hindi na muling sinagot ni Jesus si Pilato, at dahil doon, namangha siya. 6Ngayon sa panahon ng pista, kadalasang nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, isang bilanggong hiniling nila. 7Doon, sa kulungan kasama sa mga manghihimagsik, kabilang sa mga mamamatay tao na kasapi sa rebelyon, ay isang lalaking nagngangalang Barabas. 8Pumunta ang maraming tao kay Pilato at nagsimula silang humiling sa kaniya na gawin niya ang ginagawa niya noong mga nakaraang panahon. 9Sinagot sila ni Pilato at sinabi, “Gusto ba niyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10Dahil alam niyang dahil sa inggit ng mga punong pari kay Jesus kung kaya siya ay ipinasa sa kaniya. 11Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang maraming tao para isigaw na si Barabas ang dapat palayain. 12Sinagot silang muli ni Pilato at sinabing, “Ano ngayon ang gagawin ko sa Hari ng mga Judio?” 13Sumigaw silang muli, “Ipako siya sa krus!” 14Sinabi sa kanila ni Pilato, “Anong kasalanan ang ginawa niya?” Ngunit mas lalo nilang isinigaw, “Ipako siya sa krus.” 15Gusto ni Pilato na malugod ang mga tao kaya pinalaya niya si Barabas sa kanila. Hinampas niya si Jesus at ibinigay siya upang maipako sa krus. 16Dinala siya ng mga kawal sa loob ng patyo (ng kwartel), at tinawag nila ang buong hukbo ng mga kawal. 17Nilagyan nila si Jesus ng balabal na kulay lila, at gumawa sila ng isang koronang gawa sa tinik at ipinatong ito sa kaniyang ulo. 18Nagsimula silang saluduhan siya at sinabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!” 19Hinampas nila ang kaniyang ulo ng tambo at dinuraan siya. Nagluhod-luhuran silang nagpakita ng paggalang sa kaniya. 20Nang matapos nila siyang kutyain, tinanggal nila mula sa kaniya ang balabal na kulay lila at inilagay sa kaniya ang kaniyang mga damit, at pagkatapos inilabas siya upang ipako sa krus. 21Pinilit nilang tumulong ang isang taong dumaan na galing sa bukid na nagngangalang Simon na taga-Cirene (ang ama ni Alejandro at Rufo); pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus. 22Dinala si Jesus ng mga kawal sa lugar na kung tawagin ay Golgotha (na ang ibig sabihin ay, Lugar ng Bungo). 23Inalok nila siya ng alak na may halong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24Ipinako nila siya at pinaghati-hatian ang kaniyang kasuotan sa pamamagitan ng pagsasapalaran upang malaman kung anong parte ng kasuotan ang makukuha ng bawat kawal. 25Ikatlong oras na nang siya ay ipinako nila. 26Sinulat nila sa isang karatula ang bintang laban sa kaniya, “Ang Hari ng mga Judio.” 27Kasama niyang ipinako sa krus ang dalawang magnanakaw, isa sa kanan niya, at isa sa kaliwa. 28(At naisakatuparan ang Kasulatan na nagsasabing: At siya ay ibinilang sa mga suwail.) 29Ininsulto siya ng mga taong dumaraan, umiiling ang kanilang mga ulo at sinasabi, “Oy! Ikaw na wawasak sa templo at magtatayo muli nito sa loob ng tatlong araw, 30iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka mula sa krus!” 31Sa ganoong paraan din ay kinukutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba, at sinabi, “Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kaniyang sarili. 32Hayaan nating bumaba mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, nang makita natin at mapaniwala tayo.” Pati ang mga kasama niyang nakapako sa krus ay nilalait rin siya. 33Sa ika-anim na oras, nagdilim ang buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras. 34Sa ika-siyam na oras, sumigaw si Jesus ng may malakas na boses, “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” na ang ibig sabihin, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35Narinig iyon ng ilan sa mga nakatayo na malapit sa kaniya at sinabing, “Tignan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36May isang tumakbo, naglagay ng maasim na alak sa espongha, inilagay ito sa isang tambong tungkod at ibinigay ito sa kaniya upang inumin. Sinabi ng lalaki, “Tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” 37Pagkatapos ay sumigaw si Jesus ng may malakas na boses at namatay. 38Napunit sa dalawa ang kurtina ng templo mula itaas hanggang ibaba. 39At nang makita ng senturion na nakatayo at nakaharap kay Jesus na namatay siya sa ganitong paraan, sinabi niya, “Tunay ngang siya ang Anak ng Diyos.” 40Mayroon ding mga babaing nakatingin sa malayo. Kabilang sa kanila ay sina Maria Magdalena, Maria (ang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose), at si Salome. 41Nang siya ay nasa Galilea sumunod sila sa kaniya at pinaglingkuran siya. Marami ring mga kababaihan ang sumama sa kaniya sa Jerusalem. 42Nang gumabi na, dahil ito ay araw ng Paghahanda, na ang araw bago ang Araw ng Pamamahinga, 43pumunta si Jose na taga-Arimatea doon. Isa siya sa mga iginagalang na kasapi ng Konseho na naghihintay sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus. 44Namangha si Pilato nang malaman niyang patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturion upang tanungin kung patay na nga si Jesus. 45Nang malaman niya mula sa senturion na patay na nga siya, ibinigay na niya ang katawan ni Jesus kay Jose. 46Bumili si Jose ng linong tela. Ibinaba niya siya mula sa krus, ibinalot siya sa linong tela, at ihinimlay siya sa isang libingan na tinapyas mula sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan. 47Nakita nila Maria Magdalena at ni Maria na ina ni Jose ang lugar kung saan inilibing si Jesus.
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan