Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Lumakad si Jesus sa ibabaw ng tubig

Mat 14:22–33 · Mar 6:45–52 · Juan 6:15–21

Mateo

Mat 14:22–33

22Kaagad na pinasakay niya ang mga alagad sa bangka upang mauna silang tumungo sa kabilang dako, habang pina-uuwi niya ang mga tao.

23Pagkatapos niyang mapauwi ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok upang manalangin. Nang lumalim na ang gabi, mag-isa lamang siya roon.

24Ngunit ang bangka ay nasa kalagitnaan na ng dagat, halos hindi na ito mapigilan dahil sa mga alon, sapagkat pasalubong ang hangin.

25Nang madaling araw na, nilapitan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat.

26Nang makita siya ng kaniyang mga alagad na naglalakad sa dagat, natakot sila at sinabi, “Multo,” at sila ay nagsigawan sa takot.

27Ngunit agad nagsalita si Jesus sa kanila at sinabi, “Magpakatapang kayo! Ako ito! Huwag kayong matakot.”

28Sumagot si Pedro sa kaniya at sinabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo akong pumunta sa iyo sa tubig.”

29Sinabi ni Jesus, “Halika.” Kaya bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa tubig papunta kay Jesus.

30Ngunit nang napansin ni Pedro ang hangin, siya ay natakot. Habang siya ay nagsimulang lumubog, sumigaw siya at sinabi, “Panginoon, iligtas mo ako!”

31Kaagad iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at inabot si Pedro at sinabi sa kaniya, “Ikaw na may maliit na pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

32At nang sumakay si Jesus at Pedro sa bangka, huminto ang hangin sa pag-ihip.

33At ang mga alagad sa bangka ay sumamba kay Jesus at sinabi, “Tunay ngang ikaw ang Anak ng Diyos.”

Marcos

Mar 6:45–52

45Agad niyang pinasakay ang kaniyang mga alagad sa bangka at pinauna sila sa kabilang dako, sa Betsaida, habang pinaaalis niya ang mga tao.

46Nang wala na sila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47Sumapit ang gabi, nasa kalagitnaan na ng dagat ang bangka, at siya ay nag-iisa sa lupa.

48At nakita niyang nahihirapan ang mga alagad habang nagsasagwan dahil ang hangin ay salungat sa kanila. Nang madaling-araw na pumunta siya sa kanila na naglalakad sa dagat at gusto niyang lagpasan sila.

49Ngunit nang makita nilang naglalakad siya sa dagat, naisip nila na isa siyang multo at nagsigawan sila,

50dahil nakita at natakot sila sa kaniya. Agad niya silang kinausap at sinabi sa kanila, “Lakasan ninyo ang inyong loob! Ako ito! Huwag kayong matakot!”

51Sumakay siya sa bangka at tumigil ang pag-ihip ng hangin at lubos silang namangha sa kaniya.

52Sapagkat hindi nila naintindihan kung ano ang kahulugan ng tinapay, ngunit mabagal umintindi ang kanilang mga kaisipan.

Juan

Juan 6:15–21

15Nang napagtanto ni Jesus na sila ay papunta at sapilitan siyang gagawing hari, muli siyang lumayo at mag-isang umakyat sa bundok.

16Nang dumating ang gabi, ang mga alagad ay bumaba papunta sa lawa.

17Sumakay sila sa bangka, patawid ng dagat papuntang Capernaum. (Madilim na nang oras na iyon at hindi pa pumunta si Jesus sa kanila).

18Ngayon, isang malakas na hangin ang umiihip at ang dagat ay nagiging maalon.

19At nang nakapagsagwan na ang mga alagad ng mga dalawampu't lima o tatlumpung istadya, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka, at sila ay natakot.

20Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito, huwag kayong matakot.”

21Pagkatapos kusa nilang tinanggap siya sa bangka, at kaagad nakarating ang bangka sa lugar kung saan sila papunta.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY