Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Ang nagpaparumi sa tao

Mat 15:1–20 · Mar 7:1–23

Mateo

Mat 15:1–20

1At may ilang mga Pariseo at mga eskriba na mula sa Jerusalem ang pumunta kay Jesus. Sinabi nila,

2“Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang mga kaugalian ng mga nakatatanda? Sapagkat hindi nila hinuhugasan ang kanilang mga kamay kapag sila ay kakain.”

3Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “At kayo—bakit ninyo nilalabag ang kautusan ng Diyos alang-alang sa inyong mga kaugalian?

4Sapagkat sinabi ng Diyos, 'Igalang mo ang iyong ama at iyong ina,' at 'Sinuman ang magsalita ng masama sa kaniyang ama o ina ay tiyak na mamamatay.

5Ngunit sinabi ninyo, 'Sinuman ang magsabi sa kaniyang ama o ina, “Anumang tulong ang matanggap sana ninyo na galing sa akin, ngayon ay isa nang kaloob na ibinigay sa Diyos,”'

6hindi na kailangang igalang ng taong iyon ang kaniyang ama. Sa ganitong paraan binalewala ninyo ang salita ng Diyos alang-alang sa inyong mga kaugalian.

7Kayong mga mapagkunwari, tama ang propesiya tungkol sa inyo ni Isaias noong sinabi niya,

8'Iginagalang ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin.

9Sinasamba nila ako na walang kabuluhan, dahil ang itinuturo nila bilang mga doktrina ay ang mga utos ng mga tao.'''

10Pagkatapos ay tinawag niya ang maraming tao palapit sa kaniya at sinabi sa kanila, ''Makinig kayo at intindihin ninyo—

11Walang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa isang tao. Sa halip, kung ano ang lumalabas sa kaniyang bibig, ito ang nakapagpaparumi sa tao.''

12Pagkatapos, lumapit ang kaniyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Alam ba ninyo na nasaktan ang mga Pariseo nang marinig nila ang inyong sinabi?”

13Sumagot si Jesus at sinabi, “Bawat halaman na hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin.

14Hayaan ninyo sila, mga bulag sila na gabay. Kung ang isang bulag na tao ay gagabayan ang kapwa niyang bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”

15Sumagot si Pedro at sinabi kay Jesus, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang ito.”

16Sinabi ni Jesus, “Kayo din ba ay wala pa ring pang-unawa?

17Hindi ba ninyo nakikita na kung anumang pumapasok sa inyong bibig ay dadaan sa tiyan at pagkatapos pinapalabas sa palikuran?

18Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay galing sa puso. Ang mga bagay na ito ang nakapagpaparumi sa tao.

19Sapagkat sa puso nanggagaling ang mga masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, bulaang saksi at mga paghamak.

20Ito ang mga bagay na nakapagpaparumi sa tao. Ngunit ang kumain na hindi naghugas ng mga kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”

Marcos

Mar 7:1–23

1Nagtipon-tipon sa paligid niya ang mga Pariseo at ilang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem.

2At nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumain ng tinapay na madungis ang kanilang mga kamay; na hindi nahugasan

3(Dahil ang mga Pariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain hanggang hindi sila naghuhugas ng maigi ng kanilang mga kamay; pinanghahawakan nila ang kaugalian ng mga nakatatanda.

4Tuwing nanggagaling sa pamilihan ang mga Pariseo, hindi sila kumakain hanggang hindi sila nakapaligo. At marami pang ibang mga patakaran ang mahigpit nilang sinusunod, kasama na rito ang paghuhugas ng mga tasa, palayok, mga sisidlang gawa sa tanso, pati na ang mga upuan sa hapag-kainan.)

5Tinanong ng mga Pariseo at ng mga eskriba si Jesus, “Bakit hindi namumuhay alinsunod sa kaugalian ng mga nakatatanda ang iyong mga alagad, sapagkat kumakain sila ng tinapay ng hindi naghuhugas ng kanilang mga kamay?”

6Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malinaw na sinabi ng propetang Isaias ang tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, isinulat niya, 'Pinaparangalan ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit malayo ang kanilang puso sa akin.

7Walang laman ang pagsasamba na inaalay nila sa akin, itinuturo nila ang mga patakaran ng mga tao bilang kanilang doktrina.'

8Tinalikuran ninyo ang kautusan ng Diyos at mahigpit ninyong pinanghahawakan ang kaugalian ng mga tao.”

9At sinabi niya sa kanila, “Madali ninyong tinanggihan ang kautusan ng Diyos para masunod ang inyong kaugalian!

10Sapagkat sinabi ni Moises, 'Igalang ninyo ang inyong ama at ina,' at 'Ang sinumang nagsasalita ng masama tungkol sa kaniyang ama at ina ay tiyak na mamamatay.'

11Ngunit sinasabi ninyo, 'Kapag sinabi ng isang tao sa kaniyang ama at ina, “Anumang tulong ang matatanggap ninyo mula sa akin ay Corban,”' (ibig sabihin, 'Ibinigay sa Diyos') -

12kung gayon hindi na ninyo siya pinapayagang gumawa ng kahit na ano para sa kaniyang ama at ina.

13Pinapawalang-bisa ninyo ang kautusan ng Diyos dahil sa mga ipinasa ninyong mga kaugalian. At marami pang mga bagay na katulad nito ang ginagawa ninyo.”

14Tinawag niyang muli ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin, at unawain ninyo ito.

15Walang kahit anumang pumapasok sa tao ang makakapagpadungis sa kaniya. Ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpadungis sa kaniya.”

16(Kung sinuman ang taong may taingang nakakarinig, hayaang marinig niya.)

17Ngayon nang iniwan ni Jesus ang maraming tao at pumasok sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad tungkol sa talinghaga.

18Sinabi ni Jesus, “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na kahit anong pumasok sa isang tao mula sa labas, ito ay hindi makapagpapadungis sa kaniya,

19dahil hindi ito maaaring mapunta sa kaniyang puso kung hindi sa kaniyang sikmura at lalabas ito patungo sa palikuran.” Dahil sa pahayag na ito, ginawang malinis ni Jesus ang lahat ng mga pagkain.

20Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya.

21Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay,

22pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan.

23Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY