13Ngayon, nang marinig ito ni Jesus, umalis siya mula roon sa pamamagitan ng bangka at nagpunta sa isang liblib na lugar. Nang marinig ito ng mga tao, sinundan siya ng mga ito na naglalakad mula sa mga lungsod.
14At dumating si Jesus na nauna sa kanila at nakita ang maraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling ang mga may sakit sa kanila.
15Nang sumapit ang gabi, lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi, “Ito ay ilang na lugar at natapos na ang araw. Pauwiin na ninyo ang mga taong napakarami, upang sila ay makapunta sa mga nayon at makapamili ng makakain para sa kanilang sarili.”
16Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangan pang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain.”
17Sinabi nila sa kaniya, “Mayroon lamang kaming limang piraso ng tinapay at dalawang isda rito.”
18Sinabi ni Jesus, “Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan.”
19Pagkatapos ay inutusan ni Jesus ang mga maraming tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang pirasong tinapay at dalawang isda. Habang nakatingala sa langit, binasbasan niya at pinagpira-piraso ang mga tinapay at saka ibinigay sa mga alagad. Ipinamahagi naman ito ng mga alagad sa mga tao.
20Lahat sila ay nakakain at nabusog. Pagkatapos ay inipon nila ang mga natira sa mga pinagpira-pirasong pagkain—labindalawang basket ang napuno.
21Lahat ng kumain ay umabot sa limanlibong kalalakihan bukod sa mga kababaihan at mga bata.