Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Isinugo ang Labindalawa

Mat 10:5–15 · Mar 6:7–13 · Luc 9:1–6

Mateo

Mat 10:5–15

5Ipinadala ni Jesus ang labindalawang ito. Tinagubilinan niya ang mga ito at sinabi, “Huwag kayong pumunta sa alin mang lugar na tinitirhan ng mga Gentil, at huwag kayong papasok sa alin mang bayan ng mga Samaritano.

6Sa halip, pumunta kayo sa mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel.

7At sa pagpunta ninyo, ipangaral ninyo at sabihing, 'Ang kaharian ng langit ay nalalapit na.'

8Pagalingin ninyo ang may sakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin, at palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang walang bayad, ipamigay ninyo nang walang bayad.

9Huwag kayong magdala ng anumang ginto, pilak o tanso sa inyong mga pitaka.

10Huwag kayong magdala ng panglakbay na lalagyan, o dagdag na tunika, ni sandalyas, o di kaya'y tungkod, sapagkat nararapat sa manggagawa ang kaniyang pagkain.

11Anumang lungsod o nayon ang inyong mapuntahan, hanapin ninyo ang karapat-dapat at manatili kayo doon hanggang sa kayo ay aalis.

12Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang mga nandoon.

13Kung ang bahay ay karapat-dapat, pumaroon ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, hayaan ninyong bumalik ang inyong kapayapaan sa inyo.

14Sa mga hindi naman tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, kapag kayo ay umalis sa bahay o lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang mga alikabok mula sa inyong mga paa.

15Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mas mapagtitiisan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra sa araw ng paghuhukom kaysa sa lungsod na iyon.

Marcos

Mar 6:7–13

7Tinawag niya ang Labindalawa at sinimulan silang isugo ng dalawahan at binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu,

8at ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang tinapay, walang sisidlan at wala ring pera nailalagay sa kanilang sinturon,

9kundi magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dalawang tunika.

10At sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa tuwing papasok kayo sa isang bahay, manatili kayo doon hanggang makaalis kayo sa lugar na iyon.

11At kung mayroong bayan na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo sa lugar na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.

12Humayo sila at inihayag na dapat talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan.

13Pinalayas nila ang maraming demonyo at pinahiran nila ng langis ang mga taong may sakit at pinagaling sila.

Lucas

Luc 9:1–6

1Tinawag niya ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatan laban sa lahat ng mga demonyo at upang magpagaling ng mga sakit.

2Sila ay isinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang pagalingin ang mga may sakit.

3Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdadala ng anuman para sa inyong paglalakbay—maging tungkod, o pitaka, o tinapay o salapi—ni magdala ng dalawang panloob na tunika.”

4Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo doon hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon.

5Para naman sa mga hindi tatanggap sa inyo, kung kayo ay aalis sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”

6Pagkatapos sila ay umalis at pumunta sa mga nayon, ipinapahayag ang magandang balita at nagpapagaling ng mga tao sa lahat ng dako.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY