1Nang mga panahon na iyon, narinig ni Herodes na tetrarka ang mga balita tungkol kay Jesus.
2Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na Tagapagbautismo, muli siyang nabuhay mula sa mga patay. Kaya ang mga kapangyarihang ito ay gumagawa sa kaniya.”
3Sapagkat ipinadakip ni Herodes si Juan, iginapos siya at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe.
4Sapagkat sinabi ni Juan sa kaniya, “Labag sa batas na gawin mo siyang asawa mo.”
5Nais ni Herodes na siya ay ipapatay subalit natatakot siya sa mga tao sapagkat itinuring nila itong propeta.
6Ngunit noong dumating ang kaarawan ni Herodes, ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw sa gitna at nalugod si Herodes.
7Bilang tugon, nangako siya na may panunumpa na ipagkakaloob ang anumang hihilingin nito.
8Pagkatapos matagubilinan ng kaniyang ina, sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito, sa isang bandihado, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
9Lubhang nabalisa ang hari dahil sa kaniyang kahilingan, ngunit dahil sa kaniyang sumpang binitawan at dahil sa lahat ng naroon sa hapunan na kasama niya, iniutos niya na ito ay mangyari.
10Nag-utos siya at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.
11Pagkatapos ay dinala ang kaniyang ulong nasa bandihado at ibinigay sa babae at dinala niya ito sa kaniyang ina.
12Pagkatapos nito ay dumating ang kaniyang mga alagad at kinuha ang kaniyang bangkay at saka inilibing. Pagkatapos nito, umalis sila at ibinalita ito kay Jesus.