Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Itinakwil si Jesus sa Nazaret

Mat 13:53–58 · Mar 6:1–6 · Luc 4:16–30

Mateo

Mat 13:53–58

53At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito ay umalis na siya sa lugar na iyon.

54Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa kaniyang sariling rehiyon at nagturo sa mga tao sa kanilang mga sinagoga. Ang kinalabasan nito ay namangha sila at sinabi, “Saan kinuha ng taong ito ang kaniyang karunungan at saan nagmula ang mga himalang ito?

55Hindi ba siya ang anak ng karpintero? Hindi ba't si Maria ang kaniyang ina? At ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?

56At hindi ba ang kaniyang mga kapatid na babae ay kasama din natin? Kaya saan nakuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”

57Nasaktan sila nang dahil sa kaniya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan maliban sa kaniyang sariling bansa o sa kaniyang sariling pamilya.”

58At hindi siya gumawa ng maraming himala doon dahil sa kawalan nila ng paniniwala.

Marcos

Mar 6:1–6

1Umalis siya doon at pumunta siya sa kaniyang sariling bayan at sumunod ang kaniyang mga alagad.

2Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kaniya at namangha sila. Sinabi nila, “Saan niya nakuha ang mga katuruang ito?” “Ano itong karunungan na naibigay sa kaniya?” “Ano itong mga himala na nagagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay?”.

3“Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba't kasama natin ang kaniyang mga kapatid na babae dito?” At sumama ang kanilang loob kay Jesus.

4At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay hindi nawawalan ng parangal, maliban sa kaniyang sariling bayan at sa kaniyang mga kamag-anak at sa kaniyang sariling sambahayan.”

5Hindi siya makagawa ng kahit na anong makapangyarihang gawain, maliban lamang sa pagpatong ng kaniyang mga kamay sa ilang may sakit at pagalingin sila.

6Ikinamangha niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya. At naglibot siyang nagtuturo sa mga nayon.

Lucas

Luc 4:16–30

16Isang araw, siya ay pumunta sa Nazaret, ang lungsod na kung saan siya pinalaki. Sa kaniyang nakagawian, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pamamahinga, at tumayo upang basahin ang kasulatan.

17Ang balumbon ni propeta Isaias ay iniabot sa kaniya, kaya binuksan niya ang balumbon at nakita ang bahagi kung saan nakasulat,

18“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, dahil itinalaga niya ako upang ipangaral ang magandang balita sa mga mahihirap. Isinugo niya ako upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at manumbalik ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga inaapi,

19ipahayag ang pinagpalang panahon ng Panginoon.”

20Pagkatapos ay inirolyo niya ang kasulatang binalumbon, ibinalik sa tagapangasiwa ng sinagoga, at umupo. Ang mga mata ng lahat ng tao sa sinagoga ay nakatuon sa kaniya.

21Siya ay nagsimulang magsalita sa kanila, “Ngayon itong kasulatan ay natupad sa inyong pandinig.”

22Bawat isa sa kanila ay nasaksihan ang lahat ng kaniyang mga sinabi at lahat sila ay namangha sa mga mapagpalang salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Sinasabi nila, “Ito ay anak lamang ni Jose, hindi ba?”

23Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak kong sasabihin ninyo ang kawikaang ito sa akin, 'Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili. Anuman ang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum, gawin mo din dito sa iyong bayang kinalakihan.”'

24Sinabi din niya, “Tapat kong sinasabi sa inyo, walang propeta ang tinanggap sa sarili niyang bayan.

25Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan na maraming mga balo sa Israel sa panahon ni Elias, noong sumara ang kalangitan na walang ulan sa loob ng tatlo at kalahating mga taon, noong nagkaroon ng matinding taggutom sa lahat ng kalupaan.

26Ngunit hindi ipinadala si Elias sa kahit sinuman sa kanila, ngunit sa isang balo lamang na naninirahan sa Sarepta na malapit sa lungsod ng Sidon.

27Mayroon ding maraming mga ketongin sa Israel sa panahon ni propeta Eliseo, ngunit wala sa kanila ang gumaling maliban kay Naaman na taga-Siria.”

28Lahat ng tao sa sinagoga ay napuno ng matinding galit nang marinig nila ang mga bagay na ito.

29Tumayo sila at ipinagtabuyan siya paalis ng lungsod, at dinala siya sa gilid ng burol kung saan itinayo ang kanilang lungsod, upang siya ay maari nilang ihulog sa bangin.

30Ngunit siya ay lumakad palusot sa kanilang kalagitnaan at siya ay umalis.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY