Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Ang anak na babae ni Jairo at ang babaeng humipo sa kaniyang balabal

Mat 9:18–26 · Mar 5:21–43 · Luc 8:40–56

Mateo

Mat 9:18–26

18Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa kanila, masdan ito, dumating ang isang opisyal at lumuhod sa kaniya. At nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit sumama ka at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya ay mabubuhay.”

19Pagkatapos ay tumayo si Jesus at sumunod sa kaniya, at ganoon din ang ginawa ng kaniyang mga alagad.

20Masdan ito, may isang babae na dinudugo ng malala sa loob ng labindalawang taon ang lumapit sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng kaniyang damit.

21Sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahawakan ko lamang ang kaniyang damit, ay gagaling na ako.”

22Ngunit lumingon si Jesus at nakita siya at sinabi, “Anak, magpakatatag ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” At agad na gumaling ang babae.

23Nang dumating si Jesus sa bahay ng opisyal nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang mga tao na gumagawa ng matinding ingay.

24Sinabi niya, “Umalis kayo, sapagkat hindi patay ang babae kundi natutulog lamang.” Ngunit siya ay pinagtawanan nila nang may pangungutya.

25Noong napalabas na ang mga tao, pumasok siya sa silid at hinawakan niya ito sa kamay at ang batang babae ay bumangon.

26Ang balita tungkol dito ay kumalat sa buong rehiyon na iyon.

Marcos

Mar 5:21–43

21At nang si Jesus ay muling tumawid sa kabilang dako, maraming mga tao ang pumalibot sa kaniya sa bangka, sapagkat siya ay nasa tabing dagat.

22At isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo ang dumating, at nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa kaniyang paanan.

23Nagmakaawa siya nang paulit-ulit na nagsasabi, “Ang aking anak na babae ay malapit nang mamatay. Nakikiusap ako sa iyo, halika ka at ipatong ang iyong mga kamay sa kaniya upang siya ay gumaling at mabuhay.”

24Kaya sumama siya sa kaniya at sumunod sa kaniya ang napakaraming tao at sila ay nag-uumpukan sa palibot niya.

25Ngayon, mayroong isang babae na walang tigil na dinudugo sa loob ng labing dalawang taon.

26Dumanas siya ng maraming hirap sa ilalim ng mga manggagamot at naubos na niya ang lahat ng mayroon siya. Ngunit walang nakatulong sa kaniya, sa halip ay lalo pang lumala.

27Narinig niya ang mga balita tungkol kay Jesus. Kaya pumunta siya sa kaniyang likuran habang siya ay naglalakad sa gitna ng maraming tao, at hinawakan niya ang kaniyang balabal.

28Sapagkat iniisip niya, “Kung mahawakan ko man lang kahit ang kaniyang damit, ako ay gagaling.”

29Nang mahawakan niya siya, tumigil ang pagdurugo, at naramdaman niya sa kaniyang katawan na siya ay gumaling na sa kaniyang paghihirap.

30At agad napansin ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan mula sa kaniya. At lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa aking damit?”

31Sinabi sa kaniya ng mga alagad, “Nakita mo ang napakaraming taong nag-uumpukan sa paligid mo, at sasabihin mong 'Sino ang humawak sa akin?”

32Ngunit si Jesus ay tumingin sa paligid upang malaman kung sino ang may gawa nito.

33Nang nalaman ng babae ang nangyari sa kaniya, natakot siya at nanginig. Lumapit siya at nagpatirapa sa kaniyang harapan at sinabi ang buong katotohanan.

34Sinabi niya sa kaniya, “Anak, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Umuwi ka nang may kapayapaan at gumaling ka sa iyong karamdaman.”

35Habang siya ay nagsasalita, ilang tao mula sa pinuno ng sinagoga ang dumating at nagsabi, “Patay na ang iyong anak. Bakit mo pa aabalahin ang Guro?”

36Ngunit nang marinig ni Jesus ang kanilang sinabi, sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, maniwala ka lang.”

37Hindi niya pinayagan ang kahit sino na sumama sa kaniya maliban kay Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.

38Nakarating sila sa bahay ng pinuno nang sinagoga at nakita niya ang kaguluhan, napakaraming iyakan at pagtangis.

39Nang pumasok siya sa bahay, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nababalisa at bakit kayo umiiyak? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog.”

40Siya ay pinagtawanan nila, ngunit pinalabas niya silang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at maging ang mga kasama niya, at pumunta sila kung saan naroroon ang bata.

41Kinuha niya ang kamay ng bata at sinabi sa kaniya, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.”

42Agad na tumayo ang bata at naglakad (sapagkat siya ay labindalawang taon). At kaagad labis silang namangha.

43Mahigpit niya silang pinagbilinan na walang dapat makaalam ng tungkol dito. At inutusan niya sila na bigyan ang bata ng makakain.

Lucas

Luc 8:40–56

40Sa pagbabalik ni Jesus, sinalubong siya ng napakaraming tao, dahil sa sila ay naghihintay sa kaniya.

41Masdan ito, may isang lalaki na dumating na nagngangalang Jairo, at siya ay isa sa mga pinuno ng sinagoga. Si Jairo ay lumuhod sa paanan ni Jesus at nakiusap na pumunta sa kaniyang bahay,

42dahil sa siya ay may kaisa-isang anak na babae, na nasa labindalawang taon ang edad, at siya ay nag-aagaw-buhay. Ngunit nang papunta siya kay Jesus, maraming tao ang nagsisiksikan sa kaniya.

43Isang babae ang naroroon na labindalawang taon nang dinudugo at ginugol ang lahat ng kaniyang pera sa mga manggagamot, ngunit hindi siya mapagaling ng kahit sinuman sa kanila.

44Siya ay pumunta sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit, at agad na huminto ang kaniyang pagdurugo.

45Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang ang lahat ay tumanggi, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napakaraming tao ang nagsisiksikan sa inyo at sila ay nanggigitgit sa inyo.

46Ngunit sinabi ni Jesus, “May isa ngang humipo sa akin, dahil alam ko na may kapangyarihang lumabas sa akin.”

47Nang makita ng babae na hindi niya maitago ang kaniyang ginawa, siya ay lumapit na nanginginig. Habang lumuluhod sa harap ni Jesus, ipinahayag niya sa harap ng lahat ng tao ang dahilan ng paghipo niya sa kaniya at kung paano siya gumaling agad.

48Pagkatapos, sinabi niya sa kaniya, “Anak, ang iyong pananampalataya ang siyang nagpagaling sa iyo. Humayo ka nang may kapayapaan.”

49Habang siya ay patuloy pang nagsasalita, may isang lumapit mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Ang iyong anak na babae ay patay na. Huwag mong gambalain ang guro.”

50Ngunit nang marinig iyon ni Jesus, siya ay sumagot sa kaniya, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang, at siya ay maliligtas.”

51Pagkatapos, nang siya ay dumating sa bahay, hindi niya pinayagan ang sinuman na pumasok kasama niya, maliban kina Pedro, Juan, at Santiago, ang ama ng batang babae, at ang kaniyang ina.

52Ngayon, lahat ng taong naroroon ay nagluluksa at tumataghoy para sa kaniya, ngunit sinabi niya, “Huwag kayong tumaghoy. Hindi siya patay, ngunit natutulog lamang.”

53Ngunit siya ay pinagtawanan nila nang may pangungutya, sa pagkakaalam na siya ay patay na.

54Ngunit hinawakan niya ang batang babae sa kaniyang mga kamay, tumawag, na nagsasabing, “Bata, tumayo ka.”

55Ang espiritu ng bata ay bumalik, at siya ay agad na bumangon. Nag-utos si Jesus na bigyan siya ng makakain.

56Namangha ang mga magulang ng bata, ngunit inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kanino man kung ano ang nangyari.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY