Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Ang lalaking sinasaniban ng hukbo ng mga demonyo

Mat 8:28–34 · Mar 5:1–20 · Luc 8:26–39

Mateo

Mat 8:28–34

28Nang dumating si Jesus sa kabilang dako, sa bayan ng mga Gadareno, may sumalubong sa kaniya na dalawang lalaki na sinapian ng mga demonyo. Galing sila sa mga libingan at lubhang napakarahas kaya walang mga manlalakbay ang nakararaan sa daan na iyon.

29Masdan ito, sumigaw sila at nagsabi, “Ano ang pakialam namin sa iyo, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang kami ay pahirapan bago ang itinakdang oras?”

30Ngayon, may kawan ng mga baboy ang nanginginain doon sa hindi kalayuan sa kinarorooonan nila.

31Patuloy na nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo at nagsasabing, “Kung paaalisin mo kami, ipadala mo kami at papasukin sa kawan ng mga baboy.”

32Sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta kayo!” Lumabas ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. At masdan ito, nagmadali ang mga baboy pababa sa isang matarik na burol sa dagat at namatay silang lahat sa tubig.

33Ang mga lalaking nag-aalaga sa mga baboy ay nagsitakbuhan. Nagpunta sila sa lungsod at ipinamalita ang lahat, lalo na ang nangyari sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo.

34Masdan ito, lahat ng lungsod ay nagpunta upang makita si Jesus. At nang makita nila siya, nagmakaawa sila na umalis siya sa kanilang rehiyon.

Marcos

Mar 5:1–20

1Dumating sila sa kabilang dako ng dagat, sa rehiyon ng Geraseno.

2At nang bumababa si Jesus sa bangka, agad may isang lalaking may maruming espiritu ang pumunta sa kaniya mula sa mga libingan.

3Ang lalaki ay nakatira sa mga libingan. Wala nang makapagpigil sa kaniya, kahit pa kadena.

4Ilang ulit na siyang ginapos gamit ang mga tanikala at kadena. Sinisira niya ang mga kadena at winawasak niya ang kaniyang mga tanikala. Walang sinuman ang may lakas na supilin siya.

5Bawat gabi at araw sa mga libingan at sa mga bundok, sumisigaw siya at sinusugatan niya ang kaniyang sarili ng mga matatalas na bato.

6Nang nakita niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya sa kaniya at yumuko sa kaniyang harapan.

7Sumigaw siya nang may malakas na boses, “Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sa iyo sa Diyos mismo, huwag mo akong pahirapan.”

8Sapagkat sinasabi niya sa kaniya, “Lumabas ka sa lalaking ito, ikaw na maruming espiritu.”

9At tinanong niya ito, “Ano ang pangalan mo?” At sumagot siya, “Ang pangalan ko ay Pulutong, sapagkat marami kami.”

10Paulit-ulit siyang nakiusap sa kaniya na huwag silang papuntahin sa labas ng rehiyon.

11Ngayon may malaking kawan ng baboy ang naroon na kumakain sa burol,

12at nagmakaawa sila sa kaniya, na sinasabi, “Papuntahin mo kami sa mga baboy, hayaan mo kaming pumasok sa kanila.”

13Kaya pinayagan niya ang mga ito, lumabas ang mga masamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at nagtakbuhan sila patungo sa matarik na burol papunta sa dagat, halos dalawang libong baboy ang nalunod sa dagat.

14At tumakbo ang mga nagpapakain sa mga baboy at ipinamalita sa lungsod at sa mga karatig-pook kung ano ang nangyari. At maraming tao ang pumunta upang makita kung ano ang nangyari.

15Pagkatapos ay pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinapian ng demonyo— na may Pulutong—na nakaupo, nakabihis, at nasa kaniyang tamang kaisipan, at sila ay natakot.

16Sinabi sa kanila ng mga nakakita ng nangyari sa lalaking sinapian ng demonyo kung ano ang nangyari sa kaniya at gayon din ang tungkol sa mga baboy.

17At nagsimula silang nagmakaawa sa kaniya na umalis sa kanilang rehiyon.

18At nang sumasakay na siya sa bangka, nakiusap sa kaniya ang lalaking sinaniban ng demonyo kung maaari siyang sumama sa kaniya.

19Ngunit hindi siya pumayag dito, subalit sinabi niya sa kaniya, “Umuwi ka sa iyong bahay at sa mga kasama mo, at sabihin mo sa kanila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paano ka niya kinahabagan.”

20Kaya siya ay umalis at nagsimulang ihayag ang mga dakilang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya sa Decapolis at ang lahat ay namangha.

Lucas

Luc 8:26–39

26Dumating sila sa rehiyon ng Geraseno, na katapat ng Galilea.

27Nang nakababa si Jesus sa lupa, may isang lalaki mula sa lungsod ang sumalubong sa kaniya at ang lalaking ito ay may mga demonyo. Sa matagal na panahon, siya ay walang suot na damit at hindi tumira sa isang bahay, sa halip, ay sa mga libingan.

28Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harap niya. Sa malakas na tinig kaniyang sinabing, “Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sayo, huwag mo akong pahirapan.”

29Sapagkat inuutusan ni Jesus ang maruming espiritu na umalis sa lalaking iyon, dahil maraming beses na siyang sinaniban nito. Kahit na siya ay nakagapos sa mga kadena at mga tanikala at binabantayan nang mabuti, napuputol niya ang mga gapos at dinadala ng demonyo sa ilang.

30At nagtanong sa kaniya si Jesus, “Ano ang iyong pangalan?” At siya ay sumagot, “Pulutong”, dahil maraming demonyo ang sumanib sa kaniya.

31Patuloy silang nagsusumamo sa kaniya na huwag silang utusang itapon sa bangin na napakalalim.

32Ngayon, may kawan ng mga baboy na kumakain sa burol, at nakiusap ang mga demonyo na payagan silang pasukin ang mga baboy. Pinahintulutan niya silang gawin ito.

33Kaya ang mga demonyo ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy, at ang kawan ng baboy ay tumakbo nang mabilis pababa ng matarik na burol papunta sa lawa at nalunod.

34Nang makita ng mga lalaki na nagbabantay sa mga baboy ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita ito sa lungsod at sa kabukiran.

35Kaya ang mga taong nakarinig tungkol dito ay lumabas upang makita kung ano ang nangyari, at sila ay pumunta kay Jesus at nakita nila ang lalaki na pinalaya mula sa mga demonyo. Siya ay nakadamit at nasa matinong pag-iisip, nakaupo sa paanan ni Jesus at sila ay natakot.

36Pagkatapos, ang mga nakakita sa nangyari ay sinabi sa iba kung paanong ang lalaking dating nasasaniban ng mga demonyo ay nailigtas.

37Lahat ng taong nasa rehiyon ng Geraseno at sa palibot na mga lugar ay humiling kay Jesus na lumayo sa kanila, sapagkat sila ay nabalot ng matinding takot. Kaya siya ay sumakay sa bangka upang bumalik.

38Ang lalaki na napalaya mula sa mga demonyo ay nagmakaawa kay Jesus na siya ay hayaang sumama kasama niya, ngunit siya ay pinaalis ni Jesus, na sinasabing,

39“Bumalik ka sa iyong bahay at sabihin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa iyo.” Ang lalaki ay umalis, ipinahayag sa buong lungsod ang lahat ng mga kamangha-manghang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY