Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Ang pananampalataya ng babaeng Cananea

Mat 15:21–28 · Mar 7:24–30

Mateo

Mat 15:21–28

21Pagkatapos, umalis si Jesus mula roon at pumunta patungo sa mga rehiyon sa lungsod ng Tiro at Sidon.

22Masdan ito, may isang Cananeang babae ang lumabas galing sa rehiyon na iyon. Sumigaw siya at sinabing, “Kahabangan mo ako, Panginoon, anak ni David; ang aking anak na babae ay lubhang pinapahirapan ng isang demonyo.

23Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus kahit isang salita. Lumapit ang kaniyang mga alagad at nagmakaawa sa kaniya, sinabi, “Paalisin ninyo siya sapagkat sumisigaw siyang sumusunod sa atin.”

24Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ako sinugo sa kaninuman maliban sa mga tupang naliligaw sa tahanan ng Israel.”

25Ngunit lumapit at lumuhod ang babae sa kaniyang harapan, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

26Sumagot siya at sinabi, “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis sa mga tuta.”

27Sinabi niya, “Oo nga, Panginoon, ngunit kahit ang mga tuta ay kinakain ang mga katiting na tinapay na nahulog mula sa kainan ng kanilang mga amo.

28Pagkatapos, sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ayon sa iyong hinihiling.” At gumaling ang kaniyang anak na babae sa oras na iyon.

Marcos

Mar 7:24–30

24Tumayo siya mula doon at umalis papunta sa lupain ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa isang bahay at hindi niya nais na malaman ng kahit na sino na naroroon siya, ngunit hindi niya nagawang makapagtago.

25Subalit may isang babae na may anak na babae na sinapian ng maruming espiritu, nang nakarinig ng tungkol sa kaniya ay agad-agad lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.

26Ngayon ang babaing ito ay isang Griego na taga-Sirofenisa, ayon sa lahi. Nagmakaawa siya sa kaniya na palayasin ang demonyo sa kaniyang anak na babae.

27Sinabi niya sa kaniya, “Hayaang pakainin muna ang mga bata. Sapagkat hindi tamang kunin ang tinapay ng mga bata at itapon ito sa mga aso.”

28Ngunit sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, “Opo, Panginoon, kahit ang mga aso na nasa ilalim ng lamesa ay kumakain ng mumo ng mga bata.”

29Sinabi niya sa kaniya, “Dahil sa sinabi mo ito, malaya ka nang makakaalis. Lumayas na ang demonyo sa anak mong babae.”

30Bumalik ang babae sa kaniyang bahay at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY