Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Pagtuturo

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Pagtuturo

Huwag mag-alala

Mat 6:25–34 · Luc 12:22–31

Mateo

Mat 6:25–34

25Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit?

26Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila?

27At sino sa inyo ang kayang dagdagan ng isang siko ang haba ng kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkabalisa?

28At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit.

29Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito.

30Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?

31Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?'

32Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito.

33Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

34Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

Lucas

Luc 12:22–31

22Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin.

23Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit.

24Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!

25At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay?

26Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?

27Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito.

28Kung dinamitan nga ng Diyos ang damo sa bukid, na nananatili ngayon, at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kayo na kaniyang dadamitan, O kayong mga maliit ang pananampalataya!

29Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala.

30Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.

31Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY