Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Pinagaling ang isang paralitiko

Mat 9:1–8 · Mar 2:1–12 · Luc 5:17–26

Mateo

Mat 9:1–8

1Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang dako, at nakarating sa kaniyang lungsod.

2Masdan ito, dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralisado na nakaratay sa isang higaan. Nang nakita niya ang kanilang pananampalataya, sinabi ni Jesus sa paralisado, “Anak, magalak ka. Ang iyong mga kasalanan ay napatawad na.”

3Masdan ito, may ilan sa mga eskriba ang nagsabi sa kanilang mga sarili, “Ang taong ito ay lumalapastangan sa Diyos,”

4Batid ni Jesus ang mga nasa isip nila at sinabi, “Bakit kayo nag-iisip ng masama sa inyong mga puso?

5Sapagkat alin ba ang mas madaling sabihin, 'Napatawad na ang iyong mga kasalanan' o ang sabihin, 'Tumayo ka at lumakad'?

6Ngunit para malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan dito sa lupa,...” sinabi niya sa paralisado, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.”

7Pagkatapos ay tumayo ang lalaki at umuwi sa kaniyang bahay.

8Nang makita ito ng napakaraming tao, namangha sila at nagpuri sa Diyos, na siyang nagbigay ng ganoong kapangyarihan sa mga tao.

Marcos

Mar 2:1–12

1Nang makabalik si Jesus sa Capernaum makalipas ang ilang araw, napabalita na nakauwi na siya sa kaniyang tahanan.

2At maraming tao ang nagtipun-tipon doon kaya wala nang puwang, maging sa may pintuan at ipinangaral ni Jesus ang salita sa kanila.

3At may ilang lalaking pumunta sa kaniyang may dalang paralisadong lalaki; apat na tao ang bumuhat sa kaniya.

4Nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa maraming tao, inalis nila ang bubong sa taas kung saan siya naroon. At nang nakagawa sila ng butas doon, ibinaba nila ang higaan kung saan nakahiga ang lalaking paralisado.

5Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lalaking paralisado, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

6Ngunit nangatwiran sa kanilang mga puso ang ilan sa mga eskriba na nakaupo doon,

7“Paano nakapagsasalita ang taong ito ng ganito? Lumapastangan siya! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi ang Diyos lamang?”

8At nalaman agad ni Jesus sa kaniyang espiritu kung ano ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ito iniisip sa inyong mga puso?

9Ano ang mas madaling sabihin sa lalaking paralisado, ''Napatawad na ang iyong mga kasalanan' o ang sabihin 'Bumangon ka, kunin ang iyong higaan at lumakad ka'?

10Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa mundo na magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko,

11“Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, kunin ang iyong higaan, at pumunta ka sa iyong bahay.”

12Bumangon siya at kaagad kinuha ang kaniyang higaan at lumabas siya sa bahay na iyon sa harap ng lahat, kaya't silang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos, at kanilang sinabi, “Kailanman ay hindi pa kami nakakita ng katulad nito.”

Lucas

Luc 5:17–26

17At nangyari nga sa isa sa mga araw na iyon na siya ay nagtuturo, at mayroong mga Pariseo at mga tagapagturo ng kautusan ang nakaupo roon na nagmula pa sa mga iba't-ibang lugar sa mga rehiyon ng Galilea at Judea, at mula rin sa lungsod ng Jerusalem. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kaniya upang magpagaling.

18Ngayon ay may mga lalaking dumating, binubuhat ang isang paralitikong lalaki na nakalagay sa higaan, at sila ay naghanap ng paraan upang maipasok siya at mailagay sa harapan ni Jesus.

19Hindi sila makahanap ng paraan upang siya ay maipasok dahil sa dami ng tao, kaya sila ay umakyat sa bubungan ng bahay at ibinaba nila ang lalaking nasa higaan sa kalagitnaan ng mga tao, sa mismong harapan ni Jesus.

20Pagkakita niya sa kanilang pananampalataya, sinabi ni Jesus, “Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”

21Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ay nagsimulang magtanong tungkol dito, na sinasabi, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos?” Sino ang nagpapatawad ng kasalanan, hindi ba't ang Diyos lamang?”

22Ngunit si Jesus, na nalalaman ang kanilang mga iniisip, sumagot at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito inuusisa sa inyong mga puso?

23Alin ang mas madaling sabihin, 'Napatawad ka na ng iyong mga kasalanan' o ang sabihing 'Tumayo ka at maglakad?.'

24Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan sa mundo upang magpatawad ng mga kasalanan, sinasabi ko sa iyo, 'Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at pumunta ka sa iyong bahay.'”

25Agad siyang tumayo sa kanilang harapan at binuhat ang kaniyang higaan; pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Diyos.

26Ang lahat ay namangha at niluwalhati nila ang Diyos. Sila ay napuno ng takot na sinasabi, “Nakakita tayo ng mga hindi pangkaraniwang bagay sa araw na ito.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY