1Nangyari, nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, umalis siya mula sa Galilea at nakarating sa hangganan ng Judea lampas pa ng Ilog Jordan.
2Napakaraming tao ang sumunod sa kaniya at sila ay pinagaling niya roon.
3Pumunta sa kaniya ang mga Pariseo upang subukin siya na nagsasabi, “Pinahihintulutan ba sa batas na hihiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa sa anumang kadahilanan?”
4Si Jesus ay sumagot at nagsabi, “Hindi ba ninyo nabasa, na ang gumawa sa kanila sa simula pa lamang ay ginawa silang lalaki at babae?
5At sinabi rin niyang, 'Sa ganitong dahilan iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makiisa sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging iisang laman?'
6Kaya nga sila ay hindi na dalawa, kundi iisang laman. Samakatwid ang ano mang pinagsama ng Diyos ay walang sinumang makapaghihiwalay.”
7Sinabi nila sa kaniya, “Bakit noon ay inutusan tayo ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at paalisin na siya?”
8Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong mga asawa, subalit mula sa simula hindi gayon.
9Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang makikipaghiwalay sa kaniyang asawa, maliban sa sekwal na imoralidad, at mag-aasawa ng iba, ay nangangalunya. At ang lalaki na magpapakasal sa hiniwalayan na babae ay nakagawa ng pangangalunya.”
10Sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Kung ganyan ang kalagayan ng lalaki sa kaniyang asawa, mabuti pang hindi na mag-aasawa.”
11Subalit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi lahat ay tatanggap sa aral na ito, kundi sila lamang na pinahihintulutan na tanggapin ito.
12Sapagkat mayroong mga eunuko na ipinanganak sa sinapupunan ng kanilang ina. At may mga eunoko na ginawang eunuko ng mga tao. At may mga eunuko na ginawa nilang mga eunuko ang kanilang sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Siya na kayang tumanggap sa aral na ito, tanggapin niya ito.