Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Pagpapakasakit

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Pagpapakasakit

Sa harap ng punong pari at ng Konseho

Mat 26:57–68 · Mar 14:53–65 · Luc 22:63–71

Mateo

Mat 26:57–68

57Ang mga humuli kay Jesus ang nagdala sa kaniya sa pinakapunong pari na si Caifas, kung saan ang mga eskriba at mga nakatatanda ay nagkatipun-tipon.

58Ngunit sumunod si Pedro sa kaniya na may kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong pari. Pumunta siya sa loob at umupo kasama ng mga tagapagbantay upang makita ang kahihinatnan.

59Ngayon, ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng maling patotoo laban kay Jesus, upang siya'y kanilang mapatay.

60Ngunit wala silang mahanap na kahit ano, bagamat maraming maling mga saksi ang nagsilapit. Ngunit mayamaya may dalawang lumapit

61at sinabi, “Sinabi ng taong ito, 'Kaya kong gibain ang templo ng Diyos at muling maipatayo sa loob ng tatlong araw.”'

62Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi sa kaniya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinapatotoo nila laban sa iyo?

63Ngunit si Jesus ay tahimik lamang. Sinabi ng pinakapunong pari sa kaniya, “Inuutusan kita alang-alang sa Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ba si Cristo, ang Anak ng Diyos.

64Si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Ikaw na mismo ang nagsabi. Ngunit sasabihin ko sa inyo, magmula ngayon ay inyo nang makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa mga ulap ng langit.”

65At pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga damit at nagsabi, “Siya ay nagsalita ng kalapastangan! Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Ngayon inyo nang narinig ang kalapastangan.

66Ano sa tingin ninyo?” Sumagot sila at nagsabi, “Siya'y karapatdapat na mamatay.”

67At dinuraan nila siya sa mukha at pinagsusuntok at pinagsasampal

68at sinabi, “Hulaan mo sa amin, ikaw na Cristo. Sino sa amin ang humampas sa iyo?”

Marcos

Mar 14:53–65

53Dinala nila si Jesus sa mga pinakapunong pari. Nagkatipun-tipon doon kasama niya ang lahat ng mga punong pari, mga nakatatanda, at mga eskriba.

54Ngayon sumunod si Pedro sa kaniya mula sa malayo, hanggang sa patyo ng pinakapunong pari. Naupo siya kasama ng mga bantay na malapit sa apoy na nagpapainit.

55Ngayon ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng magpapatotoo laban kay Jesus upang maipapatay nila siya. Ngunit wala silang mahanap.

56Sapagkat marami ang nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, ngunit maging ang kanilang patotoo ay hindi nagtugma.

57Tumayo ang ilan at nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, sinabi nila,

58“Narinig namin siyang nagsabi, 'Wawasakin ko ang templong ito na gawa ng mga kamay at sa tatlong araw muli akong magtatayo ng isang hindi gawa ng mga kamay.'”

59Gayunpaman, hindi nagtugma maging ang kanilang mga patotoo.

60Tumayo sa kanila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang kasagutan? Ano itong patotoo ng mga tao laban sa iyo?”

61Ngunit tahimik siya at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi, “Ikaw ba ang Cristo, ang anak ng Pinagpala?”

62Sinabi ni Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao kapag nakaupo na siya sa bandang kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa ulap sa langit.”

63Pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi?

64Narinig ninyo ang kalapastanganan na sinabi niya. Ano ang inyong pasya?” At hinatulan siya nilang lahat bilang isang nararapat sa kamatayan.

65At sinimulan siyang duraan ng ilan at tinakpan ang kaniyang mukha, hinampas siya at sinabi sa kaniya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga opisyal at binugbog siya.

Lucas

Luc 22:63–71

63Pagkatapos ay kinutya at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kaniya.

64Pagkatapos siyang piringan, tinanong siya at sinabi, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”

65Nagsalita pa sila ng maraming mga bagay laban kay Jesus, nilalapastangan siya.

66Kinaumagahan, nagtipun-tipon ang mga nakatatanda, ang mga punong pari at mga eskriba. Siya ay dinala nila sa Konseho,

67sinasabi “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kung sabihin ko sa inyo, hindi kayo maniniwala,

68at kung tanungin ko kayo, hindi kayo sasagot.

69Ngunit mula ngayon, ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanang kamay ng kapangyarihan ng Diyos.”

70Sinabi nilang lahat, “Kung gayon ikaw ang Anak ng Diyos?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinabi ninyo na ako nga.”

71Sinabi nila, “Bakit pa natin kailangan ng isang saksi? Sapagkat tayo na mismo ang nakarinig mula sa kaniyang bibig.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY