Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Pagpapakasakit

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Pagpapakasakit

Ang pagdakip

Mat 26:47–56 · Mar 14:43–52 · Luc 22:47–53 · Juan 18:1–11

Mateo

Mat 26:47–56

47Habang siya'y nagsasalita, si Judas na isa sa Labingdalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na mula sa mga punong pari at mga nakatatanda sa mga tao. Dumating sila na may dalang mga espada at mga pamalo.

48Ngayon ang tao na magkanulo kay Jesus ay nagbigay ng hudyat sa kanila na nagsasabi, “Kung sinuman ang aking hahalikan, siya na iyon. Sunggaban siya.”

49Agad-agad lumapit siya kay Jesus at sinabi, “Binabati kita, Rabi” At hinalikan niya siya.

50Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kaibigan, gawin mo kung ano ang ipinunta mo dito.” Pagkatapos, nagsidatingan sila at hinawakan si Jesus, at sinunggaban siya.

51Masdan ito, ang isa sa mga kasama ni Jesus ay inunat ang kaniyang kamay at hinugot ang kaniyang espada at tinapyas ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kaniyang tainga.

52Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ibalik mo ang espada sa kaniyang kaluban, sapagkat ang lahat ng gagamit ng espada ay masasawi sa pamamagitan din ng espada.

53Iniisip ba ninyo na hindi ko kayang tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang pulutong ng mga anghel?

54Ngunit paano matutupad ang mga kasulatan, na dapat mangyari?”

55Sa oras na iyon si Jesus ay nagsabi sa maraming tao, “Pumunta kayo rito na dala-dala ang mga espada at mga pamalo upang hulihin ako katulad ng isang tulisan? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli.

56Ngunit lahat ng ito ay kailangang mangyari upang ang mga sinusulat ng mga propeta ay matupad.” At iniwanan siya ng lahat ng mga alagad at sila’y tumakas.

Marcos

Mar 14:43–52

43Habang nagsasalita si Jesus, kaagad na dumating si Judas, isa sa Labindalawa, at napakaraming tao ang kasama niya na may mga espada at pamalo, mula sila sa mga punong pari, mga eskriba, at mga nakatatanda.

44Ngayon, nagbigay na ng palatandaan ang magkakanulo sa kaniya, na nagsasabi, “Kung sino man ang hahalikan ko, siya iyon. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti sa pagdala ninyo sa kaniya.

45Pagdating ni Judas, kaagad niyang pinuntahan si Jesus at sinabi “Rabi!” At kaniyang hinalikan.

46At siya ay sinunggaban nila at dinakip.

47Ngunit nagbunot ng kaniyang espada ang isa sa kanila na nakatayo sa malapit at tinaga ang tainga ng lingkod ng pinakapunong pari.

48Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ba ay nagsilabasan na laban sa isang magnanakaw, na may mga espada at pamalo upang dakpin ako?”

49Nang araw-araw ninyo akong kasama at nagtuturo sa templo, hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang mga ito upang matupad ang mga kasulatan.

50Iniwanan si Jesus ng lahat ng kasama niya at nagsitakas sila.

51Sumunod sa kaniya ang isang binatang nakasuot lamang ng isang linong kasuotan na nakabalot sa kaniya; hinuli nila siya ngunit

52iniwan niya roon ang linong kasuotan at tinakasan niya sila na nakahubad.

Lucas

Luc 22:47–53

47Habang siya ay nagsasalita, masdan ito, dumating ang maraming tao, kasama si Judas na isa sa Labindalawa na pinangungunahan sila. Lumapit siya kay Jesus upang siya ay halikan,

48ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49Nang makita ng mga nakapalibot kay Jesus ang nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, lulusob na ba kami gamit ang tabak?”

50At isa sa kanila ang lumusob sa lingkod ng pinakapunong pari, at tinaga ang kaniyang kanang tainga.

51Sinabi ni Jesus, “Tigilan na ninyo ito.” At hinawakan ni Jesus ang kaniyang tainga at pinagaling siya.

52Sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga kapitan ng templo, at sa mga nakatatanda na dumating laban sa kaniya. “ Nagpunta kayo na tila laban sa isang magnanakaw, na may dalang mga espada at mga pamalo?

53Nang kasama ko kayo araw-araw sa templo, hindi ninyo ako dinakip. Ngunit ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman.”

Juan

Juan 18:1–11

1Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, lumabas siya kasama ang kaniyang mga alagad sa Lambak ng Cedron, kung saan mayroong isang hardin na kaniyang pinasok, siya at ang kaniyang mga alagad.

2Ngayon si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang lugar, dahil madalas magpunta roon si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad.

3Pagkatapos, si Judas, pagkatanggap sa grupo ng mga sundalo at ang mga opisiyal mula sa mga pinunong mga pari at ng mga Pariseo, dumating roon ng may mga lampara, mga sulo at mga sandata.

4Pagkatapos, si Jesus, na nakaaalam ng lahat ng mga bagay na nangyayari sa kaniya, ay pumunta sa harapan at tinanong sila, “Sino ang inyong hinahanap?”

5Sumagot sila sa kaniya “Si Jesus ng Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako iyon.” Si Judas, na siyang nagkanulo sa kaniya, ay nakatayo rin kasama ng mga sundalo.

6Kaya nang sinabi niya sa kanila, “Ako nga,” umatras sila at bumagsak sa lupa.

7Pagkatapos, muli niya silang tinanong, “Sino ang inyong hinahanap?” Muli nilang sinabi, “Si Jesus ng Nazaret.”

8Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo na ako nga siya; kaya kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga ito.”

9Ito ay upang matupad ang salita na kaniyang sinabi: “Sa lahat ng mga ibinigay mo sa akin, wala ni isang nawala.”

10Pagkatapos, si Simon Pedro na may isang espada, ay hinugot ito at tinaga ang lingkod ng pinunong pari at tinapyas ang kaniyang kanang tenga. Ngayon, ang pangalan ng lingkod ay Malco.

11Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito. Ang tasa na ibinigay ng Ama sa akin, hindi ko ba ito dapat iinumin?”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY