Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Pagpapakasakit

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Pagpapakasakit

Ang paglilibing

Mat 27:57–61 · Mar 15:42–47 · Luc 23:50–56 · Juan 19:38–42

Mateo

Mat 27:57–61

57Nang sumapit ang gabi, may dumating na mayamang tao na taga-Arimatea na nagngangalang Jose, na isa ding alagad ni Jesus.

58Kinausap niya si Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. Pagkatapos nito nag-utos si Pilato na ibigay ito sa kaniya.

59Kinuha ni Jose ang katawan, binalot ito ng malinis na lino,

60at hinimlay niya ito sa kaniyang bagong libingan na kaniyang inuka sa bato. Pagkatapos, pinagulong ang malaking bato at ipinangtakip sa pinto ng libingan at umalis.

61Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon, nakaupo sa tapat ng libingan.

Marcos

Mar 15:42–47

42Nang gumabi na, dahil ito ay araw ng Paghahanda, na ang araw bago ang Araw ng Pamamahinga,

43pumunta si Jose na taga-Arimatea doon. Isa siya sa mga iginagalang na kasapi ng Konseho na naghihintay sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus.

44Namangha si Pilato nang malaman niyang patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturion upang tanungin kung patay na nga si Jesus.

45Nang malaman niya mula sa senturion na patay na nga siya, ibinigay na niya ang katawan ni Jesus kay Jose.

46Bumili si Jose ng linong tela. Ibinaba niya siya mula sa krus, ibinalot siya sa linong tela, at ihinimlay siya sa isang libingan na tinapyas mula sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan.

47Nakita nila Maria Magdalena at ni Maria na ina ni Jose ang lugar kung saan inilibing si Jesus.

Lucas

Luc 23:50–56

50Masdan ninyo, may isang lalaking nagngangalang Jose, na kabilang sa Konseho, isang mabuti at matuwid na tao

51(hindi siya sumang-ayon sa kanilang pasya at sa kanilang ginawa), mula sa Arimatea, isang Judiong lungsod, na siyang naghihintay sa kaharian ng Diyos.

52Ang taong ito ay lumapit kay Pilato, hiningi ang katawan ni Jesus.

53Ibinababa niya ito, at binalot ito ng pinong lino, at inilagay siya sa isang libingang inukit sa bato, na hindi pa napaglilibingan.

54Noon ay ang Araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang Araw ng Pamamahinga.

55Ang mga babaing kasama niyang lumabas sa Galilea ay sumunod, at nakita ang libingan at kung paano inilagay ang kaniyang katawan.

56Sila ay umuwi, at naghanda ng mga pabango at mga pamahid. At sa araw ng Pamamahinga, sila ay nagpahinga ayon sa kautusan.

Juan

Juan 19:38–42

38Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga Arimatea, dahil siya ay isa sa mga alagad ni Jesus, ngunit sa takot sa mga Judio ay palihim na hiniling kay Pilato kung maaari niyang kunin ang katawan ni Jesus. Binigyan siya ni Pilato ng pahintulot. Kaya pumunta si Jose at kinuha ang kaniyang katawan.

39Pumunta rin si Nicodemo, na siyang unang pumunta kay Jesus ng gabi. Nagdala siya ng pinaghalong mira at sabila, mga isang daang litras ang bigat.

40Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng telang lino na may kasamang mga pabango, ayun sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing ng mga katawan.

41Ngayon, sa lugar kung saan siya napako ay may isang hardin; at sa hardin na iyon ay may isang bagong libingan na kung saan ay wala pang tao na naililibing.

42Dahil ito ay araw ng paghahanda para sa mga Judio at dahil sa malapit lang ang libingan, inilagay nila si Jesus doon.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY