Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Muling Pagkabuhay

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Muling Pagkabuhay

Ang walang lamang libingan

Mat 28:1–10 · Mar 16:1–8 · Luc 24:1–12 · Juan 20:1–10

Mateo

Mat 28:1–10

1Nang matapos na ang araw ng Pamamahinga at magsimulang magbukang liwayway sa unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumunta upang tingnan ang libingan.

2Masdan ito, may malakas na lindol, dahil bumaba mula langit ang anghel ng Panginoon, dumating at ginulong ang bato at naupo sa ibabaw nito.

3Ang kaniyang anyo ay katulad ng kidlat at ang kaniyang kasuotan ay kasing puti ng niyebe.

4At nayanig ng takot ang mga tagapagbantay at naging tulad ng patay na mga tao.

5Kinausap ng anghel ang mga babae at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, dahil alam kong hinanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.

6Wala na siya dito, ngunit bumangon na katulad ng kaniyang sinabi. Halikayo tingnan ang lugar na hinimlayan ng Panginoon.

7Pumunta kayo kaagad at sabihin sa kaniyang mga alagad, 'Siya ay bumangon na mula sa mga patay. Makinig kayo, siya ay mauuna sa inyo sa Galilea. At doon makikita ninyo siya.' Makinig kayo, nasabi ko na sa inyo.”

8At kaagad na umalis ang mga babae sa libingan na may takot at malaking tuwa at nagsitakbo upang sabihin sa mga alagad.

9Masdan ito, sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Binabati ko kayo.” At lumapit ang mga babae, hinawakan ang kaniyang mga paa at sinamba siya.

10Pagkatapos nito sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Pumunta kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sa Galilea. Doon makikita nila ako.”

Marcos

Mar 16:1–8

1Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng pabango upang makapunta sila at mapahiran ang katawan ni Jesus para sa paglilibing.

2Maagang-maaga sa unang araw ng linggo, nang sumikat ang araw pumunta sila sa libingan.

3Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang magpapagulong ng bato ng pasukan ng libingan para sa atin?”

4Nang tumingin sila sa itaas, nakita nila na mayroon ng nagpagulong ng bato na napakalaki.

5Pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakasuot ng puting balabal, nakaupo sa gawing kanan at namangha sila.

6Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Bumangon na siya! Wala siya rito. Tingnan ninyo kung saan siya inilagay.

7Ngunit humayo kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siyang pupunta sa inyo sa Galilea. Doon makikita ninyo siya, gaya ng sinabi niya sa inyo.”

8Lumabas sila at tumakbo mula sa libingan; natakot sila at namangha. Wala silang sinabi sa sinuman dahil matindi ang kanilang takot.

Lucas

Luc 24:1–12

1Maagang-maaga sa unang araw ng linggo, pumunta sila sa libingan, dala-dala ang pabangong ihinanda nila.

2Natagpuan nilang naigulong ang bato palayo sa libingan.

3Pumasok sila sa loob, ngunit hindi nila natagpuan ang katawan ng Panginoon Jesus.

4At nangyari na, habang sila ay nalilito tungkol dito, biglang may dalawang lalaking tumayo sa tabi nila na nakakasilaw ang damit.

5Ang mga babae ay napuno ng takot at yumuko sa lupa, sinabi nila nila sa mga babae, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa mga patay?

6Wala siya dito, ngunit siya ay muling nabuhay! Alalahanin niyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya,

7sinabi niya na ang Anak ng Tao ay kailangang ipasakamay sa mga makasalanang tao at ipapako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”

8Naalala ng mga babae ang mga sinabi niya,

9at bumalik sila galing ng libingan at sinabi ang lahat ng nangyari sa labing isang alagad at lahat ng iba pa.

10Ngayon, sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila ang nagbalita ng mga nangyari sa mga apostol.

11Ngunit ang balitang ito ay tila walang kabuluhan sa mga apostol, at hindi nila pinaniwalaan ang mga babae.

12Gayon pa man, tumayo si Pedro, at tumakbo papunta sa libingan, at yumuko siya at tumingin sa loob, nakita niya na ang mga telang lino na lamang ang naroon. Kaya umuwi si Pedro sa kaniyang tahanan, na nagtataka kung ano ang nangyari.

Juan

Juan 20:1–10

1Ngayon madaling araw ng unang araw ng linggo habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan; nakita niya na naigulong ang bato malayo sa libingan.

2Kaya siya ay tumakbo at nagpunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na minamahal ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila ang katawan ng Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.”

3Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad at nagpunta sila sa libingan.

4Kapwa silang tumakbong magkasama, naunahan sa pagtakbo ng isa pang alagad si Pedro at naunang dumating sa libingan.

5Yumuko siya at tumingin sa loob; nakita niya ang telang lino na nakalatag doon, ngunit hindi pa siya pumasok sa loob.

6Pagkatapos ay dumating si Simon Pedro kasunod niya at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang lino na nakalatag doon

7at ang tela na dati ay nasa kaniyang ulo. Hindi ito kasamang nakalatag sa mga damit na lino ngunit ito ay nakabalumbon sa lugar kung saan ito nakalagay.

8At ang isa pang alagad ay pumasok rin, na unang dumating sa libingan; nakita niya at siya ay naniwala.

9Dahil hanggang sa mga oras na iyon hindi pa rin nila alam ang kasulatan na si Jesus ay dapat mabuhay na muli mula sa kamatayan.

10Kaya ang mga alagad ay umalis muli at umuwi sa kanilang mga tahanan.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY