Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Pebrero 2027 › Pebrero 28
Kalendaryong Orthodox · Pebrero 15 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Pebrero 28, 2027
Linggo · Tono 6
Mga kapistahan at mga santo
Linggo ng Alibughang Anak
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ikaanim na Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga
36Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus mismo sa kalagitnaan nila, at sinabi niya sa kanila, “Kapayapaan ay sumainyo.” 37Ngunit sila ay nasindak at napuno ng takot, at inakala nila na espiritu ang kanilang nakita. 38Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo naguguluhan? Bakit may mga katanungan sa inyong puso? 39Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, na ako talaga ito. Hawakan ninyo ako at tingnan ninyo. Sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” 40Pagkatapos niyang sabihin ito, pinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at paa. 41Habang sila ay hindi pa rin makapaniwala dahil sa galak, at namangha, sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon ba kayong anumang makakain?” 42Siya ay binigyan nila ng inihaw na isda. 43Kinuha ito ni Jesus at kinain niya ito sa harapan nila. 44Sinabi niya sa kanila, “Nang kasama ko kayo, sinabi ko sa inyo na lahat ng nakasulat sa kautusan ni Moises at ng mga propeta at sa Aklat ng Mga Awit ay kailangan matupad.” 45At binuksan niya ang kanilang mga isipan upang maunawaan nila ang Kasulatan. 46Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48Kayo ay mga saksi ng lahat ng ito. 49Tingnan ninyo, ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Ngunit mag-hintay kayo sa lungsod, hanggang kayo ay mapagkalooban ng kapangyarihang mula sa taas.” 50At inilabas sila ni Jesus hanggang malapit na sila sa Bethania. Itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at binasbasan sila. 51Nangyari na, habang sila ay binabasbasan niya, sila ay iniwan niya at siya ay dinala paakyat sa langit. 52Kaya siya ay sinamba nila, at bumalik sila sa Jerusalem nang may labis na kagalakan. 53Namalagi sila sa Templo, na nagpupuri sa Diyos.
Sulat
12“Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang para sa akin. “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas,” ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito. 13“Para sa tiyan ang pagkain, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit kapwa wawasakin ng Diyos ang mga ito. Hindi ginawa ang katawan para sa gawaing mahahalay. Sa halip, ang katawan ay para sa Diyos, at ang Panginoon ang magkakaloob para sa katawan. 14Binuhay ng Diyos ang Panginoon at siya din ang bubuhay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 15Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Maaari ko bang kunin ang mga bahagi ni Cristo at isama sa mga nagbebenta ng aliw? Hindi ito maaari! 16Hindi ba ninyo alam na ang sinumang nakipag-isa sa mga nagbebenta ng aliw ay magiging isang laman kasama siya? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17Ngunit ang sinumang nakipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kaniya sa espiritu. 18Lumayo sa sekswal na imoralidad! “Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan,” ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
Ebanghelyo
11Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “May isang lalaking may dalawang lalaking anak, 12at sinabi ng nakababata sa kanila sa kaniyang ama, 'Ama, ibigay mo na sa akin ngayon ang ari-arian na nararapat na manahin ko.' Kaya hinati niya ang kaniyang kayamanan sa pagitan nila. 13Pagkaraan ng ilang mga araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kaniyang pag-aari at pumunta sa isang malayong bansa, at doon ay winaldas niya ang kaniyang pera sa pagbili ng mga bagay na hindi niya kailangan, at pag-aaksaya ng kaniyang pera sa masamang pamumuhay. 14Ngayon, nang naubos na niya ang lahat, matinding taggutom ang lumaganap sa buong bansang iyon, at siya ay nagsimulang mangailangan. 15Siya ay pumunta at namasukan sa isa sa mga mamamayan ng bansang iyon, na nagpapunta sa kaniya sa kaniyang bukirin upang magpakain ng mga baboy. 16At nais na sana niyang kainin ang mga balat ng buto na kinakain ng mga baboy dahil walang nagbigay sa kaniya ng anumang makakain. 17Ngunit nang nakapag-isip-isip ang nakababatang anak, sinabi niya, 'Napakaraming mga upahang utusan ng aking ama ang may higit pa sa sapat na pagkain, at ako ay nandito, namamatay sa gutom! 18Aalis ako rito at pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kaniya, “Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin. 19Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo; gawin mo akong isa sa iyong mga upahang utusan.'” 20Kaya umalis ang nakababatang anak at pumunta sa kaniyang ama. Habang siya ay malayo pa, nakita siya ng kaniyang ama, at siya ay nahabag, at tumakbo, at niyakap at hinagkan siya. 21Sinabi ng anak sa kaniya, “Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi ako karapat-dapat na tawaging anak mo.” 22Sinabi ng ama sa kaniyang mga utusan, 'Kunin ninyo kaagad ang pinakamagandang balabal, at isuot sa kaniya, at lagyan ng sing-sing ang kaniyang kamay, at sandalyas ang kaniyang mga paa. 23Pagkatapos, dalhin ninyo dito ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay magsikain at magdiwang. 24Sapagkat ang anak ko ay namatay, at ngayon siya ay nabuhay. Siya ay nawala, at ngayon siya ay natagpuan.' At sila ay nagsimulang magdiwang. 25Sa panahong iyon, ang kaniyang nakatatandang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumating at palapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang mga bagay na ito. 27Sinabi ng utusan sa kaniya, 'Dumating ang iyong kapatid at nagpakatay ang iyong ama ng pinatabang guya, dahil nakabalik siya nang ligtas.' 28Nagalit ang nakatatandang anak, at ayaw niyang pumasok, at lumabas ang kaniyang ama, at pinakiusapan siya. 29Ngunit sumagot ang nakatatandang anak at sinabi sa kaniyang ama, 'Tingnan mo, nagpa-alipin ako sa iyo sa loob ng maraming taon, at kailanman ay hindi ako sumuway sa iyong utos, ngunit kailanman ay hindi mo ako binigyan ng isang batang kambing upang magdiwang ako kasama ng aking mga kaibigan, 30ngunit nang dumating ang iyong anak, na umubos ng iyong kabuhayan sa mga babaing nagbebenta ng aliw, nagpakatay ka ng pinatabang guya para sa kaniya.' 31Sinabi ng ama sa kaniya, 'Anak, lagi kitang kasama, at lahat ng sa akin ay sa iyo. 32Ngunit dapat lang na tayo ay magdiwang at maging masaya, sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay, at ngayon ay nabuhay; siya ay nawala, at ngayon ay natagpuan.'”
Mga santo ng araw
- Apostol Onesimo mula sa Pitumpu (c. 109)
- Mga Paring Martir Miguel at Juan, mga pari (1930)
- Mga Paring Martir Nicolas, Alexis at Alexis, mga pari, Simeon na diyakono, Kagalang-galang na Martir Pedro at Kagalang-galang na Martir Sofia (1938)
- Kagalang-galang na Pafnucio at ang kaniyang anak na babaeng si Eufrosina (ika-5 siglo)
- Kagalang-galang na Eusebio, ermitanyo ng Siria (ika-5 siglo)
- Kagalang-galang na Pafnucio, ermitanyong nakakulong ng mga Kuweba ng Kyiv (ika-13 siglo)
- Mga Ikon ng Ina ng Diyos ng Vilnius (inilipat sa Vilnius noong 1495) at ng Dalmatovo (1646)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Pebrero 15 sa kalendaryo ng simbahan ay Pebrero 28 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan