Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Pebrero 2027 › Pebrero 7
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Pebrero 7, 2027
Linggo · Ikalimang linggo sa Karaniwang Panahon
Mga kapistahan at mga santo
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Linggo · Kulay ng liturhiya: berde
Mga pagbasa sa araw na ito
Unang Pagbasa
1Hindi ba't may mabigat na gawain ang bawat isang tao sa ibabaw ng lupa? 2Hindi ba na ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang taong upahan? 3Katulad ng isang alipin na maalab na ninanais ang mga anino ng gabi, katulad ng isang taong upahan na naghihintay sa kaniyang mga sahod- kaya nagtiis ako sa mga buwan ng kahirapan; nagkakaroon ako ng mga gabing punong-puno ng kaguluhan. 4Kapag ako ay humihiga, sinasabi ko sa aking sarili, “Kailan ako babangon at kailan lilipas ang gabi? Punong-puno ako ng kabalisahan hanggang sa magbukang-liwayway. 6Ang aking mga araw ay mas mabilis kaysa sa panghabi; lilipas sila nang walang pag-asa. 7Alalahanin mo O Diyos na ang aking buhay ay isa lamang hininga; ang aking mata ay hindi na makakakita pa ng kabutihan.
Salmong Tugunan
1Purihin si Yahweh! Mabuting umawit sa ating Diyos. Kasiya-siya at nararapat lang na gawin ito. 2Nawasak ang Jerusalem, pero tinutulungan tayo ni Yahweh na itayo ulit ito. 3Ibinabalik niya ang mga taong dinala sa ibang bayan. Pinalalakas niya ulit ang mga pinanghihinaan ng loob at pinagagaling ang kanilang mga sugat. 4Siya ang lumikha ng mga bituin. 5Dakila at makapangyarihan si Yahweh, at walang kapantay ang kaniyang karunungan. 6Itinataas ni Yahweh ang mga inaapi, at ibinababa niya ang mga masasama.
Ikalawang Pagbasa
16Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, wala akong dahilan para magmayabang dahil dapat ko itong gawin. At kaawa-awa ako kung hindi ko ipangangaral ang ebanghelyo! 17Sapagkat kung gagawin ko ito ng maluwag sa kalooban, may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, may responsibilidad pa rin ako sa ipinagkatiwala sa akin. 18At ano ang aking gantimpala? Na kung ako ay nangangaral, maiaalok ko ang ebanghelyo nang walang bayad at hindi ko lubos na gagamitin ang aking karapatan sa ebanghelyo. 19Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami. 22Sa mga mahihina ako ay naging mahina, upang aking mahikayat ang mga mahihina. Naging kagaya ako ng lahat ng mga bagay upang sa lahat ng paraan ay maligtas ko ang ilan. 23Ginawa ko ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng ebanghelyo, upang makalahok ako sa lahat ng pagpapala nito.
Ebanghelyo
29At kaagad, nang lumabas sila sa sinagoga, pumunta sila sa tahanan ni Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan. 30Ngayon ang babaing biyenan ni Simon ay nakahigang nilalagnat, at agad nilang sinabi kay Jesus ang tungkol sa kaniya. 31Kaya lumapit siya, hinawakan siya sa kamay at itinayo siya; nawala ang kaniyang lagnat at nagsimula siyang paglingkuran sila. 32Nang gabing iyon, pagkatapos lumubog ng araw, dinala nila sa kaniya ang lahat ng may sakit at ang mga sinapian ng mga demonyo. 33Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pinto. 34Marami ang pinagaling niya na mayroong iba't ibang sakit at nagpalayas siya ng mga demonyo, ngunit hindi niya pinahintulutan ang mga demonyong magsalita dahil kilala siya ng mga ito. 35Bumangon siya ng napaka-aga, habang madilim pa; umalis siya at pumunta sa isang lugar kung saan siya maaaring mapag-isa at nanalangin siya doon. 36Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama niyang naroon. 37Natagpuan nila siya at sinabi sa kaniya, “Naghahanap ang lahat sa iyo.” 38Sinabi niya, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa mga nakapaligid na mga bayan upang makapangaral din ako doon. Iyon ang dahilan kaya ako naparito.” 39Pumunta siya sa lahat ng dako ng Galilea, nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan