Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Jerusalem

Ang talinghaga ng masasamang magsasaka

Mat 21:33–46 · Mar 12:1–12 · Luc 20:9–19

Mateo

Mat 21:33–46

33Pakinggan ang isa pang talinghaga. May isang tao na nagmamay-ari ng napakalawak na lupain. Nagtanim ng mga ubas at binakuran niya ito, at naghukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng tore ng bantay, at pinaupahan ito sa mga tagapag-alaga ng ubasan. At siya ay nagtungo sa ibang bayan.

34Nang ang panahon ng pag-aani ng ubasan ay papalapit na, nagpadala siya ng ilan sa kaniyang mga utusan sa mga tagapag-alaga ng ubasan upang kunin ang kaniyang mga ubas.

35Subalit sinunggaban ng mga tagapag-alaga ng ubasan ang kaniyang mga utusan, pinalo ang isa, pinatay ang iba, at binato rin ang iba.

36Minsan pa, ang may ari ay nagpadala ng iba pang mga utusan, mas marami pa sa nauna, subalit ganoon din ang ginawa sa kanila ng mga tagapag-alaga ng ubasan.

37Pagkatapos noon, pinadala ng may-ari ang kaniyang sariling anak sa kanila, na nagsabi, ''Igagalang nila ang aking anak.'

38At nang makita ng mga tagapag-alaga ng ubas ang anak, sinabi nila sa kanilang mga sarili, “Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at angkinin natin ang mana.'

39Kaya kinuha nila siya at itinapon palabas ng ubasan, at pinatay siya.

40Ngayon, kung darating ang may ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga tagapag-alaga ng ubasan?”

41Sinabi nila sa kaniya, “Pupuksain niya sila na tampalasan na mga tao sa mabagsik na pamamaraan at ang ubasan ay pauupahan sa ibang tagapagpangalaga ng ubasan, sa mga taong magbabayad kapag ang ubas ay mahinog na.”

42At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa sa mga kasulatan, 'Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ay naging batong panulukan. Ito ay galing sa Panginoon, at ito ay kamanghamangha sa ating mga mata.'

43Kaya sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin niya sa inyo at ibibigay sa ibang bansa na mag-aalaga sa mga bunga nito.

44Ang sinumang babagsak sa batong ito ay mababasag ng pirapiraso. At kung kanino man ito babagsak, madudurog siya.”

45Nang napakinggan ng mga punong pari at mga Pariseo ang kaniyang mga talinghaga, nakita nila na ang kaniyang sinasabi ay patungkol sa kanila.

46Subalit sa tuwing naisin nilang dakpin siya, natatakot sila sa mga tao sapagkat tinuturing siya ng mga tao na isang propeta.

Marcos

Mar 12:1–12

1Pagkatapos nagsimulang magturo sa kanila si Jesus ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang tao na gumawa ng ubasan, binakuran ang paligid nito, at gumawa ng hukay para sa pisaan ng ubas. Nagtayo siya ng toreng bantayan at pagkatapos ay pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala ng ubas. Pagkatapos ay naglakbay siya.

2Sa tamang panahon, ipinadala niya ang kaniyang lingkod sa mga tagapag-alaga ng ubas upang tanggapin mula sa kanila ang ilan sa mga bunga ng ubasan.

3Ngunit kinuha nila siya, binugbog at pinalayas na walang dalang anuman.

4Muli siyang nagpadala sa kanila ng iba pang lingkod, sinugatan nila ito sa ulo at ipinahiya.

5Nagpadala siya ng isa pa, at pinatay rin nila ito. Ganito din ang pakikitungo nila sa mga iba pa, binugbog ang ilan at pinapatay ang iba.

6Mayroon pa siyang isang taong maipapadala, ang pinakamamahal niyang anak. Siya ang pinakahuling taong ipinadala niya sa kanila. Sinabi niya, “Igagalang nila ang aking anak.”

7Ngunit sinabi ng mga katiwala sa isa't isa, “Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at mapapasaatin ang kaniyang mana.”

8Dinakip nila siya, pinatay at ipinatapon sa labas ng ubasan.

9Kaya, ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at papatayin ang mga katiwala ng ubas at ibibigay ang ubasan sa iba.

10Hindi ba ninyo nababasa ang kasulatang ito? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo, ang naging batong-panulukan.

11Mula ito sa Panginoon at kamangha-mangha ito sa ating mga mata.”'

12Nais nilang hulihin si Jesus ngunit natakot sila sa maraming tao, sapagkat alam nilang sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Kaya iniwan nila siya at umalis.

Lucas

Luc 20:9–19

9Sinabi niya sa mga tao ang talinghagang ito, “May isang taong nagtanim ng ubasan, pinaupa niya ito sa mga magtatanim ng ubas, at pumunta sa ibang bansa sa mahabang panahon.

10Nang dumating ang takdang panahon, pinapunta niya ang kaniyang utusan sa mga magtatanim ng ubas, upang siya ay bigyan nila ng bunga ng ubasan. Ngunit binugbog siya ng mga magtatanim ng ubas, at pinaalis siyang nang walang dala.

11Pagkatapos, pinapunta niya ang isa pang utusan, at siya ay binugbog din nila, at kahiya-hiya ang ginawa sa kaniya, at pinaalis siya nang walang dala.

12At pinapunta pa rin niya ang ikatlo at sinugatan din nila, at itinapon siya palabas.

13Kaya sinabi ng may-ari ng ubasan, 'Ano ang gagawin ko? Papupuntahin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Baka sakaling igalang nila siya.'

14Ngunit nang makita siya ng mga magtatanim ng ubas, nag-usap-usap sila, sinasabing, 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapunta sa atin ang kaniyang mana.'

15Pinalayas nila siya sa ubasan, at pinatay. Ano nga kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan sa kanila?

16Siya ay darating at pupuksain ang mga magtatanim ng ubas at ipamimigay sa iba ang ubasan.” Nang marinig nila ito, sabi nila, “Huwag sanang pahintulutan ng Diyos ito!”

17Ngunit tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Ano ang kahulugan ng kasulatang ito? 'Ang bato na tinanggihan ng mga gumagawa ng gusali, ay ginawang batong panuluk'?

18Ang bawat isa na babagsak sa batong iyon ay magkakadurog-durog. Ngunit kung sinuman ang mabagsakan ng batong ito ay madudurog.”

19Kaya pinagsikapan na hulihin ng mga eskriba at mga punong pari si Jesus sa oras ding iyon, dahil alam nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Ngunit natakot sila sa mga tao.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY