Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Jerusalem

Sa anong kapangyarihan?

Mat 21:23–27 · Mar 11:27–33 · Luc 20:1–8

Mateo

Mat 21:23–27

23Nang dumating si Jesus sa templo, pumunta sa kaniya ang mga punong pari at mga nakatatanda sa mga tao habang siya ay nagtuturo at sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan ginawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan na ito?”

24Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Ako rin ay magtatanong sa inyo ng isang tanong. Kung sasagutin ninyo ako, sasagutin ko rin kayo kung sa anong kapangyarihan ginawa ko ang mga bagay na ito.

25Ang bautismo ni Juan—saan ba ito galing, galing ba sa langit o sa mga tao?” Pinag-usapan nila ito sa kanilang mga sarili, na nagsasabi, “Kung sasabihin natin na, 'Nagmula sa langit,' sasabihin niya sa atin, 'Bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?'

26Kung sasabihin natin na, 'Galing sa tao,' natatakot tayo sa mga tao, sapagkat kinikilala nila si Juan bilang isang propeta.”

27Sumagot sila kay Jesus at nagsabi, “Hindi namin alam.” Sinabi rin niya sa kanila, 'Kung gayon hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ginawa ko ang mga bagay na ito.

Marcos

Mar 11:27–33

27Nakarating silang muli ng Jerusalem, habang si Jesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong pari, mga eskriba, at ng mga nakatatanda.

28Sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ang mga ito?”

29Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo ng isang katanungan. Sabihin ninyo sa akin at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

30Ang pagbabautismo ni Juan, nanggaling ba iyon sa langit o sa tao? Sagutin ninyo ako.”

31At sila ay nag-usap-usap at nagtalu-talo at sinabi, “Kung sasabihin nating, 'Sa langit,' sasabihin niyang, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?'

32Ngunit kung sasabihin nating, 'Mula sa tao,'...” Natakot sila sa mga tao, dahil pinanghahawakan nilang lahat na si Juan ay isang propeta.

33Pagkatapos ay sinagot nila si Jesus at sinabi, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.”

Lucas

Luc 20:1–8

1At nangyari sa isang araw, habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao sa templo at ipinapangaral ang ebanghelyo, nilapitan siya ng mga punong pari at mga eskriba kasama ang mga nakatatanda.

2Nagsalita sila, at sinasabi sa kaniya, “Sabihin mo sa amin kung sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang ito?”

3Sumagot siya at sinabi sa kanila, “May itatanong din ako sa inyo. Sabihin niyo sa akin ang tungkol

4sa pagbautismo ni Juan. Mula ba ito sa langit o mula sa tao?”

5Nagusap-usap sila at sinabi, “Kapag sasabihin natin, 'Mula sa langit,' sasabihin niya, 'Kung ganoon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?'

6Pero kung sasabihin natin, 'Mula sa tao,' babatuhin tayo ng lahat ng mga tao, dahil nahikayat sila na si Juan ay isang propeta.”

7Kaya sumagot sila na hindi nila alam kung saan ito nagmula.

8Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ko din sasabihin sa inyo kung saan galing ang aking kapangyarihan na gumawa ng mga bagay na ito.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY