Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Jerusalem

Ang pagdating ng Anak ng Tao

Mat 24:29–31 · Mar 13:24–27 · Luc 21:25–28

Mateo

Mat 24:29–31

29Ngunit agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim, hindi na magliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig.

30Pagkatapos nito, ang palatandaan ng Anak ng Tao ay lilitaw sa himpapawid, at kakabugin ng lahat ng mga tribu ang kanilang mga dibdib. Makikita nila ang Anak ng Tao na darating mula sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

31Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang lahat ng kaniyang hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabilang dulo.

Marcos

Mar 13:24–27

24Ngunit pagkatapos ng matinding kahirapan sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim at ang buwan ay hindi na magliliwanag,

25ang mga bituwin ay mahuhulog mula sa langit at ang kapangyarihan na nasa kalangitan ay mayayanig.

26Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap taglay ang dakila nitong kapangyarihan at kaluwalhatian.

27Pagkatapos ipapadala niya ang kaniyang mga anghel upang tipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.

Lucas

Luc 21:25–28

25Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. At sa lupa, magkakaroon ng kapighatian sa mga bansa, na walang pag-asa dahil sa dagundong ng dagat at sa mga alon.

26Manlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at dahil sa inaasahang darating sa mundo. Sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan ng kalangitan.

27At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28Ngunit kapag magsisimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumindig kayo, at tumingala, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY