Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Ang Pagpapakasakit

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Ang Pagpapakasakit

Inihanda ang Paskuwa

Mat 26:17–19 · Mar 14:12–16 · Luc 22:7–13

Mateo

Mat 26:17–19

17Ngayon sa unang araw ng tinapay na walang pampaalsa, nagsilapit ang mga alagad kay Jesus at nagsabi, “Saan mo nais na tayo ay maghanda upang iyong kainin ang pagkain ng Paskwa?”

18Sinabi niya, “Pumunta kayo sa lungsod sa isang tao roon at sabihin ninyo sa kaniya, 'Sinabi ng Guro, “Ang panahon ko ay malapit na. Gaganapin ko ang Paskwa sa inyong bahay kasama ng aking mga alagad."”'

19Ginawa ng mga alagad kung ano ang ipinag-utos ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang pagkain ng Paskwa.

Marcos

Mar 14:12–16

12Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang naghandog sila ng batang tupa alang-alang sa Paskua, sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, “Saan mo kami nais pumunta upang maghanda ng hapunan alang-alang sa Paskua?”

13Ipinadala niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa lungsod, at isang lalaki na may dalang tubig na nakalagay sa pitsel ang sasalubong sa inyo. Sundan ninyo siya.

14Sundan ninyo siya kung saang bahay siya papasok at sabihin sa may-ari ng bahay na iyon, 'Ipinapatanong ng Guro, “Nasaan ang aking silid na aking kakainan sa Paskua kasama ang aking mga alagad?”'

15“Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na kumpleto ang kagamitan na nakahanda na. Gawin ninyo ang mga paghahanda para sa atin doon.”

16Umalis ang mga alagad at pumunta sa lungsod, natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila at inihanda nila ang hapunan alang-alang sa Paskua.

Lucas

Luc 22:7–13

7Dumating ang araw ng tinapay na walang pampaalsa, na kung saan kailangang ialay ang kordero ng Paskwa.

8Isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, at sinabi, “Pumunta kayo at maghanda ng hapunang Pampaskua upang ito ay ating kainin.”

9Tinanong nila sa kaniya, “Saan mo kami gustong gumawa ng mga paghahanda?”

10Sinagot niya sila, “Makinig kayo, kapag nakapasok na kayo sa lungsod, may isang lalaking sasalubong sa inyo na may isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay kung saan siya papasok.

11Pagkatapos, sabihin ninyo sa panginoon ng bahay 'Ipinapatanong ng Guro sa iyo, “Nasaan ang silid pampanauhin, kung saan kami kakain ng aking mga alagad sa araw ng Paskwa?'”

12Ipapakita niya sa inyo ang malaki at maayos na silid sa itaas. Doon ninyo gawin ang mga paghahanda.

13Kaya pumunta sila, at nakita ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang hapunang Pampaskwa.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY