1Lumapit ang mga Pariseo at Saduseo at sinubok si Jesus sa pamamagitan ng paghingi sa kaniya na ipakita sa kanila ang isang palatandaan mula sa langit.
2Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “Pagsapit ng gabi, sasabihin ninyo. 'Magiging maganda ang panahon, sapagkat pula ang kalangitan.'
3At sasabihin ninyo sa umaga, 'Hindi magiging maganda ang panahon ngayon, sapagkat ang langit ay pula at maulap.' Alam ninyo kung paano bigyan ng kahulugan ang anyo ng langit, ngunit hindi ninyo kayang bigyang kahulugan ang mga palatandaan ng mga panahon.
4Maghahanap ng palatandaan ang mga masama at mapang-apid na salinlahi, ngunit walang maibibigay na palatandaan sa kanila maliban sa palatandaan ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus at umalis.
5Nagpunta ang mga alagad sa kabilang bahagi, ngunit nakalimutang magdala ng tinapay.
6Sinabi ni Jesus sa kanila, “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7Nagdahilan ang mga alagad sa kanilang mga sarili at sinabi, “Ito ay dahil wala tayong nadalang tinapay.”
8Batid ito ni Jesus at sinabi, “Kayong maliit ang pananampalataya, bakit kayo nagdadahilan sa inyong mga sarili at sinasabi na ito ay dahil wala kayong nadalang tinapay?
9Hindi pa rin ba ninyo napapansin o naaalala ang limang tinapay para sa limang-libo, at ilang mga basket na tinapay ang naipon ninyo?
10O ang pitong basket na tinapay na para sa apat na libo at ilang mga basket ang inyong naipon?
11Paanong hindi ninyo naintindihan na hindi ako nagsasalita sa inyo tungkol sa tinapay? “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at Saduseo.”
12Pagkatapos naintindihan nila na sila ay hindi pinag-iingat sa lebadura sa tinapay, kundi upang mag-ingat sa itinuturo ng mga Pariseo at mga Saduseo.