22Pagkatapos ay may isang tao na bulag at pipi na sinapian ng demonyo ang dinala kay Jesus. Pinagaling niya ito at ang lalaki ay nakapagsalita at nakakita.
23Ang lahat ng napakaraming tao ay namangha, at sinabi, “ Anak kaya ni David ang lalaking ito?”
24Ngunit nang marinig ng mga Pariseo ang mga himalang ito, kanilang sinabi, “Ang taong ito ay hindi nakapagpapalayas ng mga demonyo maliban sa pamamagitan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. “
25Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kaniyang sarili ay magiging mapanglaw, at bawat lungsod o bahay na nahahati laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.
26Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kaniyang sarili. Paano mananatili ang kaniyang kaharian?
27At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa kanino pinalalayas ng inyong mga tagasunod ang mga demonyo? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom.
28Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, samakatuwid, ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo.
29Paano malolooban ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao at nanakawin ang kaniyang mga pag-aari na hindi muna igagapos ang malakas na tao? Saka pa niya nanakawin ang kaniyang mga pag-aari sa kaniyang bahay.
30Ang sinuman na hindi kasapi ko ay laban sa akin, at sino man ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.