Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Agosto 2027 › Agosto 19

Kalendaryong Orthodox · Agosto 6 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Agosto 19, 2027

Huwebes · Ikasiyam na linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 7

Mga kapistahan at mga santo

Pagbabagong-anyo ng ating Panginoon, Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo

Pag-aayuno ng Pagkakatulog ng Theotokos

Pinapayagan ang isda

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Exo 24:12–18

12Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka papunta sa akin sa bundok at manatili ka doon. Ibibigay ko sa iyo ang mga tipak ng bato at ang batas at mga utos na aking sinulat, para ituro mo sa kanila.” 13Kaya lumakad si Moises kasama ang kaniyang utusan na si Josue at inakyat ang bundok ng Diyos. 14Sinabi ni Moises sa mga nakatatanda, “Manatili kayo dito at hintayin ninyo kami hanggang makabalik kami sa inyo. Sina Aaron at Hur ay kasama ninyo. Kung sinuman ang mayroong pagtatalo, hayaan mo siyang pumunta sa kanila.” 15Kaya umakyat si Moises papunta sa bundok, at tinakpan ito ng ulap. 16Nanahan ang kaluwalhatian ni Yahweh sa Bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap sa loob ng anim na araw. Sa ikapitong araw tinawag niya si Moises mula sa loob ng ulap. 17Ang anyo ng kaluwalhatian ni Yahweh ay katulad ng isang apoy na tumutupok sa ibabaw ng bundok sa mga mata ng mga Israelita. 18Pumasok si Moises sa ulap at umakyat sa bundok. Naroon siya sa ibabaw ng bundok nang apatnapung araw at apatnapung gabi.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Exo 33:11–23; 34:4–6, 8

11Kinakausap ni Yahweh si Moises ng harap-harapan, tulad ng isang lalaking nakikipag-usap sa kaniyang kaibigan. Pagkatapos bumabalik si Moises sa kampo, pero ang kaniyang lingkod na si Josue anak ni Nun, isang binata, ay nananatili sa tolda. 12Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Tingnan mo, sinasabi mo sa akin, 'Dalhin mo ang mga taong ito sa kanilang paglalakbay,' pero hindi mo pinaalam sa akin kung sino ang ipapadala mo na kasama ko. Sinabi mo, 'Nakikilala mo ako sa pangalan, at ikaw din ang nakatagpo ng pabor sa aking paningin.' 13Ngayon kung ako ay nakatagpo ng pabor sa iyong paningin, ipakita mo sa akin ang iyong mga paraan nang sa ganon ay makilala kita at patuloy na makatagpo ng pabor sa iyong paningin. Tandaan mo ang bayang ito ay iyong bayan. 14Sumagot si Yahweh, “Ang sarili kong presensiya ay sasama sa iyo, at bibigyan kita ng pahinga.” 15Sinabi ni Moises sa kaniya, “Kung ang inyong presensiya ay hindi sasama sa amin, huwag mo kaming alisin mula rito. 16Dahil kung hindi, paano malalaman na ako ay nakatagpo ng pabor sa iyong paningin, ako at ang inyong bayan? Hindi ba nararapat lamang na sumama ka sa amin para ako at ang iyong bayan ay maiba mula sa lahat ng ibang bayan na nasa ibabaw ng mundo? 17Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin ko din ang bagay na ito na iyong hiniling, dahil ikaw ang nakatagpo ng pabor sa aking paningin, at nakikilalamo ako sa pangalan.” 18Sinabi ni Moises, “Pakiusap ipakita mo sa akin ang inyong kaluwalhatian.” 19Sinabi ni Yahweh, “Gagawin ko ang lahat ng aking kabutihan sa inyo, at ipapahayag ko ang aking pangalang 'Yahweh' sa inyo. Magiging maawain ako sa kaninoman na magiging maawain, at magpapakita ako ng habag sa kaninoman na magpapakita ng habag.” 20Pero sinabi ni Yahweh, “Hindi mo maaring makita ang aking mukha, dahil walang sinuman ang maaaring makakita sa akin at mabuhay.” 21Sinabi ni Yahweh, “Tingnan mo, dito ang isang lugar sa pamamagitan ko; tatayo ka sa batong ito. 22Habang dumaraan ang aking kaluwalhatian, ilalagay kita sa siwang ng bato at tatakpan kita gamit ang kamay ko hanggang sa makaraan ako. 23Pagkatapos aalisin ko ang aking kamay, at makikita mo ang aking likuran, pero hindi mo makikita ang aking mukha. 34:4Kaya pumutol si Moises ng dalawang tipak ng bato katulad sa mga nauna, at maaga siyang bumangon sa umaga at umakyat sa Bundok Sinai, ayon sa tagubilin ni Yahweh sa kaniya. Kinarga ni Moises ang mga tipak ng bato na nasa kaniyang kamay. 5Bumaba si Yahweh sa ulap at tumayo doon kasama si Moises, at binigkas niya ang pangalang “Yahweh.” 6Dumaan si Yahweh sa kaniya at inihayag, “Yahweh, Yahweh, ang Diyos ay maawain at mapagbigay-loob, hindi madaling magalit, at nag-uumapaw sa katapatan ng tipan at mapagkakatiwalaan, 8Iniyuko agad ni Moses ang kaniyang ulo sa lupa at sumamba.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

1 Hari 19:3–9, 11–13, 15–16

3Nang marinig iyon ni Elias, bumangon siya at umalis para sa kaniyang buhay at pumuta sa Beer-seba, na bahagi ng Juda, at iniwan ang kaniyang mga lingkod doon. 4Pero mag-isa lamang siyang naglakbay ng isang araw patungo sa ilang, at dumating at umupo siya sa ilalim ng isang puno ng retama. Hiniling niya para sa kaniyang sarili na maaari na siyang mamatay, at sinabing, “Sobra na ito, Yahweh; kunin mo na ang aking buhay, dahil hindi ako higit kaysa sa aking mga patay na ninuno” 5Kaya humiga siya at natulog sa ilalim ng puno ng retama; sa hindi inaasahan isang anghel ang humawak sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Bumangon ka at kumain.” 6Tumingin si Elias, at malapit sa kaniyang ulunan ay mayroong tinapay na niluto sa uling at isang pitsel ng tubig. Kaya kinain niya ito at ininom at muling humiga. 7Sa pangalawang pagkakataon muling bumalik ang anghel ni Yahweh at hinawakan siya at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil ang iyong paglalakbay ay higit na mas mahirap para sa iyo.” 8Kaya siya ay tumayo at kumain at uminom, at naglakbay siya sa lakas na mula sa pagkain sa apatnapung araw at apatnapung gabi sa Horeb, na bundok ng Diyos. 9Nagpunta siya sa kuweba doon at nanatili roon. Pagkatapos dumating ang salita ni Yahweh sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Ano ang ginagawa mo dito Elias?” 11Sumagot si Yahweh, “Lumabas ka at tumayo sa bundok sa aking harapan.” Pagkatapos dumaan si Yahweh, at isang napakalakas na hangin ang humampas sa mga bundok at pinagpira-piraso ang mga bato sa harapan ni Yahweh, pero si Yahweh ay wala sa hangin. Pagkatapos ng malakas na hangin, isang lindol ang dumating, pero wala si Yahweh sa lindol. 12Pagkatapos ng lindol isang apoy ang dumating, pero si Yahweh ay wala sa apoy. Pagkatapos ng apoy, isang maliit na boses ang dumating. 13Nang marinig ni Elias ang boses, binalot niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, lumabas, at tumayo sa pasukan ng kuweba. Pagkatapos isang boses ang dumating sa kaniya na nagsabing, “Ano ang ginagawa mo dito Elias?” 15Pagkatapos sinabi sa kaniya ni Yahweh, “Bumalik ka sa daan patungo sa ilang ng Damasco, at kapag nakarating ka doon itatalaga mo si Hazael bilang hari ng Aram, 16at itatalaga mo si Jehu anak ni Nimshi na maging hari sa Israel, at itatalaga mo si Eliseo anak na lalaki ni Shafat ng Abel Mehola na maging propeta kapalit mo.

Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo

Luc 9:28–36

28At nangyari, pagkalipas ng mga walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, dinala niya sina Pedro, Juan, at Santiago, at umakyat ng bundok upang manalangin. 29Habang siya ay nananalangin, nag-iba ang anyo ng kaniyang mukha, ang kaniyang damit ay naging puti at nagniningning. 30Masdan ito, may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kaniya! Sila ay sina Moises at Elias 31na nag-anyong maluwalhati. Nagsalita sila patungkol sa kaniyang paglisan na malapit na niyang maisakatuparan sa Jerusalem. 32Ngayon, si Pedro at ang kaniyang mga kasama ay mahimbing na natutulog. Ngunit nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian, at ang dalawang lalaking nakatayo kasama niya. 33At nangyari nga, habang ang mga lalaki ay papalayo na kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, mabuti at nandito kami at marapat na magtayo kami ng tatlong kanlungan, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Hindi niya naintindihan kung ano ang kaniyang mga sinasabi. 34Pagkatapos, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may ulap na dumating at nililiman sila; at sila ay natakot habang sila ay napapalibutan ng ulap. 35Isang tinig ang nanggaling sa ulap, na nagsasabi, “Ito ang aking Anak na pinili. Makinig kayo sa kaniya.” 36Nang matapos ang tinig, mag-isa na si Jesus. Sila ay tumahimik, at sa mga araw na iyon ay wala silang pinagsabihan sa mga bagay na kanilang nakita.

Sulat (Pagbabagong-anyo)

2 Ped 1:10–19

10Samakatwid, mga kapatid, gawin ninyo ang inyong makakaya upang gawin ang inyong pagkatawag at pagkakapili na tiyak sa inyong mga sarili. Kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod. 11Sa gayon, ang daan ay masaganang ipagkakaloob sa inyo sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 12Samakatwid, ako ay magiging laging handa na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, gayong alam na ninyo ang mga ito, kayo ngayon ay matibay na sa katotohanan. 13Sa aking palagay ay dapat ko na kayong gisingin at paalalahanan sa mga bagay na ito habang ako ay nandito sa tolda. 14Sapagkat alam ko na malapit ko nang tanggalin ang aking tolda tulad ng ipinakita ng Panginoong Jesu-Cristo sa akin. 15Gagawin ko ang aking makakaya upang lagi ninyong alalahanin ang mga bagay na ito pagkatapos ng aking pag-alis. 16Sapagkat hindi namin sinundan ang mga katalinuhang lumikha ng mga kathang-isip noong sinabi namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ngunit kami ang mga naging saksi sa kaniyang kadakilaan. 17Natanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian noong may isang tinig ang dumating sa kaniya mula sa Dakilang Kaluwalhatian na nagsasabing, “Ito ang aking Anak, ang Kaisa-isa kong minamahal, sa kaniya ay lubos akong nalulugod.” 18Narinig namin itong tinig na nagmula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok. 19Nasa amin ang mga salitang ipinahayag ng mga propeta at ito ay lalong tiyak, ito ay mabuting pag-ukulan ninyo ng pansin. Ito ay tulad ng isang lampara na nagliliwanag sa madilim na lugar hanggang dumating ang umaga at ang mga bituin sa umaga ay sisikat sa inyong mga puso.

Ebanghelyo (Pagbabagong-anyo)

Mat 17:1–9

1Makalipas ang anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kaniyang kapatid at sila ay dinala niya sa isang mataas na bundok nang sila lang. 2Siya ay nagbagong anyo sa kanilang harapan. Ang kaniyang mukha ay nagliwanag na katulad ng araw, at ang kaniyang mga damit ay naging puting-puti katulad ng liwanag. 3Masdan ito, nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya. 4Nagsalita si Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, mabuti na kami ay narito. Kung nais ninyo, gagawa ako dito ng tatlong pagsisilungan—isa para sa inyo, at isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” 5Habang siya ay nagsasalita pa, masdan ito, isang nakakasilaw na ulap ang lumilim sa kanila, at masdan ito, may isang tinig na mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.” 6Nang marinig ito ng mga alagad, sila ay nagpatirapa at lubhang natakot. 7Pagkatapos, lumapit si Jesus at sila ay hinawakan at sinabi, “Tumayo kayo at huwag kayong matakot.” 8At sila ay tumingala ngunit walang ibang nakita maliban kay Jesus lamang. 9Nang pababa na sila sa bundok, inutos ni Jesus sa kanila, na nagsasabi, “Huwag ninyong ipagsabi sa sinuman ang pangitaing ito hanggang ang Anak ng Tao ay muling ibangon mula sa mga patay.”

Mga santo ng Agosto 19

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Agosto 6 sa kalendaryo ng simbahan ay Agosto 19 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan