Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 23

Kalendaryong Orthodox · Abril 10 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Abril 23, 2027

Biyernes · Ikaanim na linggo ng Dakilang Kuwaresma · Tono 5

Mga kapistahan at mga santo

Mga Martir Terencio, Pompeyo, Africano, Maximo, Zenon, Alejandro, Teodoro at iba pang 33 (c. 249-251)

Dakilang Kuwaresma

Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Ikaanim na Oras

Isa 66:10–24

10Makisaya sa Jerusalam at magalak para sa kanya, lahat kayong nagmamahal sa kanya, kayo'y makisaya sa kanya, lahat kayong nagdalamhati para sa kanya! 11Dahil kayo ay pasususuhin at masisiyahan; sa kanyang dibdib kayo ay magiginhawahan, dahil makakainom kayo ng lubos at masisiyahan kayo sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian. 12Ito ay kung anong sinabi ni Yahweh, “Palalaganapin ko na ang kasaganaan sa kanya tulad ng isang ilog, at ang kayamanan ng mga bansa tulad ng umaapaw na batis. Ikaw ay pasususuhin sa kanyang tabi, bubuhatin sa kanyang mga bisig, at ihehele sa kanyang kandungan. 13Gaya ng pag-aaliw ng isang ina sa kanyang anak, gayun din aaliwin ko kayo, at kayo ay aaliwin sa Jerusalem. 14Makikita ninyo ito at masisiyahan ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay uusbong gaya ng murang damo. Mahahayag ang kamay ni Yahweh sa kaniyang mga lingkod, pero magagalit siya sa kaniyang mga kaaway. 15Kaya masdan ninyo, darating si Yahweh na may apoy, at ang kaniyang mga karwahe ay darating tulad ng malakas na bagyo para dalhin ang sidhi ng kaniyang galit at ang kaniyang pagsaway na may lagablab ng apoy. 16Dahil pinapatupad ni Yahweh ang paghahatol sa sangkatauhan sa pamamagitan ng apoy at kaniyang espada. Marami ang mapapatay ni Yahweh. 17Itinatalaga at ginagawa nilang dalisay ang kanilang mga sarili kay Yahweh para makapasok sila sa mga hardin, kasunod ng mga kumakain ng laman ng baboy at kasuklam-suklam na mga bagay gaya ng mga daga. “Darating sila sa pagwawakas— ito ang pahayag ni Yahweh. 18Dahil nalalaman ko ang kanilang mga ginagawa at iniisip. Darating ang panahon na titipunin ko lahat ng mga bansa at mga wika. Darating sila at makikita nila ang aking kaluwalhatian. 19Maglalagay ako ng isang makapangyarihang tanda sa kanila. Pagkatapos ipapadala ko ang mga nakaligtas mula sa kanila sa mga bansa: Sa Tarsis, Put, at Lud, mga mamamana na gumagamit ng kanilang mga palaso, sa Tubal, Javan at sa mga malalayong baybayin kung saan sila ay hindi pa nakarinig ng tungkol sa akin ni nakakita ng aking kaluwalhatian. Ipapahayag nila ang aking kaluwalhatian sa mga bansa. 20Bilang isang handog kay Yahweh, ibabalik nila ang lahat ng inyong mga kababayan sa lahat ng mga bansa. Sila ay darating na sakay ng mga kabayo, at mga nasa karwahe, sa bagon, sa mga asno, at mga kamelyo patungo sa aking banal na bundok sa Jerusalem— sinabi ni Yahweh. Dahil ang bayan ng Israel ay magdadala ng handog na butil na nasa malinis na sisidlan patungo sa tahanan ni Yahweh. 21Ang iba sa mga ito ay pipiliin ko bilang mga pari at mga Levita— sinabi ni Yahweh. 22Ito ang pahayag ni Yahweh— kung gaano katagal mananatili sa harapan ko ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin, ganoon din katagal mananatili ang inyong kaapu-apuhan, at ang inyong pangalan ay mananatili. 23Sinabi ni Yahweh— Mula sa isang buwan hanggang sa mga susunod, at mula sa isang Araw ng Pamamahinga hanggang sa mga susunod, lahat ng mga tao ay darating para yumukod sa akin. 24Lalabas sila at makikita nila ang mga bangkay ng mga taong nagrebelde laban sa akin, dahil ang mga uod na kakain sa kanila ay hindi mamamatay, at ang apoy na lalamon sa kanila ay hindi maaapula; at ito ay magiging nakakadiri sa buong sangkatauhan.”

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Gen 49:33–50:26

33Nang matapos ni Jacob ang kanyang mga tagubilin sa kanyang mga anak na lalaki, iniunat niya ang kanyang mga paa sa kama at inihinga ang huling hininga, at pumunta sa kanyang mga tao. 50:1Pagkatapos niyakap ni Jose ang mukha ng kaniyang ama, nagdalamhati siya at hinalikan niya siya. 2Inutusan ni Jose ang kanyang mga lingkod na manggagamot na embalsamuhin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo ng mga manggagamot si Israel. 3Ginawa nila ito ng apatnapung araw, dahil iyon ang ganap na panahon ng pag-eembalsamo. Umiyak ang mga taga-Ehipto ng pitumpung araw. 4Nang matapos ang mga araw ng pag-iyak, nakipag-usap si Jose sa hukuman ng Paraon at sinabing, “Kung ngayon may nahanap akong pabor sa iyong mga mata, pakiusap, kausapin mo si Paraon, sabihing, 5'Pinanumpa ako sa aking ama, sinabing, “Tingnan mo, malapit na akong mamatay, Ilibing mo ako sa aking libingan na hinukay ko doon sa lupain ng Canaan. Doon mo ako ilibing.” Ngayon hayaan ninyo akong umakyat at ilibing ang aking ama, at pagkatapos ay babalik din ako.” 6Sumagot ang Paraon, “Lumakad ka at ilibing ang iyong ama, tulad ng ipinanumpa niya sa iyo.” 7Umakyat si Jose para ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umakyat ang lahat ng mga opisyal ng Paraon, ang mga tagapayo sa kanyang sambahayan, at ang lahat ng mga nakakatandang opisyal sa lupain ng Ehipto, 8kasama lahat ng sambahayan ni Jose at kanyang mga kapatid, at sambahayan ng kanyang ama. Pero iniwan nila ang mga bata, kanilang mga kawan, at ang kanilang mga kalipunan, sa lupain ng Gosen. 9Pumunta kasama niya ang mga karwahe at mga mangangabayo. Ito ay isang napakalaking pulutong ng tao. 10Nang sila ay dumating sa giikan ni Atad na nasa kabilang dako ng Jordan, sila ay nagluksa ng napakatindi at napakalungkot na pagdadalamhati. Doon si Jose ay nagluksa ng pitong araw para sa kanyang ama. 11Nang nakita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang pagluluksa sa giikan ni Atad, kanilang sinabi, “Ito ay isang napakalungkot na pagluluksa ng mga Ehipto.” Kaya ang pangalang itinawag sa lugar na iyon ay Abel-Mizraim, na nasa kabilang dako ng Jordan. 12Kaya ginawa ng kanyang mga anak kay Jacob ang ayon sa inihabilin niya sa kanila. 13Dinala siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan at inilibing siya sa kuweba sa bukid ng Macpela, malapit sa Mamre. Binili ni Abraham ang kuweba na may bukid para maging lugar na paglilibingan. Binili niya ito kay Ephron na Hetheo. 14Matapos niyang ilibing ang kanyang ama, bumalik si Jose patungong Ehipto, siya, kasama ang kanyang mga kapatid na lalaki, siya, at lahat ng sumama sa kaniya sa paglilibing sa kanyang ama. 15Nang nakita ng mga kapatid na lalaki ni Jose na ang kanilang ama ay patay na, sinabi nila, “Paano kung si Jose ay may dinadala pang sama ng loob at nais niyang pagbayarin tayo ng buo para sa lahat ng kasamaan na ginawa natin sa kanya?” 16Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose, na nagsasabing, “Nagbigay ng mga tagubilin ang iyong ama bago siya mamatay, na nagsasabing. 17'Ganito ang sabihin ninyo kay Jose, “Pakiusap patawarin mo ang kasalanan ng iyong mga kapatid at ang kamalian na kanilang nagawa nang pinagmalupitan ka nila.” Ngayon pakiusap patawarin mo ang mga lingkod ng Diyos ng iyong ama. Si Jose ay umiyak nang dinala ang mensahe sa kanila. 18Nagpunta rin ang kanyang mga kapatid na lalaki at nagpatirapa sa harap niya. Sinabi nila, “Tingnan mo, kami ay iyong mga lingkod.” 19Pero sinagot sila ni Jose, “Huwag kayong matakot. Nasa lugar ba ako ng Diyos? 20At para sa inyo, ninais niyo na ipahamak ako, pero ninais ng Diyos ito para sa kabutihan, para pag-ingatan ang buhay ng maraming tao, gaya ng nakikita ninyo ngayon. 21Kaya ngayon huwag kayong matakot. Paglalaanan ko kayo at ang inyong mga anak.” Inaliw niya sila sa paraang ito at nakipag-usap ng may kagandahang-loob sa kanila. 22Nanirahan si Jose sa Ehipto, kasama ng sambahayan ng kanyang ama. Nabuhay siya ng isandaan at sampung taon. 23Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi. Nakita niya rin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases. Sila ay “ipinanganak sa kanyang mga tuhod.” 24Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay; pero tiyak na pupuntahan kayo ng Diyos at pangungunahan kayo palabas ng lupaing ito papunta sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob.” 25Pagkatapos ipinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel. Sinabi niya, “Tiyak na pupuntahan kayo ng Diyos. Sa panahong iyon kailangan ninyong dalhin ang aking mga buto mula rito.” 26Kaya namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon. Pagkatapos siyang embalsamuhin, siya ay inilagay nila sa isang kabaong sa Ehipto.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 31:8–31

8Magsalita ka para sa mga hindi nakakapagsalita, para sa mga kapakanan ng lahat ng mga napapahamak. 9Magpahayag at humatol sa pamamagitan ng panukat na matuwid at ipagtanggol ang kapakanan ng mga mahihirap at ng mga taong nangangailangan. 10Sino ang makatatagpo ng may kakayahang asawang babae? Ang halaga niya ay higit sa mamahaling hiyas. 11Ang puso ng kaniyang asawang lalaki ay nagtitiwala sa kaniya, at kailanman hindi siya maghihirap. 12Mga mabubuting bagay ang ginagawa niya para sa kaniya at hindi masama sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay. 13Pumipili siya ng balahibo at lana at gumagawa ng may kasiyahan ang kaniyang mga kamay. 14Katulad siya ng mga barko ng mangangalakal; nagdadala siya ng pagkain mula sa malayo. 15Bumabangon siya habang gabi pa at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan, at ipinamamahagi niya ang mga gawain sa kaniyang mga aliping babae. 16Isinasaalang-alang niya ang bukirin at ito ay binibili, sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang mga kamay, nakapagtanim siya ng ubasan. 17Dinadamitan niya ang kaniyang sarili ng lakas at pinalalakas niya ang kaniyang mga braso. 18Nauunawaan niya kung ano ang magbibigay ng malaking kita para sa kaniya; buong gabi ay hindi namatay ang kaniyang lampara. 19Inilalagay niya ang kaniyang mga kamay sa ikiran, at buhol na sinulid ay kaniyang hinahawakan. 20Ang mga taong mahihirap ay inaabot niya ng kaniyang kamay; ang mga taong nangangailangan ay inaabot niya ng kaniyang mga kamay. 21Hindi siya natatakot sa lamig ng niyebe para sa kaniyang sambahayan, dahil ang kaniyang buong sambahayan ay nababalot ng pulang makapal na kasuotan. 22Gumagawa siya ng mga sapin para sa higaan niya at mga lilang damit na pinong lino ang sinusuot niya. 23Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga tarangkahan, kapag umuupo siya kasama ng mga nakatatanda sa bayan. 24Gumagawa at nagbebenta siya ng linong kasuotan, at nagmumula sa kaniya ang mga sintas ng mga mangangalakal. 25Ang kalakasan at karangalan ay suot niya, at sa oras na darating, siya ay tumatawa. 26Binubuksan niya ang kaniyang bibig ng may karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng kabaitan. 27Binabantayan niya ang pamamaraan ng kaniyang sambahayan at hindi kumakain ng tinapay ng pagkabatugan. 28Ang kaniyang mga anak ay babangon at tinatawag siyang pinagpala; ang kaniyang asawang lalaki ay pupurihin na nagsasabing, 29“Maraming mga babae ang gumawa ng mabuti, ngunit hinihigitan mo silang lahat.” 30Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan. 31Ibigay mo sa kaniya ang bunga ng mga kaniyang kamay, at hayaan mong ang kaniyang mga gawa, sa mga tarangkahan, siya ay papurihan.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Abril 23

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 10 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 23 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan