Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Marso 2027 › Marso 27
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Marso 27, 2027
Sabado · Tatlong Banal na Araw ng Pasko
Mga kapistahan at mga santo
Sabado de Gloria: Paglalamay sa Pasko ng Pagkabuhay
Tatlong Banal na Araw ng Pasko · Kulay ng liturhiya: puti
Mga pagbasa sa araw na ito
Unang Pagbasa
1Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. 2Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan. 3Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag. 4Nakita ng Diyos na ang liwanag ay kaaya-aya. Hiniwalay niya ang liwanag mula sa kadiliman. 5Tinawag ng Diyos ang liwanag na “araw,” at ang kadiliman ay tinawag niyang “gabi”. Naggabi at nag-umaga, ito ang unang araw. 6Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng puwang sa pagitan ng mga tubig, at hayaang ihiwalay nito ang tubig mula sa tubig.” 7Ginawa ng Diyos ang puwang at hiniwalay niya ang tubig na nasa silong ng kalawakan mula sa tubig na nasa ibabaw ng kalawakan. At nagkagayon nga. 8Tinawag ng Diyos ang puwang na “langit.” Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalawang araw. 9Sinabi ng Diyos, “Hayaang ang katubigang nasa ilalim ng langit ay sama-samang magtipon sa isang lugar, at hayaang lumitaw ang tuyong lupain.” At nagkagayon nga. 10Tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na “lupa” at ang natipong tubig ay tinawag niyang “dagat.” Nakita niyang ito ay kaaya-aya. 11Sinabi ng Diyos, “Hayaang tumubo ang halaman sa lupa: mga pananim na nagbibigay ng buto at mga namumungang punong kahoy na kung saan ang buto nito'y nasa loob ng kanyang bunga, ayon sa kanyang sariling uri.” At nagkagayon nga. 12Tinubuan ng halaman ang lupa, mga pananim na nagbibigay ng buto mula sa kanilang uri, at mga namumungang punong kahoy na taglay nito ang buto, mula sa kanilang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya. 13Naggabi at nag-umaga, ito ang ikatlong araw. 14Sinabi ng Diyos, “Hayaang magkaroon ng mga liwanag sa langit upang ihiwalay ang araw mula sa gabi. At hayaan silang maging mga palatandaan, para sa mga panahon, para sa mga araw at sa mga taon. 15Hayaan silang maging mga liwanag sa langit upang magbigay liwanag sa ibabaw ng mundo.” At nagkagayon nga. 16Ginawa ng Diyos ang dalawang malaking mga liwanag, ang mas malaking liwanag upang pamunuan ang araw, at ang mas maliit na liwanag upang pamunuan ang gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin. 17Inilagay sila ng Diyos sa langit upang magbigay liwanag sa ibabaw ng mundo, 18upang pamunuan ang buong araw at ang buong gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya. 19Naggabi at nag-umaga, ito ang ikaapat na araw. 20Sinabi ng Diyos, “Hayaang mapuno ang katubigan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang na ginawa ko, mapuno ang himpapawid ng mga ibong lumilipad sa ibabaw ng lupa. ” 21Kaya’t nilikha ng Diyos ang malalaking nilalang na naninirahan sa dagat, gayon din ang bawat buhay na nilikha ayon sa kanyang uri, mga nilalang na kumikilos at nagkukumpol sa katubigan, at bawat mga ibong may pakpak ayon sa kanyang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya. 22Pinagpala sila ng Diyos, sinasabing, “Maging mabunga kayo at magpakarami, punuin niyo ang katubigan sa mga dagat. Hayaang dumami ang mga ibon sa mundo. 23Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalimang araw. 24Sinabi ng Diyos, “Hayaang magdulot ang mundo ng buhay na mga nilalang, bawat isa ayon sa kanyang sariling uri, mga hayop, mga gumagapang na bagay, at mga mababangis na hayop ng mundo, bawat isa nito ayon sa kanyang sariling uri”. Nagkagayon nga. 25Ginawa ng Diyos ang mga mababangis na hayop sa mundo ayon sa kanilang uri, ang mga hayop ayon sa kanilang mga uri, at lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang uri. Nakita niya na ito ay kaaya-aya. 26Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila. 28Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.” 29Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga. 31Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw. 2:1Kaya’t ang kalangitan at ang mundo ay natapos, at ang lahat ng buhay na mga bagay na pumuno sa kanila. 2Sa ikapitong araw dumating ang Diyos sa pagtatapos ng gawain na kanyang ginawa, at siya ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat niyang gawain.
Salmo
Awit 104:1–2, 5–6, 10, 12–14, 24, 35
1Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko, Yahweh aking Diyos, lubhang kahanga-hanga ka; dinadamitan ka ng kaningningan at kamahalan. 2Nilulukuban mo ang iyong sarili ng liwanag gaya ng isang damit; inilalatag mo ang kalangitan na parang isang kurtina ng tolda. 5Inilagay niya ang mga pundasyon ng daigdig, at hindi ito kailanman matitinag. 6Binalot mo ang daigdig ng tubig tulad ng isang damit; binalot ng tubig ang mga bundok. 10Pinadaloy niya ang mga bukal sa mga lambak; Dumadaloy ang mga batis sa pagitan ng mga bundok. 12Sa may tabing-ilog, ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad; umaawit sila sa mga sanga. 13Dinidiligan niya ang mga bundok mula sa kanyang mga silid ng tubig sa kalangitan. Napupuno ang daigdig ng bunga ng kanyang mga gawain. 14Pinapatubo niya ang damo para sa mga baka at mga halaman para linangin ng tao nang sa gayon ay makapag-ani ang tao ng pagkain mula sa lupa. 24Yahweh, kayrami at iba't iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo. 35Mawala nawa ang mga makasalanan mula sa daigdig, at ang mga masasama ay maglaho. Nagbibigay ako ng papuri kay Yahweh ng buong buhay ko. Purihin si Yahweh.
Ikalawang Pagbasa
1Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito na sinubok ng Diyos si Abraham. Sinabi niya sa kanya, “Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito ako.” 2Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Kunin mo ang iyong anak, ang kaisa-isa mong anak, na iyong minamahal, si Isaac, at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya roon bilang handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na ituturo ko sa iyo.” 3Kaya maagang bumangon kinaumagahan si Abraham, inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga kabataang lalaki, kasama si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin, at naglakbay patungo sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. 4Sa ikatlong araw, tumingala si Abraham at natanaw niya ang lugar sa kalayuan. 5Sinabi ni Abraham sa kanyang mga kabataang lalaki, “Manatili kayo rito kasama ang asno, at pupunta ako roon kasama ang bata. Sasamba kami at muling babalik sa inyo.” 6Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na susunugin at ipinapasan ito kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang kutsilyo; at kapwa silang umalis na magkasama. 7Kinausap ni Isaac si Abraham na kaniyang ama at sinabing, “Aking ama,” at sumagot si Abraham, “Narito ako, aking anak.” Sinabi niya, “Narito, ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang tupa para sa handog na susunugin?” 8Sinabi ni Abraham, “Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak.” Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama. 9Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya, gumawa si Abraham ng isang altar at inilatag niya ang kahoy dito. Pagkatapos tinalian ni Abraham si Isaac na kanyang anak, at inilagay niya ito sa altar, sa ibabaw ng kahoy. 10Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang kutsilyo para patayin ang kanyang anak. 11Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, “Abraham, Abraham!” at sinabi niya, “Narito ako.” 12Sinabi niya, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin. 13Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak. 14Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.” 15Tinawag ng anghel ni Yahweh si Abraham sa ikalawang pagkakataon mula sa langit 16at sinabing—ito ay isang kapahayagan mula kay Yahweh, “Nangangako ako sa aking sarili na dahil ginawa mo ang bagay na ito, at dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak, 17tiyak na pagpapalain kita at labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng bituin sa kalangitan, at gaya ng buhangin sa dalampasigan; at aangkinin ng iyong mga kaapu-apuhan ang tarangkahan ng kanilang mga kaaway. 18Sa pamamagitan ng iyong anak, ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain, dahil sinunod mo ang aking tinig.
Salmo
5Ikaw ang aking bahagi at ang aking kopa, O Yahweh. Hawak mo aking tadhana. 8Inuuna ko si Yahweh sa lahat ng oras, kaya't hindi ako mayayanig mula sa kaniyang kanang kamay! 9Kaya nga ang puso ko ay magagalak, ang nagpaparangal kong puso ay magpupuri sa kaniya; tiyak na mabubuhay ako nang panatag. 10Dahil hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pababayaan ang tapat sa iyo na masilayan ang hukay. 11Tinuturo mo sa akin ang landas ng buhay; nag-uumapaw na kagalakan ay nananahan sa iyong piling; labis na tuwa ay nananatili sa iyong kanang kamay magpakailanman!
Ikatlong Pagbasa
15Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit ikaw, Moises, patuloy na tumatawag sa akin? Sabihan mo ang mga Israelita na magpatuloy sa pagsulong. 16Itaas mo ang iyong tungkod, iunat mo sa pamamagitan ng iyong kamay sa ibabaw ng dagat at hatiin mo ito sa dalawa, para ang bayan ng Israel ay makarating sa dagat sa tuyong lupa. 17Tandaan mo na patitigasin ko ang puso ng mga taga-Ehipto para sila ay tugisin. Makakakuha ako ng parangal dahil kay Paraon at sa lahat ng kaniyang hukbo, mga karwahe at ang kaniyang mga nangangabayo. 18Pagkatapos malalaman ng mga taga-Ehipto na ako ay si Yahweh at makakakuha ako ng karangalan nang dahil kay Paraon, sa kaniyang mga karwahe at sa kaniyang mga nangangabayo.” 19Ang anghel ng Diyos, ang siyang pumunta sa mga Israelita, kumilos at nagpunta sa kanilang likuran. Ang haligi ng ulap ay kumilos mula sa kanila at pumunta at tumayo sa kanilang likuran. 20Dumating ang ulap sa pagitan ng kampo ng Ehipto at sa kampo ng Israel. Isang madilim na ulap sa mga taga-Ehipto pero inilawan naman ang gabi para sa mga Israelita. Kaya hindi nakalapit ang isang panig sa kabila buong gabi. 21Iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat. Pinabalik ni Yahweh ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silangan sa buong gabing iyon at ginawang tuyong lupa. Sa ganitong paraan nahati ang tubig. 22Ang mga Israelita ay pumunta sa gitna ng dagat sa tuyong lupa. Ang tubig ay nag-anyong pader para sa kanila sa kanilang kanang kamay at sa kanilang kaliwa. 23Tinugis sila ng mga taga-Ehipto. Pinuntahan sila sa gitna ng dagat—lahat ng mga kabayo ni Paraon, mga karwahe at mga nangangabayo. 24Pero kinaumagahan, si Yahweh ay tumingin mula sa ibaba sa mga hukbo ng Ehipto sa pamamagitan ng haligi ng apoy at ulap. Nagdulot siya ng pagkabahala sa mga taga-Ehipto 25Ang gulong ng kanilang mga karwahe ay nabaon, at ang mga nangangabayo ay nahirapang magpatakbo. Kaya sinabi ng mga taga-Ehipto, “Tumakas na tayo mula sa Israel, dahil si Yahweh ay lumalaban para sa kanila laban sa atin. 26Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat para ang tubig ay bumalik sa mga taga-Ehipto, kanilang mga karwahe at sa kanilang mga nangangabayo. 27Kaya iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat at ito ay bumalik sa dating anyo bago lumitaw ang umaga. Ang mga taga-Ehipto ay tumakas sa dagat, at dinala sila ni Yahweh sa gitna nito. 28Bumalik ang tubig at bumalot sa mga karwahe ni Paraon, mga nangangabayo at ang lahat ng kaniyang mga hukbo na sumunod sa mga karwahe papuntang dagat. Wala ni isa ang nakaligtas. 29Gayunman, naglakad ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. Ang tubig ay naging isang pader para sa kanila sa kanang kamay at sa kanilang kaliwa. 30Iniligtas ni Yahweh ang Israel sa araw na iyon sa kamay ng mga taga-Ehipto, at nakita ng Israel ang mga patay na mga taga-Ehipto sa dalampasigan. 31Nang makita ng Israel ang kapangyarihan ni Yahweh na ginamit laban sa mga taga-Ehipto, pinarangalan ng mga tao si Yahweh, at sila ay nagtiwala kay Yahweh at sa kaniyang lingkod na si Moises. 15:1Pagkatapos inawit nina Moises at ng bayan ng Israel ang awiting ito para kay Yahweh. Inawit nila, “Umaawit ako kay Yahweh, dahil sa maluwalhating tagumpay; ang kabayo at ang tagasakay nito ay itinapon sa dagat.
Salmo
1Pagkatapos inawit nina Moises at ng bayan ng Israel ang awiting ito para kay Yahweh. Inawit nila, “Umaawit ako kay Yahweh, dahil sa maluwalhating tagumpay; ang kabayo at ang tagasakay nito ay itinapon sa dagat. 2Si Yahweh ang aking lakas at awitin, at siya ang aking naging kaligtasan. Ito ang aking Diyos, at siya ay aking pupurihin, Diyos ng aking ama, at siya ay aking dadakilain. 3Si Yahweh ay isang mandirigma; Yahweh ang pangalan niya. 4Ang mga karwahe at hukbo ng Paraon, sa dagat ay kaniyang itinapon. Ang mga piniling opisyal ni Paraon, sa Dagat ng mga Tambo sila ay nalunod. 5Sila ay tinabunan ng kailaliman; sila ay tumungo sa kailaliman na tulad ng isang bato. 6Ang iyong kanang kamay, Yahweh, ay maluwalhati sa kapangyarihan; ang iyong kanang kamay, Yahweh, ang dumurog sa mga kaaway. 17Dadalhin mo sila at itatanim sila sa bundok na iyong pinamana, ang lugar, Yahweh, na iyong ginawa para manirahan, ang santuwaryo, aming Panginoon, na itinayo ng iyong mga kamay. 18Maghahari si Yahweh sa magpakailanman pa man.”
Ikaapat na Pagbasa
5Dahil ang inyong Manlilikha ay ang inyong asawa; Yahweh ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At Ang Banal ng Israel ay ang inyong Manunubos; Tinatawag siyang Diyos ng buong daigdig. 6Dahil tinatawag kayo muli ni Yahweh bilang asawa napabayaan at nagdadalamhati sa espiritu, gaya ng isang babaeng maagang nag-asawa at itinakwil, Ang sabi ng iyong Diyos. 7Sa maikling sandali ay pinabayaan ko kayo, pero sa matinding kahabagan ay titipunin ko kayo. 8Sa pagbaha ng aking galit ay pansamantala kong itinago ang aking mukha sa inyo; pero sa pamamagitan ng walang hanggang katapatan sa tipan ay maaawa ako sa inyo—sinasabi ni Yahweh, ang siyang nagliligtas sa inyo. 9Katulad ito ng mga tubig sa panahon ni Noe sa akin: kagaya ng pagsumpa ko sa mga tubig noong panahon ni Noe na hindi na muli babahain ang ibabaw ng mundo, kaya isinumpa kong hindi na ako magagalit sa inyo o sawayin kayo. 10Kahit na ang mga bundok ay maaring bumagsak at yayanigin ang mga burol, gayon man ang aking katapatan sa tipan ay hindi hihiwalay mula sa inyo, ni ang aking tipan ng kapayapaan ay mayayanig—sinasabi ni Yahweh, siyang naaawa sa inyo. 11Kayo na sinugatan, kayo na tinangay ng bagyo at walang kaaliwan, masdan ninyo, ilalatag ko ang inyong daanan sa turkesa at lalatagan ko ng mga safiro ang inyong mga pundasyon. 12Gagawin kong mga rubi ang inyong mga tore at ang inyong mga tarangkahan ng mga nagniningning na bato, at magagandang bato sa labas ng inyong pader. 13At tuturuan ni Yahweh ang lahat ng inyong mga anak; at ang kapayapaan ng inyong mga anak ay magiging dakila. 14Sa katuwiran ay itatatag ko kayo muli. Hindi na kayo makakaranas ng pag-uusig, dahil hindi kayo matatakot, walang anumang nakakatakot ang makakalapit sa inyo.
Salmo
1Itinataas kita, Yahweh, dahil ibinangon mo ako at hindi pinahintulutan ang aking mga kalaban na magalak dahil sa akin. 3Yahweh, hinango mo ang aking kaluluwa mula sa Sheol; pinanatili mo akong buhay mula sa pagbaba sa libingan. 4Umawit ng mga papuri kay Yahweh, kayong bayan niyang matapat! Magbigay ng pasasalamat kapag naalaala ninyo ang kaniyang kabanalan. 5Dahil ang kaniyang galit ay isang saglit lamang; pero ang kaniyang pabor ay panghabangbuhay. Ang pag-iyak ay dumarating sa gabi, pero ang kagalakan ay dumarating sa umaga. 10Pakinggan mo, Yahweh, at ako ay kaawaan! Yahweh, ikaw ay maging katuwang ko. 11Pinalitan mo ang aking pagluluksa ng pagsasayaw; hinubad mo ang aking sako at dinamitan ako ng kagalakan. 12Kaya ngayon ang naparangalan kong puso ay aawit nang papuri sa iyo at hindi mananahimik; Yahweh aking Diyos, magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo magpakailanman!
Ikalimang Pagbasa
1Lumapit kayo, ang bawat isang nauuhaw, magsiparito kayo sa tubig! At kayo na walang salapi, bumili kayo at kumain! Halikayo, bumili kayo ng alak at gatas na walang pera at walang bayad. 2Bakit ninyo tinitimbang ang pilak na hindi naman tinapay? At gumagawa ng hindi naman nakasisiya? Makinig mabuti sa akin at kainin kung ano ang mabuti, at malugod kayo sa taba. 3Ikiling ang inyong mga tainga at lumapit sa akin! Makinig, upang kayo ay mabuhay! Tiyak na gagawa ako ng walang hanggang tipan sa inyo, ang mga gawa ng katapatan sa tipan na ibinigay kay David. 4Masdan, itinalaga ko siyang saksi sa mga bansa, bilang pinuno at tagapag-utos ng mga bansa. 5Masdan, tatawag kayo sa bansa na hindi ninyo nakikilala; at ang isang bansa na hindi ninyo kilala ay pupunta sa inyo dahil si Yahweh ang inyong Diyos, Ang Banal ng Israel, na siyang dumakila sa inyo.” 6Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala.
Salmo
2Tingnan ninyo, ang Diyos ang aming kaligtasan; magtitiwala kami at hindi matatakot, dahil si Yahweh, oo, si Yahweh ang aming kalakasan at awitin. Siya ang aming naging kaligtasan.” 3Masaya kayong kukuha ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan. 4Sa araw na iyon, inyong sasabihin, “Magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at tumawag sa kaniyang pangalan; sabihin ang kaniyang mga ginawa sa kalagitnaan ng mga tao, ihayag ang dakila niyang pangalan. 5Umawit kay Yahweh, dahil gumawa siya ng mga dakilang bagay; ipaalam ito sa buong mundo. 6Umiyak nang malakas at sumigaw sa tuwa, kayong mga naninirahan sa Sion, dahil nasa inyong kalagitnaan ang Banal na Diyos ng Israel.”
Ikaanim na Pagbasa
Wala sa saling ito
Salmo
7Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan.
Ikapitong Pagbasa
16At ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 17“Anak ng tao, kapag ang sambahayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang lupain, dinungisan nila ito ng kanilang mga kaparaanan at ng kanilang mga gawa. Ang kanilang mga kaparaanan ay gaya ng maruming regla ng isang babae sa aking harapan. 18Kaya ibinuhos ko ang aking poot laban sa kanila para sa dugo na pinadanak nila sa lupain at para sa kanilang pagdungis rito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan. 19Ikinalat ko sila sa mga bansa; nagkahiwa-hiwalay sila sa mga lupain. Hinatulan ko sila ayon sa kanilang mga kaparaanan at sa kanilang mga gawa. 20Pagkatapos sila ay pumunta sa mga bansa, at saanman sila pumunta, nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan nang sabihin ng mga tao sa kanila, Mga tao ba talaga ito ni Yahweh? Sapagkat itinapon sila palabas sa kaniyang lupain.' 21Ngunit mayroon akong kahabagan para sa aking banal na pangalan na dinungisan ng sambahayan ng Israel sa ang mga bansa, nang pumunta sila doon. 22Kaya sabihin sa sambahayan ng Israel, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi ko ito ginagawa para sa inyong kapakanan, sambahayan ng Israel, ngunit para sa aking banal na pangalan, kung saan nilapastangan ninyo sa mga bansa sa lahat ng dako na inyong pinanggalingan. 23Sapagkat gagawin kong banal ang aking dakilang pangalan, na nilapastangan ninyo sa mga bansa—sa gitna ng mga bansa, ito ay nilapastangan ninyo. At malalaman ng mga bansa na ako si Yahweh— ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—kapag nakita ninyo na ako ay banal. 24Kukunin ko kayo mula sa mga bansa at titipunin ko kayo mula sa bawat lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong lupain. 25Pagkatapos ay wiwisikan ko kayo ng dalisay na tubig upang maging dalisay kayo mula sa lahat ng inyong karumihan. At dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong mga diyus-diyosan. 26Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at isang bagong espiritu sa mga kaloob-loobang bahagi ninyo, at aalisin ko ang pusong bato mula sa inyong laman. Sapagkat bibigyan ko kayo ng isang pusong laman. 27Ilalagay ko ang aking Espiritu sa inyo at palalakarin ko kayo sa aking mga kautusan at inyong iingatan ang aking mga utos, upang magawa ninyo ang mga ito. 28At titirahan ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno; kayo ay magiging mga tao ko, at ako ang magiging Diyos ninyo.
Salmo
2Nauuhaw ako para sa Diyos, para sa Diyos na buhay; kailan kaya ako makapupunta at makahaharap sa Diyos? 4Inaalala ko ang mga bagay na ito habang binubuhos ko ang aking kaluluwa: kung paano ako pumunta kasama ang napakaraming tao at pangunahan sila patungo sa tahanan ng Diyos na may tinig ng kagalakan at pagpupuri, ang napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan. 43:3O, ipadala mo ang iyong liwanag at katotohanan; hayaan mong pangunahan nila ako; hayaan mong dalhin ako sa banal mong burol at sa iyong tabernakulo. 4Pagkatapos, pupunta ako sa altar ng Diyos, sa Diyos na aking lubos na kaligayahan; at sa aking alpa pupurihin kita, O Diyos, aking Diyos.
Sulat
3Hindi ba ninyo alam na kung gaano karami ang nabautismuhan kay Jesu-Cristo ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4Inilibing na tayo kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Nangyari ito upang gaya ng pagkabuhay ni Cristo mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, lalakad din tayo sa panibagong buhay. 5Sapagkat kung tayo ay nakiisa sa kaniya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tayo rin ay makikiisa sa kaniyang muling pagkabuhay. 6Nalalaman natin ito, na ang dati nating pagkatao ay ipinako sa krus kasama niya, upang sa gayon ay masira ang ating katawang makasalanan. Nangyari ito upang hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan. 7Siya na namatay ay inihayag na matuwid hinggil sa kasalanan. 8Ngunit kung namatay tayo kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. 9Alam nating si Cristo ay binuhay mula sa patay at hindi na siya patay. Hindi na naghahari sa kaniya ang kamatayan. 10Sapagkat ukol sa kamatayan na namatay siya sa kasalanan, namatay siya nang minsanan para sa lahat. Subalit, ang buhay na kaniyang ipinamuhay ay ipinamuhay niya para sa Diyos. 11Sa ganoon ding paraan, kinakailangan din ninyong ituring ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.
Salmo
1Magpasalamat kay Yahweh, dahil siya ay mabuti, ang kaniyang katapatan sa tipan ay magpakailanman. 2Hayaangm magsabi ang Israel, “Ang kaniyang katapatan sa tipan ay manananatili magpakailanman. 16Ang kanang kamay ni Yahweh ay itinaas; ang kanang kamay ni Yahweh ay nananakop. 17Hindi ako mamamatay, pero mabubuhay at magpapahayag ako ng mga gawa ni Yahweh. 22Ang bato na tinanggihan ng mga nagtayo ay naging panulukang bato. 23Ito ay gawa ni Yahweh; kagila-gilalas ito sa harap ng ating mga mata.
Ebanghelyo
1Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng pabango upang makapunta sila at mapahiran ang katawan ni Jesus para sa paglilibing. 2Maagang-maaga sa unang araw ng linggo, nang sumikat ang araw pumunta sila sa libingan. 3Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang magpapagulong ng bato ng pasukan ng libingan para sa atin?” 4Nang tumingin sila sa itaas, nakita nila na mayroon ng nagpagulong ng bato na napakalaki. 5Pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakasuot ng puting balabal, nakaupo sa gawing kanan at namangha sila. 6Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Bumangon na siya! Wala siya rito. Tingnan ninyo kung saan siya inilagay. 7Ngunit humayo kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siyang pupunta sa inyo sa Galilea. Doon makikita ninyo siya, gaya ng sinabi niya sa inyo.”
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan