Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Jerusalem

Mga tanda ng wakas

Mat 24:3–14 · Mar 13:3–13 · Luc 21:7–19

Mateo

Mat 24:3–14

3Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sarilinang lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, kung kailan mangyari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan sa inyong pagparito at ang katapusan ng mundo?”

4Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi, “Mag-ingat kayo na walang makahikayat sa inyo na mailigaw kayo.

5Sapagkat marami ang paririto sa aking pangalan. Sasabihin nila, 'Ako ang Cristo,' at marami ang maililigaw.

6Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Tingnan ninyo na hindi kayo mababalisa, sapagkat kailangang mangyari ang mga ito; ngunit hindi pa ito ang katapusan.

7Sapagkat lalabanan ng isang bansa ang kapwa bansa, at kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom at mga lindol sa iba't ibang mga lugar.

8Ngunit lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng sakit ng paghilab ng babaeng manganganak.

9Pagkatapos nito, dadalhin nila kayo sa kapighatian at papatayin kayo. Kasusuklaman kayo ng lahat ng mga bansa ng dahil sa pangalan ko.

10At marami ang matitisod at ipagkanulo nila ang isa't isa, at kasusuklaman nila ang isa't isa.

11Marami ang lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw nila ang marami.

12Dahil lalaganap ang katampalasanan, ang pag-ibig ng karamihan ay lalamig.

13Ngunit kung sino ang makapagtitiis hanggang sa katapusan, siya ang maliligtas.

14Itong ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. At pagkatapos nito darating na ang katapusan.

Marcos

Mar 13:3–13

3Nang umupo siya sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres,

4“Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan na ang lahat na ito ay malapit nang mangyari?”

5Nagsimulang magsalita si Jesus sa kanila, “Mag- ingat kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo.

6Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako siya,' at ililigaw nila ang karamihan.

7Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan, at mga balita ng digmaan, huwag kayong mag-alala; dapat mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas.

8Sapagkat makikipaglaban ang isang bansa sa kapwa niya bansa, at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga lindol sa maraming lugar at mga tag-gutom. Ito ang mga pasimula ng paghihirap na tulad ng isang babaing manganganak.

9Maging mapagbantay kayo. Dadalhin nila kayo sa mga konseho, at kayo ay bubugbugin sa mga sinagoga. Haharap kayo sa mga hari at mga gobernador alang-alang sa akin, bilang isang patotoo sa kanila.

10Ngunit ang ebanghelyo ay dapat munang maihayag sa lahat ng mga bansa.

11Kapag hinuli nila kayo at ipasakamay sa iba, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong dapat sabihin. Dahil sa oras na iyon, ibibigay sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin; hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Banal na Espiritu.

12Ipasakamay ng isang kapatid ang kaniyang kapatid sa kamatayan, at ang isang ama naman ang kaniyang anak. Ang mga anak ay lalaban sa kanilang mga magulang at ipapapatay nila sila.

13Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit sinuman ang makatitiis hanggang sa wakas, ang taong iyon ay maliligtas.

Lucas

Luc 21:7–19

7Kaya't siya ay kanilang tinanong, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging palatandaan kapag malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?”

8Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang. Sapagkat maraming darating sa pangalan ko, magsasabi, 'Ako ay siya' at, 'Malapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila.

9Kapag kayo ay nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak, sapagkat kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, ngunit ang wakas ay hindi kaagad na magaganap.”

10At sinabi niya sa kanila, “Titindig ang isang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian.

11Magkakaroon ng mga malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot. Magkakaroon ng mga kakila-kilabot na pangyayari at mga dakilang palatandaan mula sa langit.

12Ngunit bago ang lahat ng ito, dadakipin nila kayo at uusigin, ibibigay kayo sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, dadalhin kayo sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

13Ito ay magbibigay-daan ng pagkakataon para sa inyong patotoo.

14Kaya pagtibayin ninyo sa inyong puso na huwag ihanda ang inyong isasagot nang maagang panahon,

15sapagkat ibibigay ko sa inyo ang mga salita at karunungan, na hindi malalabanan at matutulan ng lahat ng iyong kaaway.

16Ngunit kayo ay ibibigay din ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan, at papatayin nila ang iba sa inyo.

17Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan.

18Ngunit hindi mawawala kahit isang buhok sa inyong ulo.

19Sa inyong pagtitiis ay makakamtan ninyo ang inyong mga kaluluwa.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY