Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Jerusalem

Ang mga Saduceo at ang muling pagkabuhay

Mat 22:23–33 · Mar 12:18–27 · Luc 20:27–40

Mateo

Mat 22:23–33

23Sa araw na iyon ilan sa mga Saduseo na mga nagsasabi na walang muling pagkabuhay ay pumunta sa kaniya. Tinanong nila siya,

24na nagsasabi, “Guro, sinabi ni Moises na, 'Kung ang tao ay mamatay, na walang anak, kailangang pakasalan ng kapatid niya ang kaniyang asawa at magkaroon ng anak alang-alang sa kaniyang kapatid.'

25Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang panganay ay nag-asawa at namatay, at hindi nagkaanak. Iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalaki.

26At ang pangalawang kapatid na lalaki gayon din ang ginawa niya, at ang pangatlo, hanggang sa pampitong kapatid na lalaki.

27Pagkatapos nilang lahat, namatay din ang babae.

28Ngayon sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya sa pitong magkakapatid? Sapagkat siya ay naging asawa nilang lahat.”

29Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang mga kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos.

30Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin. Sa halip, sila ay katulad ng mga anghel sa langit.

31Ngunit tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nababasa kung ano ang sinabi sa inyo ng Diyos, na nagsasabi,

32'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob'? “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kung hindi ng mga buhay.”

33Nang mapakinggan ito ng mga tao, sila ay namangha sa kaniyang katuruan.

Marcos

Mar 12:18–27

18Pagkatapos pumunta sa kaniya ang mga Saduceo na nagsasabing walang pagkabuhay muli. Tinanong nila siya na nagsasabi,

19“Guro, sumulat si Moises para sa atin, 'Kung namatay ang kapatid na lalaki ng isang lalaki at maiwan niya ang asawa, ngunit walang anak, kailangang kunin ng lalaki ang asawa ng kaniyang kapatid, at magkaroon ng mga anak para sa kaniyang kapatid.'

20Mayroong pitong magkakapatid na lalaki; ang una ay nakapangasawa at pagkatapos ay namatay na walang naiwang anak.

21Pagkatapos kinuha siya upang mapangasawa ng ikalawa at namatay na walang naiwang anak. At gayundin ang ikatlo.

22At walang naiwang anak ang pito. Sa huli namatay din ang babae.

23Sa muling pagkabuhay, kapag sila ay bumangon muli, sino ang kaniyang magiging asawa? Gayong napangasawa niya ang lahat ng pitong magkakapatid.”

24Sinabi ni Jesus, “Hindi ba ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, dahil hindi ninyo nalalaman ang kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos?

25Sapagkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa o makapag-aasawa, ngunit katulad sila ng mga anghel sa langit.

26Ngunit tungkol sa mga patay na ibinangon, hindi ba ninyo nabasa sa Aklat ni Moises, sa salaysay tungkol sa mababang punong kahoy, kung paano nangusap sa kaniya ang Diyos at sinabi, 'Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob?'

27Hindi siya ang Diyos ng mga patay, ngunit ng mga buhay. Nagkakamali kayo.

Lucas

Luc 20:27–40

27Nang magpunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay,

28tinanong nila siya, sinabi, “Guro, sumulat si Moises sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay namatay, na may asawa, at walang anak, dapat kunin ng lalaki ang asawa ng kaniyang kapatid, at magkaroon ng anak para sa kaniyang kapatid.

29May pitong magkakapatid na lalaki at nag-asawa ang panganay, ngunit namatay nang walang anak,

30at ganoon din ang pangalawa.

31Napangasawa ng ikatlong kapatid ang babae, at ganoon din ang pito ay hindi nag-iwan ng mga anak, at namatay.

32Pagkatapos ang babae ay namatay din.

33Sa muling pagkabuhay, kaninong asawa ang babae? Sapagkat siya ay naging asawa ng pito?

34Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga anak na lalaki ng mundong ito ay mag-aasawa at ibinibigay upang makapangasawa.

35Ngunit ang mga nahatulan na karapat-dapat na tumanggap ng muling pagkabuhay mula sa mga patay at pumasok sa walang hanggang ay hindi mag-aasawa at hindi ibinibigay upang makapangasawa.

36At hindi na rin sila mamamatay, sapagkat kapantay nila ang mga anghel at sila ay mga anak ng Diyos, bilang mga anak ng muling pagkabuhay.

37Ngunit ang mga patay ay binuhay na muli, maging si Moises ay ipinakita niya, sa lugar ng mababang punong kahoy, na tinawag niya ang Panginoon na ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.

38Ngayon, hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sapagkat ang lahat ay nabubuhay sa kaniya.”

39Sumagot ang ilan sa mga eskriba, “Guro, mahusay ang iyong sagot,”

40At hindi na sila nangahas pang magtanong sa kaniya ng anumang tanong.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY