Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 21
Kalendaryong Orthodox · Abril 8 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Abril 21, 2027
Miyerkules · Ikaanim na linggo ng Dakilang Kuwaresma · Tono 5
Mga kapistahan at mga santo
Mga Apostol mula sa Pitumpu Herodion, Agabo, Asincrito, Rufo, Flegonte, Hermes at ang mga kasama nila (ika-1 siglo)
Dakilang Kuwaresma
Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ikaanim na Oras
1“Umiyak ka ng malakas, huwag mong pigilin, lakasan mo ang iyong tinig katulad ng isang trumpeta, harapin mo ang aking bayan sa kanilang pagrerebelde, at ang angkan ni Jacob kasama ng kanilang mga kasalanan. 2Gayun pa man ako ay sinisiyasat nila araw-araw at nasisiyahan sa kaalaman ng aking mga paraan, katulad ng isang bansa na isinasabuhay ang katuwiran at hindi tinalikuran ang batas ng kanilang Diyos. Sila ay humingi sa akin ng makatuwirang mga paghatol; sila ay nasisiyahan na lumalapit sa Diyos. 3Bakit tayo nag-ayuno; sinabi nila, “pero hindi ninyo nakikita ito? Bakit tayo nagpakumbaba, pero hindi ninyo napapansin?” Pagmasdan ninyo, sa araw ng inyong pag-aayuno ang sarili ninyong kasiyahan ang inyong hinahanap at pinapahirapan ang lahat ng inyong mga manggagawa. 4Pagmasdan ninyo, kayo ay nag-aayuno para makipag-away at makipag-laban, at para sumuntok sa pamamagitan ng inyong kamaong makasalanan; hindi kayo nag-aayuno ngayon para marinig ang inyong tinig sa kaitaasan. 5Ito ba talaga ang uri ng pag-aayuno na ninanais ko: Isang araw para sinuman ang magpakumbaba, para iyuko niya ang kaniyang ulo tulad ng isang tambo, at para ilatag ang magaspang na tela at mga abo sa ilalim niya? Ito ba talaga ang tinatawag mong isang pag-aayuno, isang araw na nakalulugod kay Yahweh? 6Hindi ba ito ang pag-aayuno na pinili ko: na palayain ang mga masamang pagkakagapos, na kalagin ang mga lubid ng pamatok, na palayain ang mga dinurog, at baliin ang bawat pamatok? 7Hindi ba ito para ipamahagi ang inyong tinapay sa nagugutom at dalhin ang dukha at walang tahanan sa inyong bahay?” Kapag nakakita kayo ng isang taong nakahubad, dapat ninyo siyang bihisan; at hindi ninyo dapat itago ang inyong sarili mula sa sarili ninyong mga kamag-anak. 8Pagkatapos ang inyong liwanag ay magbubukas tulad ng pagsikat ng araw, at mabilis na manunumbalik ang inyong kagalingan; pangungunahan kayo ng inyong katuwiran, at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay maaari ninyong maging bantay sa inyong likuran. 9Pagkatapos kayo ay tatawag, at si Yahweh ay sasagot; kayo ay tatangis para tulungan, at kaniyang sasabihin, “Naririto ako.” Kung aalisin ninyo mula sa inyong mga sarili ang pamatok, ang nagpaparatang na daliri, at ang pananalita ng kasamaan, 10kung kayo mismo ay nagbibigay para sa nagugutom at tumutugon sa pangangailangan ng nagdurusa; sa gayon ang inyong liwanag ay sisikat sa kadiliman, at ang inyong kadiliman ay magiging katulad sa katanghalian. 11Kung ganoon patuloy kayong pagungunahan ni Yahweh at bibigyan kayo ng kasiyahan sa mga rehiyon kung saan walang tubig, at palalakasin niya ang inyong mga buto. Kayo ay magiging katulad ng isang nadiligang hardin, at katulad ng isang bukal ng tubig, na hindi natutuyuan ng tubig kailanman.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
26Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila ang mga regalo na nasa kamay nila doon sa bahay, at sila'y yumuko sa harapan niya sa sahig. 27Tinanong niya sila tungkol sa kanilang kalagayan at nagsabing, “Mabuti ba ang kalagayan ng inyong ama, ang matanda na inyong binabanggit? Buhay pa ba siya?” 28Sila ay nagsalita, “Ang iyong lingkod ang aming ama ay mabuti naman. Siya ay buhay pa.” Sila ay dumapa at yumuko. 29Itinuon niya ang kanyang mga mata pataas at nakita si Benjamin ang kanyang kapatid na lalaki, ang anak ng kanyang ina, na nagsasabing, “Ito ba ang sinasabi mong nakababatang kapatid mo na iyong binabanggit sa akin? Sinabi niya, “Ang Diyos ay maging maawain sa iyo, aking anak”. 30Nagmamadali si Jose na lumabas sa loob, dahil labis siyang naantig tungkol sa kanyang kapatid na lalaki. Naghanap siya ng lugar upang iyakan. Pumunta siya sa kanyang silid at doon umiyak. 31Naghilamos siya at lumabas. Pinigilan niya ang kanyang sarili, na nagsasabing “Ihain na ang pagkain”. 45:1Pagkatapos hindi nakapagpigil si Jose sa kanyang sarili sa harapan ng lahat ng mga lingkod na nakatayo sa kanyang tabi. Sinabi niya ng malakas, “Iwanan ninyo akong lahat.” Kaya walang lingkod na nakatayo sa tabi niya nang siya ay nagpakilala sa kanyang mga kapatid na lalaki. 2Umiyak siya ng malakas, narinig ito ng mga taga-Ehipto at ang tahanan ng Paraon ay nakarinig ito. 3Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Ako si Jose. Buhay pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid na lalaki ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila ay nabigla sa kanyang presensiya. 4Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pakiusap, lumapit kayo sa akin.” Lumapit sila. Sinabi niya, “Ako si Jose ang inyong kapatid na lalaki, na inyong ipinagbili sa Ehipto. 5At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo. 6Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani. 7Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan. 8Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto. 9Magmadali kayo at umakyat patungo sa aking ama at sabihin sa kanya 'Ito ang sinabi ng inyong anak na si Jose, ginawa ako ng Diyos na amo ng buong Ehipto. Bumaba ka dito sa akin at huwag mag-atubili. 10Maninirahan ka sa lupain ng Gosen at nang ikaw ay mapalapit sa akin, ikaw at ang iyong mga anak at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga hayop at ang iyong mga baka, at ang lahat ng nasa iyo. 11Tutustusan kita doon sapagkat mayroon pang limang mga taon na tagtuyot upang hindi ka humantong sa kahirapan, ikaw, ang iyong tahanan, at ang lahat ng nasa iyo.' 12Tingnan ninyo, nakikita ng inyong mga mata, at mga mata ng aking kapatid na lalaki na si Benjamin, na itong aking bibig ang nakikipag-usap sa inyo. 13Sasabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng aking kapangyarihan sa Ehipto, at ang lahat ng inyong mga nakita. Magmamadali kayo at dalhin ang aking ama dito.” 14Niyakap niya ang kanyang kapatid na si Benjamin sa leeg at umiyak, at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg. 15Hinagkan niya ang lahat ng kanyang mga lalaking kapatid at umiyak sa kanila. Pagkatapos noon nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki. 16Ang balita tungkol dito ay sinabi sa bahay ng Paraon: “Dumating ang mga lalaking kapatid ni Jose.” Ito ay labis na ikinalugod ng Paraon at ng kanyang mga lingkod.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
23Sinumang nagbabantay sa kaniyang bibig at dila ay nag-iingat na hindi makasali sa gulo. 24Ang hambog at mapagmataas na tao - “mangungutya” ang kaniyang pangalan - kumikilos nang may pagmamataas na kayabangan. 25Ang pagnanais ng tamad ay pumapatay sa kaniyang sarili, dahil ang kaniyang mga kamay ay tumatanggi sa pagtatrabaho. 26Buong araw siyang nagmimithi at nagmimithi nang labis, ngunit ang isang gumagawa ng tama ay nagbibigay at hindi nagpipigil. 27Ang alay ng masamang tao ay kasuklam-suklam; ito ay mas kasuklam-suklam pa kapag dinala niya ito ng may masasamang motibo. 28Ang hindi totoong saksi ay mamamatay, ngunit ang isang nakikinig ay magsasalita sa lahat ng oras. 29Ang masamang lalaki ay ginagawa ang sarili na tila malakas, pero ang matuwid na tao ay maingat sa kaniyang mga kilos. 30Walang karunungan, pag-unawa o payo na kayang makatalo kay Yahweh. 31Ang kabayo ay handa para sa araw ng labanan, ngunit kay Yahweh ang tagumpay ay nabibilang. 22:1Ang isang magandang pangalan ay dapat piliin higit pa sa labis na kayamanan, at mas mainam ang kagandahan ng loob kaysa sa pilak at ginto. 2Ang mayaman at mahirap na mga tao ay mayroong pagkakatulad— si Yahweh ang tagapaglikha nilang lahat. 3Ang isang marunong na tao ay nakikita ang kaguluhan at itinatago ang kaniyang sarili, pero ang walang karanasan na mga tao ay magpapatuloy at magdurusa dahil dito. 4Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot kay Yahweh ay kayamanan, karangalan at buhay.
Mga santo ng araw
- Paring Martir Sergio, pari (1933)
- Banal na Hirarka Nifon, Obispo ng Novgorod (1156)
- Kagalang-galang na Rufo, ermitanyong nakakulong ng mga Kuweba ng Kyiv (ika-14 siglo)
- Martir Pausilipo (117-138)
- Banal na Hirarka Celestino, Papa ng Roma (432)
- Ang 600 Kagalang-galang na Martir na mga Ama ng David Gareja (ika-17 siglo)
- Ikon ng Ina ng Diyos ng Shuya na “Hodigitria”
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 8 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 21 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan