Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 15
Kalendaryong Orthodox · Abril 2 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Abril 15, 2027
Huwebes · Ikalimang linggo ng Dakilang Kuwaresma · Tono 4
Mga kapistahan at mga santo
Dakilang Kanon ni San Andres ng Creta
Dakilang Kuwaresma
Pag-aayuno: may langis
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ikaanim na Oras
5Ito ang sinabi ni Yahweh ating Diyos, na siyang lumikha ng kalangitan at naglatag sa kanila; siyang naglatag ng mundo at binigyang buhay ito; siyang nagbigay ng hininga sa mga tao doon, at buhay sa mga namumuhay doon: 6“Ako, si Yahweh, ang tumawag sa iyo sa katuwiran at hahawak sa iyong kamay. Iingatan kita at itatakda kita bilang tipan para sa mga tao, bilang isang liwanag para sa mga dayuhan, 7para buksan ang mga mata ng bulag, para palayain ang mga bilanggo mula sa piitan, at mula sa tahanan ng pagkakulong silang mga nakaupo sa kadiliman. 8Ako si Yahweh, iyon ang aking pangalan; at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibabahagi sa iba ni ang aking papuri sa mga inukit na mga diyus-diyusan. 9Tingnan mo, ang mga nakaraang mga bagay ay nangyari na, ngayon ay ipapahayag ko ang mga bagong kaganapan. Bago sila magsimulang mangyari sasabihin ko sa iyo ang tungkol sa kanila.” 10Umawit kay Yahweh ng bagong awitin, at ang kaniyang kapurihan mula sa dulo ng mundo; ikaw na bumaba sa dagat, at ang lahat ng nakapaloob dito, ang mga baybayin at silang naninirahan doon. 11Hayaan ang disyerto at ang mga lungsod na tumawag, ang mga nayon kung saan na namumuhay ang Cedar, sumigaw ng may kagalakan! Hayaang umawit ang mga nakatira sa Sela; hayaan silang sumigaw mula sa tuktok ng mga bundok. 12Hayaan silang magbigay kaluwalhatian kay Yahweh at magpahayag ng kaniyang papuri sa mga baybayin. 13Si Yahweh ay lalabas bilang isang mandirigma; siya ay magpapatuloy bilang isang lalaking pangdigmaan. Kaniyang ipupukaw ang kasigasigan. Siya ay sisigaw, oo, siya ay hihiyaw ng kaniyang hiyaw na pandigmaan; ipapakita niya sa kaniyang mga kaaway ang kaniyang kapangyarihan. 14Nanahimik ako ng mahabang panahon; ako ay hindi kumibo at nagpigil sa sarili; ngayon iiyak ako gaya ng isang babaeng nanganganak; ako ay maghahabol ng hininga at hihingalin. 15Aking wawasakin ang mga bundok at mga burol at patutuyuin ko ang lahat ng kanilang pananim; at ang mga ilog ay gagawin kong mga isla at patutuyuin ko ang mga sapa. 16Dadalhin ko ang bulag sa daan na hindi nila alam; dadalhin ko sila sa mga landas na hindi nila alam na dadalhin ko sila. Ang kadiliman ay gagawin kong liwanag sa harap nila at itutuwid ang baluktot na mga lugar. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko sila pababayaan.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
20Pagkatapos sinabi ni Yahweh, “Dahil napakarami ng paratang laban sa Sodoma at Gomora, at napakalubha na ng kanilang kasalanan, 21bababa ako ngayon doon at titingnan ko kung kasingsama sila gaya ng paratang sa kanila na sinabi sa akin. Kung hindi man, malalaman ko.” 22Pagkatapos ang mga lalaki ay umalis mula roon at pumunta patungo sa Sodoma, pero nanatiling nakatayo si Abraham sa harapan ni Yahweh. 23Pagtapos lumapit si Abraham at sinabi, “Lilipulin mo ba ang matuwid kasama ang makasalanan? 24Marahil mayroong limampung matuwid sa loob ng lungsod. Lilipulin niyo ba ito at hindi ililigtas ang lugar alang-alang sa kapakanan ng limampung matuwid na naroon? 25Malayong gawin mo ang mga bagay na ito, na patayin ang mga matuwid kasama ang makasalanan, at ituring ang mga matuwid gaya ng mga makasalanan. Malayong gawin mo ito! Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong mundo kung ano ang makatarungan?” 26Sinabi ni Yahweh, “Kung may nakita kang limampung matuwid sa lungsod na iyon, ililigtas ko ang buong lugar para sa kanila.” 27Sumagot si Abraham at sinabi, “Tingnan mo ang aking ginawa, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon, kahit na alikabok at abo lamang ako! 28Paano kung nabawasan ng lima ang limampung matuwid? Wawasakin mo ba ang buong lungsod dahil nabawasan ng lima? At sinabi niya, “Hindi ko ito wawasakin kung may mahanap akong apatnapu't lima.” 29Muli siyang nakipag-usap sa kanya at sinabing, “Paano kung apatnapu ang makita roon? Sumagot siya, “Alang-alang sa apatnapu, hindi ko ito gagawin.” 30Sinabi niya, “Pakiusap, huwag kayong magagalit Panginoon, para makapagsalita ako. Kung sakali na tatlumpu ang mahanap doon? “Sinabi ng Diyos, “Hindi ko ito gagawin kung may mahanap akong tatlumpu doon.” 31Sinabi niya, “Tingnan mo, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon! Marahil dalawampu ang makita roon.” Tumugon siya, “Hindi ko ito gagawin alang-alang sa dalawampu.” 32Sinabi niya, “Pakiusap, huwag kayong magalit, Panginoon, sasabihin ko ito sa huling pagkakataon. Marahil sampu ang makita roon.” At sinabi niya, “Hindi ko ito wawasakin alang-alang sa sampung natira.” 33Nagtungo na si Yahweh sa kaniyang paroroonan matapos siyang makipag-usap kay Abraham, at bumalik na si Abraham sa kanyang tahanan.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
17Ang daang-bayan ng mga matuwid na tao ay palayo sa kasamaan; ang taong nangangalaga ng kanyang buhay ay nag-iingat sa kanyang landas. 18Nauuna ang kayabangan bago sa kapahamakan at ang mapagmataas na kalooban ay nauuna bago sa isang pagbagsak. 19Mas mabuti pang maging mapagpakumbaba kasama ng mga mahihirap na tao kaysa makipaghatian ng mga nasamsam na bagay sa mga mayayabang na tao. 20Sinumang pinagninilay-nilayan ang itinuturo sa kanila ay makakasumpong nang mabuti at iyong mga nagtitiwala kay Yahweh ay masisiyahan. 21Ang isang marunong sa kanyang puso ay tatawaging marunong makita ang kaibhan, at pinahuhusay ng matamis na pananalita ang kakayahang magturo. 22Ang kaunawaan ay isang bukal ng buhay sa isang mayroon nito, pero ang kaparusahan ng mga hangal ay ang kanilang kahangalan. 23Ang puso ng isang marunong na tao ay nagbibigay ng mahusay na panananaw sa kaniyang bibig at nagdadagdag ng panghihikayat sa kaniyang mga labi. 24Ang kaaya-ayang mga salita ay isang pulot-pukyutan - matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto. 25May daan na tama sa tingin ng isang tao ngunit ang dulo nito ay ang daan sa kamatayan. 26Ang gana ng isang manggagawa ay kapaki-pakinabang sa kaniya, ang kanyang gutom ang patuloy na nagtutulak sa kaniya. 27Ang isang walang kwentang tao ay naghuhukay ng kapilyuhan, at ang kaniyang pananalita ay tulad ng isang nakakapasong apoy. 28Ang isang napakasamang tao ay pumupukaw ng pagtatalo at ang isang tsismoso ay naghihiwalay ng malalapit na magkaibigan. 29Ang isang taong marahas ay nagsisinungaling sa kaniyang kapwa at naghahatid sa kaniya pababa sa isang landas na hindi mabuti. 30Ang isang kumikindat ay nagbabalak ng napakasamang mga bagay; iyong mga nagtitikom ng mga labi ay gagawa ng kasamaan. 31Ang uban ay isang korona ng karangalan; nakukuha ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa tamang paraan. 32Mas mabuting maghinay-hinay sa galit kaysa maging isang mandirigma; ang isang nagpipigil sa kanyang sarili ay mas malakas kaysa sa isang sumasakop sa isang lungsod. 33Ang mga palabunutan ay hinahagis sa kandungan, pero ang kapasyahan ay nagmumula kay Yahweh. 17:1Mas mabuti na magkaroon ng tahimik na may isang subong tuyong tinapay kaysa sa isang bahay na puno ng kapistahan na mayroong pagkaka-alitan. 2Ang isang matalinong alipin ay mamamahala sa isang anak na gumagawa ng kahihiyan at makikibahagi ng mana gaya ng isa sa magkakapatid. 3Ang tunawan ng metal ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto, ngunit dinadalisay ni Yahweh ang mga puso. 4Ang taong gumagawa ng masama ay nakikinig sa mga taong nagsasalita ng kasamaan; Ang sinungaling ay nagbibigay pansin sa mga taong nagsasalita ng mga masasamang bagay. 5Ang sinumang nanglalait sa mahirap ay hinahamak ang kanyang Tagapaglikha, at ang taong nagagalak sa kasawian ay hindi makakaligtas sa kaparusahan. 6Ang mga apo ay korona ng mga matatanda, at ang mga magulang ay nagbibigay dangal sa kanilang mga anak. 7Ang mahusay na pananalita ay hindi angkop para sa isang mangmang; lalong hindi angkop ang mga labing sinungaling para sa isang maharlika. 8Ang suhol ay parang isang mahikang-bato sa isang nagbibigay nito; saan man siya dumako, siya ay magtatagumpay. 9Ang sinumang nagpapaumanhin sa paglabag ay naghahanap ng pagmamahal, pero ang sinumang umuulit sa isang bagay ay nagpapalayo sa mga malalapit na kaibigan. 10Ang pagsaway ay taimtim na tumutungo sa isang tao na may pang-unawa kaysa sa isang daang dagok sa isang hangal. 11Ang masamang tao ay naghahanap lamang ng himagsikan, kaya ang isang malupit na mensahero ay ipapadala laban sa kaniya. 12Mabuti pa na makasalubong ang isang inahing oso na ninakawan ng anak kaysa makatagpo ng isang mangmang sa kanyang kahangalan. 13Kung ang isang tao ay nagbabalik ng masama para sa mabuti, hindi kailanman iiwan ng kasamaan ang kaniyang tahanan. 14Ang simula ng hindi pagkakasundo ay gaya ng isang taong nagpapakawala ng tubig sa lahat ng dako, kaya lumayo ka sa mga pagtatalo bago ito magsimula. 15Ang sinumang nagpapawalang-sala sa mga masasamang tao o humahatol sa mga taong gumagawa ng tama—kapwa ang mga taong ito ay karumal-dumal kay Yahweh. 16Bakit kailangang magbayad ng salapi ang isang mangmang para matuto tungkol sa karunungan, kung wala naman siyang kakayahang matutunan ito? 17Ang kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng oras, at ang kapatid ay isinilang para sa mga oras ng kaguluhan.
Mga santo ng araw
- Kagalang-galang na Tito, Manggagawa ng Himala (ika-9 siglo)
- Mga Martir Anfiano at Edesio (306)
- Martir Policarpo (ika-4 siglo)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 2 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 15 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan