Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 7

Kalendaryong Orthodox · Marso 25 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Abril 7, 2027

Miyerkules · Ikaapat na linggo ng Dakilang Kuwaresma · Tono 3

Mga kapistahan at mga santo

Pagbabalita sa Kabanal-banalang Ina ng Diyos

Dakilang Kuwaresma

Pinapayagan ang isda

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo (Pagbati ng Anghel)

Luc 1:39–49, 56

39Pagkatapos, si Maria ay gumayak noong mga araw na iyon at nagmadaling pumunta sa maburol na bahagi ng lupain, sa isang lungsod sa Judea. 40Siya ay pumunta sa bahay ni Zacarias at binati si Elisabet. 41At nangyari nga nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang bata sa kaniyang sinapupunan at si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42Ang kaniyang tinig ay tumaas at nagsabi nang malakas, “Pinagpala ka sa lahat ng mga babae at Pinagpala din ang bunga ng iyong sinapupunan. 43At bakit ito nangyari sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay kailangan pang pumunta sa akin? 44Sapagkat tingnan mo, nang marinig ko ang iyong pagbati ay tumalon sa galak ang bata sa aking sinapupunan. 45At pinagpala ang siyang nanampalataya na mayroong katuparan ang mga bagay na ipinahayag sa kaniya mula sa Panginoon.” 46Sinabi ni Maria, “Ang kaluluwa ko ay nagpupuri sa Panginoon, 47at ang aking espiritu ay nagalak sa Diyos na aking tagapagligtas.” 48Sapagkat siya ay tumingin sa kababaan ng kaniyang lingkod na babae. Kaya tingnan mo, mula ngayon ang lahat ng salinlahi ay tatawagin akong pinagpala. 49Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa akin, at ang kaniyang pangalan ay banal. 56Nanatili si Maria kina Elisabet sa loob ng mga tatlong buwan at pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang bahay.

Ikaanim na Oras

Isa 26:21–27:9

21Tingnan ninyo, dahil, si Yahweh ay parating na mula sa kaniyang lugar para parusahan ang mga naninirahan sa mundo dahil sa kanilang kasalanan; ihahayag ng mundo ang pagdanak ng kaniyang dugo, at hindi na itatago ang kaniyang patay. 27:1Sa araw na iyon si Yahweh at ang kaniyang matigas, malaki at mabalasik na espada ay parurusahan ang Leviatan, ang madulas na ahas, ang Leviatan na namamaluktot na ahas, at papatayin niya ang halimaw na nasa dagat. 2Sa araw na iyon: Isang ubasan ng alak, aawit nito. 3“Ako si Yahweh, ang tagapag-ingat nito; dinidiligan ko ito bawat sandali; para walang manakit dito, binabantayan ko ito sa gabi at araw. 4Hindi ako galit, dahil mayroon mga dawag at tinik! Sa digmaan nagmamartsa ako laban sa kanila; susunugin ko silang lahat ng magkakasama; 5kung hahawakan nila ng maiigi ang aking pag-iingat at makipag kasundo sa akin; hayaan silang makipag kasundo sa akin. 6Sa darating na araw, lalalim ang ugat ni Jacob; at ang Israel ay mamumulaklak at uusbong; at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng lupa.” 7Nilusob ba ni Yahweh si Jacob at Israel gaya ng pagsugod niya sa mga bansa? Si Jacob ba at Israel ay pinatay gaya ng pagpatay sa bayan na kanilang pinatay? 8Sa wastong panukat ikaw ay nakipaglaban, itinaboy si Jacob at ang Israel palayo; hinayaan mo silang matangay palayo sa pamamagitan ng iyong matinding hangin, sa araw ng hanging silanganan. 9Sa ganitong paraan, ang matinding kasalanan ni Jacob ay mapapawalang sala, dahil ito ang magiging buong bunga sa pagtalikod niya sa kaniyang kasalanan: Gagawin niyang tisa at ginawang pulbos ang lahat ng altar na bato at walang mga poste ni Asera o mga altar ng insenso ang mananatiling nakatayo.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Gen 9:18–10:1

18Ang mga anak ni Noe na lumabas sa arka ay sina Sem, Ham at Jafet. At si Ham ay ama ni Canaan. 19Ito ang tatlong anak ni Noe, at mula sa mga ito dumami ang tao sa buong mundo. 20Nagsimulang maging magsasaka si Noe, at nagtanim siya ng ubasan. 21Uminom siya ng kaunting alak at nalasing. Siya ay nakahigang walang damit sa kanyang tolda. 22Pagkatapos si Ham, na ama ni Canaan, ay nakita ang kahubaran ng kanyang ama at sinabi ito sa kanyang dalawang kapatid na nasa labas. 23Kaya kumuha si Sem at Jafet ng damit at inilagay ito sa parehong balikat nila, at patalikod na lumakad at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama. Ang kanilang mga mukha ay lumihis sa ibang direksyon, kaya hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama. 24Nang nagising si Noe mula sa kanyang kalasingan, nalaman niya kung ano ang ginawa ng kanyang bunsong anak na lalaki sa kanya. 25Kaya sinabi niya, “Sumpain si Canaan. Maging isang lingkod sana siya sa mga lingkod ng kanyang mga kapatid.” 26Sinabi rin niya, “Nawa si Yahweh, ang Diyos ni Shem, ay pagpalain at nawa si Canaan ay kanyang maging lingkod. 27Palawakin nawa ng Diyos si Jafet, at hayaan siyang gumawa ng kanyang tahanan sa mga tolda ni Shem. Maging alipin nawa niya si Canaan.” 28Matapos ang baha, nabuhay si Noe ng tatlondaan at limampung taon. 29Nabuhay si Noe sa loob ng siyam na raan at limampung taon, at siya ay namatay. 10:1Ito ang mga kaapu-apuhan ng mga anak na lalaki ni Noe, iyon ay, sina Sem, Ham at Jafet. Nagkaanak sila ng mga lalaki pagkatapos ng baha.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 12:23–13:9

23Itinatago ng taong maingat ang kaniyang kaalaman, pero ang puso ng hangal ay sumisigaw ng kamangmangan. 24Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho. 25Ang pangamba sa puso ng tao ay nagpapabigat sa kaniya, ngunit nagpapagalak ang mabuting salita. 26Ang matuwid ay gabay sa kaniyang kaibigan, pero ang paraan ng masama ay nag-aakay sa kanila sa lihis na daan. 27Ang mga tamad ay hindi niluluto ang kanilang sariling huli, pero ang matiyaga ay magkakaroon pa ng yamang natatangi. 28Ang mga lumalakad sa tamang daan, buhay ang nasusumpungan at sa kaniyang landas ay walang kamatayan. 13:1Ang matalinong anak ay nakikinig sa tagubilin ngunit ang manunuya ay hindi makikinig sa pagtutuwid. 2Mula sa bunga ng kaniyang bibig, sa mga mabubuting bagay ang isang tao ay nasisiyahan, pero ang gana ng taksil ay para sa karahasan. 3Ang binabantayan ang kaniyang bibig ay pinapangalagaan ang kaniyang buhay, pero sisirain ang sarili nang nagbubukas ng labi ng maluwang. 4Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana. 5Napopoot sa mga kasinungalingan ang siyang gumagawa ng tama, pero ang isang masamang tao ay ginagawang kamuhi-muhi ang sarili, at ginagawa niya kung ano ang kahiya-hiya. 6Silang walang kapintasan sa kanilang landas ay ipinagtatanggol ng katuwiran, ngunit ang kasamaan ay inililigaw ang mga gumagawa ng kasalanan. 7May isang tao na pinayayaman ang sarili, pero halos walang-wala, at may isang tao na pinamimigay ang lahat ng bagay, pero siyang tunay na masagana. 8Ang taong mayaman ay maaaring tubusin ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga ari-arian, pero ang taong mahirap ay hindi makatatanggap ng ganiyang uri ng pagbabanta kailanman. 9Ang ilaw nang gumagawa ng matuwid ay nagsasaya, pero papatayin ang lampara ng masama.

Panalangin sa Gabi: pagbasa (Pagbati ng Anghel)

Exo 3:1–8

1Ngayon si Moises ay nagpapastol pa rin ng kawan ng biyenan niyang si Jetro, ang pari ng Midian. Pinangunahan ni Moises ang kawan sa malayong dako ng ilang at dumating sa Horeb, ang bundok ng Diyos. 2Doon ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kaniya sa isang nagliliyab na apoy sa mababang puno. Tumingin si Moises at nakita na nagliliyab ang puno pero ito ay hindi nasusunog. 3Sinabi ni Moises, “Lilingon ako at titingnan ang kahanga-hangang bagay na ito, bakit ang puno ay hindi nasusunog.” 4Nang makita ni Yahweh na lumingon si Moises para tingnan, tumawag ang Diyos sa kaniya mula sa mababang puno at sinabi, “Moises, Moises.” Sinabi ni Moises, “Narito po ako.” 5Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit! Hubarin mo ang sapatos sa iyong mga paa, dahil ang lugar na kinatatayuan mo ay lupang inilaan sa akin.” 6Dagdag pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Pagkatapos tinakpan ni Moises ang kaniyang mukha, dahil takot siyang tumingin sa Diyos. 7Sinabi ni Yahweh, “Tunay na nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan na nasa Ehipto. Narinig ko ang kanilang pagsigaw dahil sa kanilang mahihigpit na tagapangasiwa, dahil alam ko ang tungkol sa kanilang pagdurusa. 8Bumaba ako para palayain sila mula sa kapangyarihan ng mga taga-Ehipto at dalhin sila mula sa lupaing iyon patungo sa mabuti at malawak na lupain, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot; sa rehiyon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo.

Panalangin sa Gabi: pagbasa (Pagbati ng Anghel)

Kaw 8:22–30

22Nilikha ako ni Yahweh mula pa noong pasimula — ang una sa kaniyang mga ginawa noong unang panahon. 23Mula pa noong unang panahon, inilagay na ako sa pagkalalagyan—mula ng una, mula pa sa pasimula ng mundo. 24Bago pa magkaroon ng mga karagatan, ako ay isinilang na—bago pa magkaroon ng mga bukal na may masaganang tubig, bago pa ilagay ang mga bundok, 25at bago pa ang mga burol, ako ay ipinanganak na. 26Ipinanganak na ako bago pa likhain ni Yahweh ang lupa o mga bukirin, o kahit ang unang alikabok sa mundo. 27Naroon na ako nang naitatag niya ang kalangitan, nang kaniyang ginuhit ang hangganan sa ibabaw ng kailaliman. 28Naroon na ako nang naitatag niya ang mga kalangitan sa itaas at nang ginawa niya ang mga bukal sa kalaliman. 29Naroon na ako nang ginawa niya ang hangganan para sa dagat, kaya ang katubigan ay hindi kumalat lagpas kung saan niya iniutos, at kung saan niya inutos ilagay ang mga pundasyon ng lupa. 30Ako ay nasa tabi niya, bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang kanyang kasiyahan sa araw araw, laging nagagalak sa harap niya.

Sulat (Pagbati ng Anghel)

Heb 2:11–18

11Sapagkat parehong ang tagapaghandog at mga ihinahandog ay iisa lang ang pinanggalingan, ang Diyos. Dahil dito, ang tagapaghandog nila sa Diyos ay hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12Sinasabi niya, “Ipapahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, aawitin ko ang tungkol saiyo sa loob ng pagpupulong.” 13At sinasabi niyang muli, “Magtitiwala ako sa kaniya.” At muli, “Masdan ninyo, heto ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.” 14Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila. 16Sapagkat tunay nga na hindi ang mga anghel ang tinutulungan niya. Sa halip, tinutulungan niya ang mga kaapu-apuhan ni Abraham. 17Kaya kinakailangan niyang maging katulad ng kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya ay maging maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay para sa Diyos, at upang maaari niyang makamit ang kapatawaran para sa kasalanan ng mga tao. 18Dahil si Jesus mismo ay naghirap, noong siya ay tinukso, kaya niyang tulungan ang mga natukso.

Ebanghelyo (Pagbati ng Anghel)

Luc 1:24–38

24Pagkatapos ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay nagbuntis. Siya ay nanatili sa kaniyang bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi niya, 25“Ito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang tiningnan niya ako nang may biyaya upang tanggalin ang aking kahihiyan sa harapan ng ibang tao.” 26Ngayon sa kaniyang ikaanim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod sa Galilea na ang pangalan ay Nazaret, 27sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa lalaking nagngangalang Jose. Siya ay kabilang sa angkan ni David at ang pangalan ng birhen ay Maria. 28Siya ay lumapit sa kaniya at sinabi, “Binabati kita, ikaw ay lubos na pinagpala! Ang Panginoon ay nasa iyo.” 29Ngunit siya ay lubhang naguluhan sa kaniyang sinabi at siya ay namangha kung anong uri ng pagbati ito. 30Sinabi ng anghel sa kaniya, “Huwag kang matakot, Maria, dahil ikaw ay nakatanggap ng biyaya sa Diyos.” 31At makikita mo, ikaw ay magbubuntis sa iyong sinapupunan at magsisilang ng isang anak na lalaki. Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na 'Jesus'. 32Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ang Panginoong Diyos ang magbibigay sa kaniya ng trono ng kaniyang ninunong si David. 33Siya ay maghahari sa mga angkan ni Jacob magpakailanman, at walang katapusan ang kaniyang kaharian.” 34Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito, yamang hindi pa naman ako nakitabi kasama ang sinumang lalaki?” 35Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya, “Ang Banal na Espirito ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay mapapasaiyo. Kaya ang banal na isisilang, ay tatawaging Anak ng Diyos. 36At tingnan mo, ang iyong kamag-anak na si Elisabet ay nagbuntis din ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito na ang kaniyang ikaanim na buwan, siya na tinawag na baog. 37Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.” 38Sinabi ni Maria, “Tingnan mo, ako ay babaeng lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong mensahe.” At iniwan na siya ng anghel.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Abril 7

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Marso 25 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 7 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan