Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Marso 2027 › Marso 11

Kalendaryong Orthodox · Pebrero 26 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Marso 11, 2027

Huwebes · Sanlinggo ng pag-iwas sa keso · Tono 7

Mga kapistahan at mga santo

Huwebes ng linggo ng pag-iwas sa keso

Sanlinggo ng keso

Walang karne; pinapayagan ang gatas, itlog at isda

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Sulat

Jud 1:11–25

11Kaawa-awa sila! Dahil sila ay lumakad sa daan ni Cain, at nahulog sa pagkakamali ni Balaam. Sila ay namatay sa paghihimagsik ni Kora. 12Ang mga ito ang siyang tinik sa inyong mga pista ng pag-ibig, nagpipista na walang kahihiyan, kumakain lamang para sa kanilang mga sarili. Sila ay mga ulap na walang tubig, tinatangay ng hangin, puno sa taglagas na walang bunga- dalawang beses namatay, binunot sa ugat- 13marahas na mga alon ng dagat, na bumubulang palabas sa kanilang sariling kahihiyan, gumagala na mga tala—na sa kaitiman ng kadiliman ay nakalaan ang magpakailanman. 14Si Enoc, ang ika-pito sa linya mula kay Adan, nagpahayag tungkol sa kanila, na sinasabing, “Pagmasdan ninyo! Ang Panginoon ay darating kasama ang libo-libong mga banal, 15upang magsagawa ng paghuhukom sa bawat isa, at hatulan ang lahat ng hindi maka-diyos sa kanilang mga ginagawa at pamamaraan, at sa lahat ng mga magaspang na pananalita na binigkas ng mga makasalanan laban sa Diyos. 16Ito ay ang mga bumubulong-bulong, mga mareklamo, silang mga sumusunod sa kanilang masasamang pagnanasa, maingay na mga hambog, at sila na nang-uuto para sa sariling kapakinabangan. 17Pero kayo, mga minamahal, alalahanin ang mga salitang sinabi sa inyo noon ng mga apostol ng Panginoong Jesu-Cristo. 18Sinabi nila sa inyo, “ Sa huling panahon, may mga mangungutya na sinusunod ang kanilang sariling hindi maka-diyos na pagnanasa.” 19Ang mga taong ito ay dahilan ng pagkaba-bahagi, pinamumunuan ng makamundong pagnanasa, at wala sa kanila ang Espiritu. 20Pero kayo, mga minamahal, habang tinataguyod ninyo ang inyong mga sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at habang nananalangin kayo sa Banal na Espiritu, 21panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos at hintayin ang awa ng ating Panginoong Jesu-Cristo na nagdadala sa inyo ng buhay na walang hanggan. 22Magpakita ng habag sa mga nag-aalinlangan. 23Iligtas ang iba sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy. Sa iba magpakita ng habag na may takot, kamumuhian kahit na ang damit na nabahiran ng laman. 24Ngayon sa kanya na may kakayanang ilayo kayo sa pagkakatisod, at dahilan upang tayo ay makatayo sa harapan ng kanyang maluwalhating presensya, walang dungis at may labis na kagalakan, 25sa tanging Diyos ating tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ating Panginoon, ang kaluwalhatian, kadakilaan, kataas-taasan, kapangyarihan-bago sa lahat ng panahon, at ngayon, at magpakailanman. Amen.

Ebanghelyo

Luc 23:1–34, 44–56

1Ang buong kapulungan ay tumayo, at dinala si Jesus sa harapan ni Pilato. 2Nagsimula silang paratangan siya, sinasabi, “Nalaman na inaakay ng taong ito ang aming bansa sa kasamaan, ipinagbabawal niyang magbigay ng buwis kay Ceasar, at sinasabing siya mismo ang Cristo, na isang hari.” 3Tinanong siya ni Pilato, sinasabi, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinagot siya ni Jesus at sinabi, “Ikaw na ang may sabi.” 4Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa maraming tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” 5Ngunit sila ay nagpupumilit, sinasabi, “Ginugulo niya ang mga tao, nagtuturo sa buong Judea, mula sa Galilea maging sa lugar na ito.” 6Kaya nang marinig ito ni Pilato, tinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. 7Nang malaman niyang nasa ilalim siya ng pamumuno ni Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem din sa mga araw na iyon. 8Nang makita ni Herodes si Jesus, labis siyang natuwa, dahil matagal na niya itong nais makita. Nakarinig siya ng tungkol sa kaniya at ninais niyang makakita ng ilang himala na ginawa niya. 9Maraming itinanong si Herodes kay Jesus, ngunit walang isinagot si Jesus sa kaniya. 10Tumayo ang mga punong pari at mga eskriba, marahas siyang pinaparatangan. 11Inalipusta siya ni Herodes kasama ng kaniyang mga kawal, at kinutya siya, at dinamitan siya ng magandang kasuotan, at ipinadala si Jesus pabalik kay Pilato. 12Naging magkaibigan sina Herodes at Pilato sa araw ding iyon (dati silang magkaaway.) 13Tinipon ni Pilato ang mga punong pari at ang mga pinuno at ang napakaraming tao, 14at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo ang taong ito sa akin na tila isang taong pinangungunahan ang mga tao upang gumawa ng masama, at tingnan ninyo, tinanong ko siya sa harapan ninyo, wala akong nakitang kasalanan sa taong ito tungkol sa mga bagay na inyong ipinaparatang sa kaniya. 15Wala, kahit si Herodes, sapagkat siya ay ipinabalik niya sa atin, at tingnan ninyo, wala siyang ginawang karapat-dapat ng kamatayan. 16Kaya parurusahan ko siya, at pakakawalan siya. 17(Ngayon, sa pista, kailangang magpalaya ni Pilato ng isang bilanggo para sa mga Judio.) 18Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, sinasabi, “Alisin ninyo ang taong ito, at palayain si Barabbas para sa amin!” 19Si Barabbas ay isang taong ibinilanggo dahil sa pagrerebelde sa lungsod at dahil sa pagpatay. 20Kinausap ulit sila ni Pilato, ninanais na palayain si Jesus. 21Ngunit sumigaw sila, sinasabi, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.” 22Sinabi niya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit, anong masamang ginawa ng taong ito? Wala akong natagpuan upang siya ay marapat na parusahan ng kamatayan. Kaya, pagkatapos niyang maparusahan, pakakawalan ko siya.” 23Ngunit sila ay mapilit na may malalakas na tinig, hinihiling na ipapako siya krus. At nahikayat si Pilato ng kanilang mga tinig. 24Kaya nagpasya si Pilato na ibigay ang kanilang kahilingan. 25Pinalaya niya ang taong hiniling nila, na ibinilanggo dahil sa panggugulo at pagpatay. Ngunit ibinigay niya si Jesus ayon sa kalooban nila. 26Nang siya inilalayo nila, sinunggaban nila ang isang Simon na taga-Cirene, na nanggaling sa kabukiran, at pinapasan nila ang krus sa kaniya upang buhatin niya, na sumusunod kay Jesus. 27Siya ay sinusundan ng napakaraming tao, at mga kababaihang nagdadalamhati at tumatangis dahil sa kaniya. 28Ngunit lumingon si Jesus sa kanila, at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, ngunit tangisan ninyo ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29Dahil tingnan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, 'Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nanganak, at ang mga suso na hindi nagpasuso.' 30Sa panahong iyon sasabihin nila sa mga bundok, 'Bumagsak kayo sa amin,' at sa mga burol, 'Tabunan ninyo kami.' 31Sapagkat kung gagawin nila ang mga bagay na ito habang ang puno ay berde, anong magyayari kapag tuyo na ito?” 32May iba pang dalawang lalaking na mga kriminal ang dinala kasama niya upang patayin. 33Nang makarating sila sa lugar na kung tawagin ay Bungo, doon ay kanilang ipinako siya sa krus kasama ang mga kriminal, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa. 34Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” At sila ay nagsapalaran, hinati-hati ang kaniyang kasuotan. 44Nang pasapit na ang Ika-anim na oras, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras 45habang nagdidilim ang araw. Pagkatapos, nahati sa gitna ang kurtina ng templo. 46At si Jesus, na may malakas na tinig ay nagsabi, “Ama, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu sa iyong mga kamay.” Pagkasabi niya nito, siya ay namatay. 47Nang makita ng senturion ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos, sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito.” 48Nang ang mga bagay na naganap ay nakita ng napakaraming taong sama-samang dumating upang saksihan ang pangyayaring ito, nagsi-uwian sila na dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 49Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, at ang mga babaing sumunod sa kaniya mula sa Galilea, ay nakatayo sa di-kalayuan, pinapanood ang mga bagay na ito. 50Masdan ninyo, may isang lalaking nagngangalang Jose, na kabilang sa Konseho, isang mabuti at matuwid na tao 51(hindi siya sumang-ayon sa kanilang pasya at sa kanilang ginawa), mula sa Arimatea, isang Judiong lungsod, na siyang naghihintay sa kaharian ng Diyos. 52Ang taong ito ay lumapit kay Pilato, hiningi ang katawan ni Jesus. 53Ibinababa niya ito, at binalot ito ng pinong lino, at inilagay siya sa isang libingang inukit sa bato, na hindi pa napaglilibingan. 54Noon ay ang Araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang Araw ng Pamamahinga. 55Ang mga babaing kasama niyang lumabas sa Galilea ay sumunod, at nakita ang libingan at kung paano inilagay ang kaniyang katawan. 56Sila ay umuwi, at naghanda ng mga pabango at mga pamahid. At sa araw ng Pamamahinga, sila ay nagpahinga ayon sa kautusan.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Marso 11

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Pebrero 26 sa kalendaryo ng simbahan ay Marso 11 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan