Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Oktubre 2026 › Oktubre 31
Kalendaryong Orthodox · Oktubre 18 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Oktubre 31, 2026
Sabado · Ika-22 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 4
Mga kapistahan at mga santo
Apostol at Ebanghelista Lucas (ika-1 siglo)
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Na kung alinman mula sa simula- na aming narinig, na nakita ng aming mga mata, na aming natunghayan, at nahawakan ng aming mga kamay-patungkol sa Salita ng buhay. 2At ang buhay ay nagawang ipaalam, at aming nakita, at nasaksihan, at hinayag sa inyo ang buhay na walang hanggan, na noon ay kasama ng Ama, at nagawang ipaalam sa amin. 3Iyon na aming nakita at narinig inihayag din namin sa inyo, sa gayon ay magkaroon kayo ng pakikisama sa amin, at ang aming pakikisama ay kasama ang Ama at kasama ang kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4At sinulat namin ang mga bagay na ito sa inyo upang ang aming kagalakan ay maging ganap. 5Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Ako, si Santiago, isang alagad ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang tribu na nasa pangangalat. 2Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan. 5Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at pabagu-bago sa lahat ng kaniyang ginagawa. 9Ang mahirap na kapatid ay dapat luwalhatiin sa kaniyang mataas na kalagayan, 10samantalang ang mayaman na kapatid sa kaniyang kababaang loob, sapagkat siya ay lilipas katulad ng mga bulaklak ng damo sa bukid na lumilipas. 11Sumisikat ang araw na may nakakasunog na init at natutuyo ang halaman at ang mga bulaklak ay nalalagas, at mawawala ang kagandahan nito. Sa parehong paraan ang mayamang mga tao ay mawawala sa kalagitnaan ng kanilang mga gawain. 12Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Judas, isang lingkod ni Jesu-Cristo, at kapatid na lalaki ni Santiago, sa kanilang mga tinawag, minamahal sa Diyos Ama at nanatili para kay Jesu-Cristo, 2nawa ang awa, kapayapaan at pag-ibig ay sumagana sa inyo. 3Minamahal, habang sinisikap kong sumulat sa inyo tungkol sa ating pangkalahatang kaligtasan, kailangang sulatan ko kayo upang hikayatin kayo na magsumikap para sa pananampalataya na minsan nang ibinigay sa lahat ng mga naniniwala. 4Dahil may ibang mga tao na palihim na nakisama sa kalagitnaan ninyo—mga taong tinatakan ng paghahatol - mga taong walang Diyos na inililihis ang biyaya ng Panginoon patungo sa kahalayan at itinatanggi ang ating nag-iisang Panginoon at Diyos na si Jesu- Cristo. 5Ngayon nais kong ipaalala sa inyo, kahit na lubos na ninyong alam ito, na ang Panginoon ang nagligtas sa isang bayan palabas sa lupain ng Ehipto, ngunit pagkatapos pinuksa niya ang mga hindi naniwala. 6At ang mga anghel na hindi nanatili sa kani-kanilang makapangyarihang tungkulin- ngunit iniwan ang kanilang nararapat na lugar- ginapos sila ng Diyos sa walang hanggang mga tanikala, sa lubos na kadiliman, para sa dakilang araw ng paghuhukom. 7Katulad ito ng Sodom at Gomorra at ang mga lungsod sa paligid nila, na nagpasasa din sa sekswal na imoralidad at sila ay nagpatuloy sa hindi likas na pagnanasa. Sila ay ipinakita bilang mga halimbawa ng mga nagdurusa sa parusa ng walang hanggang apoy. 17Pero kayo, mga minamahal, alalahanin ang mga salitang sinabi sa inyo noon ng mga apostol ng Panginoong Jesu-Cristo. 18Sinabi nila sa inyo, “ Sa huling panahon, may mga mangungutya na sinusunod ang kanilang sariling hindi maka-diyos na pagnanasa.” 19Ang mga taong ito ay dahilan ng pagkaba-bahagi, pinamumunuan ng makamundong pagnanasa, at wala sa kanila ang Espiritu. 20Pero kayo, mga minamahal, habang tinataguyod ninyo ang inyong mga sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at habang nananalangin kayo sa Banal na Espiritu, 21panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos at hintayin ang awa ng ating Panginoong Jesu-Cristo na nagdadala sa inyo ng buhay na walang hanggan. 22Magpakita ng habag sa mga nag-aalinlangan. 23Iligtas ang iba sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy. Sa iba magpakita ng habag na may takot, kamumuhian kahit na ang damit na nabahiran ng laman. 24Ngayon sa kanya na may kakayanang ilayo kayo sa pagkakatisod, at dahilan upang tayo ay makatayo sa harapan ng kanyang maluwalhating presensya, walang dungis at may labis na kagalakan, 25sa tanging Diyos ating tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ating Panginoon, ang kaluwalhatian, kadakilaan, kataas-taasan, kapangyarihan-bago sa lahat ng panahon, at ngayon, at magpakailanman. Amen.
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
15Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.” 16Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”. 17Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”. 18Tunay nga sinabi ko sa iyo, noong bata ka pa, dinadamitan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kahit saan mo gusto; subalit pagtumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay, at ibang tao ang magdadamit sa iyo at dadalhin ka sa lugar na ayaw mong puntahan.” 19Ngayon sinabi ito ni Jesus upang ipakita kung anong uri ng kamatayan na maluluwalhati ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi niya kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.” 20Lumingon si Pedro at nakita ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod sa kanila - na siya ring sumandal sa dibdib ni Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo? 21Nakita siya ni Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ano ang gagawin ng lalaking ito?” 22Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais kong maghintay siya hangang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo? Sumunod ka sa akin.” 23Kaya itong pahayag na ito ay kumalat sa mga kapatiran, na yung alagad na iyon ay hindi mamamatay. Ngunit hindi sinabi ni Jesus kay Pedro na ang alagad na ito ay hindi mamamatay, ngunit, “Kung nais ko na dapat siyang maghintay hanggang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo?” 24Ito ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito, at siya ang sumulat ng mga bagay na ito, at alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo. 25Marami pa ring ibang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung ang bawat isa ay naisulat, sa palagay ko kahit ang mundo mismo ay hindi mapagkakasya ang mga aklat na maisusulat.
Sulat
1Alam natin na kung nasira ang ating lupang tahanan na tinitirahan, mayroon tayong tahanan sa langit na ginawa ng Diyos. Ito ay tirahan na hindi ginawa ng kamay ng tao, kundi walang hanggang tahanan, sa langit. 2Sapagkat dumaraing tayo sa katawang lupa na ito, na naghahangad na madamitan ng ating makalangit na tahanan. 3Hinahangad natin ito sapagkat sa pamamagitan ng ating pagsuot dito hindi tayo madaratnang hubad. 4Sapagkat habang nakatira pa tayo sa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil nabibigatan. Ayaw nating matanggalan ng damit. Sa halip, nais nating madamitan, upang ang katawang namamatay ay mapalitan ng buhay. 5Ang naghanda sa atin para sa ganitong pagbabago ay ang Diyos mismo, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan sa kung ano ang darating. 6Kaya maging laging malakas ang loob. Dapat nating malaman na habang tayo ay nasa katawang-lupa, malayo tayo sa Panginoon. 7Sapagkat lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8Kaya mayroon tayong lakas ng loob. Mas pipiliin pa nating iwanan ang katawang ito at manirahan kasama ng Panginoon. 9Kaya gawin natin itong layunin, kung tayo man ay nasa ating katawang lupa dito sa mundo o sa langit man, upang malugod siya. 10Sapagkat tayo ay haharap sa hukuman ni Cristo, upang ang bawat isa ay makatanggap ng nararapat sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa katawan, maging sa mabuti man o masama.
Sulat (San Lucas)
5Lumakad sa karunungan para sa mga hindi mananampalataya at pahalagahan ang pagkakataon. 6Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang malaman ninyo kung paano dapat sumagot sa bawat tao. 7Para sa mga bagay na may kinalaman sa akin, si Tiquico ang magpapaalam ng mga ito sa inyo. Siya ay isang minamahal na kapatid, tapat na lingkod at kapwa alipin sa Panginoon. 8Pinapunta ko siya sa inyo para rito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin at upang mapalakas niya ang inyong mga puso. 9Pinapunta ko siya kasama ni Onesimo, ang tapat at minamahal na kapatid, na isa sa inyo. Sasabihin nila sa inyo ang lahat ng nangyari dito. 14Bumabati sa inyo si Demas at si Lucas na minamahal na manggagamot. 18Ang pagbating ito ay sa pamamagitan ng aking sariling kamay—Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga kadena. Sumainyo nawa ang biyaya.
Ebanghelyo
1Ngayon ay nangyari na sa Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay naglalakad sa triguhan at ang kaniyang mga alagad ay nangunguha ng mga uhay, ang mga ito ay kinikiskis sa kanilang mga palad at kinakain ang mga butil. 2Ngunit sinabi ng ibang mga Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng isang bagay na labag sa kautusan na gawin sa Araw ng Pamamahinga?” 3Sumagot si Jesus sa kanila na sinabi, “Hindi man lamang ba ninyo nabasa ang tungkol sa ginawa ni David nang siya ay magutom, siya at ang kaniyang mga kasamang kalalakihan? 4Pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kinuha ang tinapay na handog at kumain ng ilan sa mga ito, at ibinigay din ang ilan sa kaniyang mga kasamang kalalakihan para kainin, kahit na ayon sa batas mga pari lamang ang pwedeng kumain.” 5Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.” 6Nangyari sa ibang Araw ng Pamamahinga na siya ay pumunta sa sinagoga at nagturo sa mga tao doon. Isang tao ang naroon na tuyot ang kanang kamay. 7Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagmamanman sa kaniya upang makita kung si Jesus ay magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga, upang sila ay makahanap ng dahilan upang siya ay paratangan na gumagawa ng masama. 8Ngunit alam niya kung ano ang kanilang iniisip at sinabi niya sa tao na may tuyot na kamay, “Tumayo ka, at pumunta ka dito sa gitna ng lahat.” Kung kaya't ang tao ay tumayo at pumaroon. 9Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, naaayon ba sa batas ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga, ang magligtas ng buhay o sirain ito?” 10Pagkatapos ay tumingin siya sa kanilang lahat at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa nga niya at ang kaniyang kamay ay nanumbalik sa dati.
Ebanghelyo (San Lucas)
16Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, at ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.” 17Bumalik ang pitumpu na may kagalakan, nagsasabing, “Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpasakop sa amin sa iyong pangalan.” 18Sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinanood ko si Satanas na nahulog mula sa langit gaya ng kidlat. 19Tingnan, binigyan ko kayo ng kapangyarihan na tapakan ang mga ahas, at ang mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang makapananakit sa inyo sa anumang paraan. 20Gayon pa man huwag kayong magalak lamang sa mga ito, na ang mga espiritu ay sumusunod sa inyo, ngunit higit na magalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.” 21Sa parehong oras na iyon, siya ay nagalak nang lubusan sa Banal na Espiritu, at sinabi, “Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at nakakaunawa, at ipinahayag ang mga ito sa mga walang muwang, tulad ng mga maliliit na bata. Oo, Ama, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyong paningin.”
Mga santo ng araw
- Pagkatagpo sa mga relikya ni Kagalang-galang na Jose, Igumen ng Volokolamsk, Manggagawa ng Himala (1515)
- Mga Paring Martir Andres, Sergio, Sergio at Nicolas, mga pari, at Martir Elisabet (1937)
- Martir Marino ng Tarso (ika-4 siglo)
- Kagalang-galang na Julian, ermitanyo (ika-4 siglo)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Oktubre 18 sa kalendaryo ng simbahan ay Oktubre 31 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan