1Nangyari ito matapos manirahan ng hari sa kaniyang bahay, at matapos siyang binigyan ng kapahingahan ni Yahweh mula sa lahat ng kaniyang nakapalibot na mga kaaway,
2sinabi ng hari kay Natan na propeta, “Tingnan mo, naninirahan ako sa isang tahanang cedar, pero nananatili sa gitna ng isang tolda ang kaban ng Diyos.”
3Pagkatapos sinabi ni Natan sa hari, “Humayo ka, gawin mo kung ano ang nasa iyong puso, dahil kasama mo si Yahweh.”
4Pero nang gabi ring iyon, dumating ang salita ni Yahweh kay Natan at sinabi,
5“Pumunta ka, at sabihin kay David na aking lingkod, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Gagawan mo ba ako ng isang bahay na matitirahan?
6Dahil hindi ako tumira sa isang bahay simula ng araw na dinala ko ang mga tao ng Israel palabas ng Ehipto hanggang sa kasalukuyan; sa halip, palagi akong lumilipat sa isang tolda, isang tabernakulo.
7Sa lahat ng lugar kung saan lumilipat ako kasama ang lahat ng tao ng Israel, may nasabi ba akong anumang bagay sa sinuman sa mga pinuno ng Israel na hinirang ko para pangalagaan ang aking mga lahing Israel, sinasabing, “Bakit hindi mo ako ginawan ng isang bahay na cedar?"”'
8Sa gayon, sabihin mo sa aking lingkod na si David, “Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Kinuha kita mula sa pastulan, mula sa pagsunod sa mga tupa, para maging pinuno ka ng Israel aking mga tao.
9Sasamahan kita saan ka man pumunta at tinalo ko ang lahat ng iyong mga kaaway mula sa iyong harapan. At gagawa ako ng isang dakilang pangalan para sa iyo, kagaya ng pangalan ng mga dakilang nasa sanlibutan.
10Pipili ako ng isang lugar para sa Israel na aking mga tao at ilalagay sila roon, para mamuhay sila sa kanilang sariling lugar at hindi na muling guguluhin. Wala ng mga masasamang tao ang magpapahirap sa kanila, gaya ng dating ginawa sa kanila,
11gaya nang ginagawa nila mula sa mga araw na inutusan ko ang aking mga hukom na maging pinuno sa aking lahing Israel. At bibigyan kita ng kapahingahan mula sa lahat ng iyong mga kaaway. Karagdagan pa, Ako si Yahweh, ipinapahayag ko sa iyo na gagawin kitang tahanan.
12Kapag ang iyong mga araw ay natupad na at mamahinga kasama ng iyong mga ama, magtatatag ako ng isang kaapu-apuhan kasunod mo, isa na manggagaling sa iyong katawan, at itatatag ko ang kaniyang kaharian.
13Gagawa siya ng isang tahanan para sa aking pangalan, at itatatag ko ang trono ng kaniyang kaharian magpakailanman.
14Magiging isang ama ako sa kaniya, at magiging anak ko siya. Kapag magkasala siya, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga kalalakihan at may kasamang paghagupit sa mga anak ng tao.
15Pero hindi siya iiwan ng aking tipan ng katapatan, gaya ng pagkuha nito kay Saul, na inalis ko mula sa harapan mo.
16Pagtitibayin ang iyong tahanan at kaharian magpakailanman sa harapan mo. Itatatag ang iyong trono magpakailanman.”'
17Nagsalita si Natan kay David at ibinalita sa kaniya ang lahat ng mga salitang ito, at sinabi niya sa kaniya ang tungkol sa buong pangitain.