Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Ang mga hari ng Juda

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Ang mga hari ng Juda

Si Atalia at ang batang si Joas

2 Hari 11:1–21 · 2 Cro 22:10–12; 23:1–21

2 Mga Hari

2 Hari 11:1–21

1Ngayon, nang nakita ni Atalia, ang ina ni Ahazias, na patay na ang kaniyang anak, tumayo siya at pinatay ang lahat ng mga anak ng hari.

2Pero kinuha ni Jehoseba, anak na babae ni Haring Joram at kapatid ni Ahazias, si Joas anak ni Ahazias, at itinago siya malayo sa mga anak ng hari na pinatay, kasama ang kaniyang tagapag-alaga; itinago niya sila sa silid. Itinago nila siya mula kay Atalia para hindi siya mapatay.

3Kasama niya si Jehoseba sa pagtatago sa tahanan ni Yahweh sa loob ng anim na taon, habang si Atalia ang naghahari sa lupain.

4Nang ikapitong taon, nagpadala ng mensahe si Jehoiada at pinapunta ang mga pinuno ng daan-daang taga-Karito at tagapagbantay sa kaniya patungo sa templo ni Yahweh. Nakipagtipan siya sa kanila, at ipinanumpa sa tahanan ni Yahweh. Pagkatapos ipinakita niya sa kanila ang anak ng hari.

5Inutusan niya sila at sinabing, “Ito ang dapat ninyong gawin. Ang ikatlong bahagi ninyo na pumupunta sa Araw ng Pamamahinga ay magbantay sa tahanan ng hari, ang ikatlo ay sa Tarangkahan ng Sur,

6at ang ikatlo ay sa tarangkahan sa likod ng himpilan ng bantay.”

7At ang dalawa pang grupo, kayo na hindi naglilingkod sa Araw ng Pamamahinga, ay bantayan ang tahanan ni Yahweh para sa hari.

8Paligiran ninyo ang hari, lahat ng may sandata sa kaniyang kamay. Sinuman ang pumasok mula sa inyong hanay, patayin ninyo siya. Samahan ninyo ang hari kapag siya ay lumalabas at pumapasok.

9At sinunod ng mga pinuno ng daan-daan ang lahat ng inutos ni Joiada ang pari. Ang bawat pinuno ay isinama ang kanilang mga tauhan, ang mga naglilingkod tuwing Araw ng Pamamahinga pati na ang mga hindi naglilingkod; at pumunta sila kay Jehoiada, ang pari.

10Pagkatapos ibinigay ni Jehoiada ang pari, sa mga pinuno ng daan-daan ang mga sibat at panangga na pag-aari noon ni Haring David, na nakatabi sa tahanan ni Yahweh.

11Kaya ang mga tagapagbantay ay tumayo, ang bawat isa na may hawak na sandata, mula sa kanang bahagi ng templo hanggang sa kaliwang bahagi nito, sa paligid ng altar at templo, na nakapalibot sa hari.

12Pagkatapos inilabas ni Jehoiada si Joas ang anak ng hari, ipinatong ang korona sa kaniya, at ibinigay sa kaniya ang tipan ng mga utos. Ginawa nila siyang hari at pinahiran siya ng langis. Nagpalakpakan sila at sinabing, “Mabuhay ang hari!”

13Nang narinig ni Atalia ang ingay ng mga tagapagbantay at ng mga tao, pumunta siya sa tahanan ni Yahweh.

14Tiningnan niya, at nakita ang hari na nakatayo sa gilid ng mga poste, gaya ng nakaugalian, at ang mga pinuno at manunugtog ng trumpeta ay kasama ng hari. Lahat ng tao sa lupain ay nagdiriwang at hinihipan ang trumpeta. Pagkatapos pinunit ni Atalia ang kaniyang damit at sumigaw, “Taksil! Taksil!”

15At inutusan ni Jehoiada ang pari, ang mga pinuno ng daan-daan na kasama ng mga sundalo; sinabi niya sa kanila, “Ilabas ninyo siya sa gitna ng mga hanay. Sinuman ang sumunod sa kaniya, patayin sila gamit ang espada.” Dahil sinabi ng pari, “Huwag ninyong hayaang mapatay siya sa tahanan ni Yahweh.

16Kaya nagbigay daan sila sa kaniya, at pumunta siya sa tarangkahan ng kabayo patungo sa tahanan ng hari, at doon siya pinatay.

17Kaya gumawa ng tipan si Jehoaida para kay Yahweh, kay Haring Joas at sa mga mamamayan, na sila ay dapat maging bayan ni Yahweh, at gumawa rin siya ng tipan sa pagitan ng hari at ng mga mamamayan.

18Kaya lahat ng mamamayan sa lupain ay pumunta sa tahanan ni Baal at winasak ito. Pinagpira-piraso nila ang altar ni Baal at ang kaniyang imahe, at pinatay nila si Matan, ang pari ni Baal, sa harap ng mga altar na iyon. Pagkatapos nagtalaga ng mga tagapagbantay ang pari sa templo ni Yahweh.

19Isinama ni Jehoiada ang mga pinuno ng daan-daan, ang mga Karito, ang tagapagbantay, at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Ibinaba nila ang hari mula sa tahanan ni Yahweh at dumaan sa tarangkahan ng tagapagbantay patungo sa palasyo ng hari.

20Kaya si Joas ay umupo sa trono. Lahat ng tao sa lupain ay nagdiwang, at ang lungsod ay tahimik. Tungkol naman kay Atalia, siya ay pinatay nila gamit ang espada sa palasyo ng hari.

21Si Joas ay pitong taon nang magsimula siyang maghari.

2 Mga Cronica

2 Cro 22:10–12; 23:1–21

22:10Ngayon, nang makita ni Atalia, ang ina ni Ahazias, na patay na ang kaniyang anak, kumilos siya at pinatay ang lahat ng anak ng hari sa sambahayan ng Juda.

22:11Ngunit si Jehosabet, isang babaeng anak ng hari ay kinuha si Joas, isang lalaking anak ni Ahazias, at matapang niyang tinakas mula sa mga anak ng hari na pinatay. Inilagay siya sa isang silid kasama ang kaniyang tagapag-alaga. Kaya itinago siya ni Jehosabet, isang babaeng anak ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Joiada (sapagkat siya ay kapatid ni Ahazias), mula kay Atalia, kaya hindi siya napatay ni Atalia.

22:12Siya ay kasama nila, nakatago sa bahay ng Diyos sa loob ng anim na taon, habang si Atalia ang namumuno sa buong lupain.

23:1Sa ika-pitong taon, naging makapangyarihan si Joiada. Nakipagkasundo siya sa mga pinuno ng hukbo ng daan-daan, sina Azarias na anak na lalaki ni Jeroham, Ismael na anak na lalaki ni Jehohanan, Azarias na anak na lalaki ni Obed, Maasias na anak na lalaki ni Adaya at si Elisafat na anak na lalaki ni Zicri.

23:2Nilibot nila ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng lungsod ng Juda, gayundin ang mga pinuno ng mga sinaunang sambahayan ng Israel, at nakarating sila sa Jerusalem.

23:3Nakipagkasundo ang buong kapulungan sa hari sa tahanan ng Diyos. Sinabi ni Joiada sa kanila,” Tingnan ninyo, maghahari ang anak ng hari, gaya ng sinabi ni Yahweh tungkol sa mga kaapu-apuhan ni David.

23:4Ito ang dapat ninyong gawin: ang ikatlong bahagi ng mga pari at ng mga Levita na pupunta upang maglingkod sa Araw ng Pamamahinga ay magiging mga bantay sa mga pintuan.

23:5Ang isa pang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari; at ang natirang ikatlo ay sa Saligang Tarangkahan. Ang lahat ng tao ay pupunta sa patyo ng tahanan ni Yahweh.

23:6Walang papasok sa tahanan ni Yahweh, maliban sa mga pari at mga Levita na naglilingkod; dapat silang pumasok, sapagkat naitalaga sila para sa kanilang gawain sa ngayon. Dapat nilang sundin ang lahat ng utos ni Yahweh.

23:7Dapat palibutan ng mga Levita ang hari sa lahat ng mga panig, ang bawat tao ay may sandata sa kanilang kamay. Patayin ang sinumang papasok sa tahanan. Samahan ninyo ang hari kapag siya ay papasok at kapag siya ay lalabas.”

23:8Kaya naglingkod ang mga Levita at lahat ng Juda sa bawat kaparaanang iniutos ng pari na si Joiada. Isinama ng bawat isa ang kanilang mga tauhan, sila na papasok upang maglingkod sa Araw ng Pamamahinga, at sila na aalis sa paglilingkod sa Araw ng Pamamahinga; sapagkat hindi pinauwi ni Joiada ang kanilang mga pangkat.

23:9At binigyan ni Joiada na pari ang mga pinuno ng hukbo ng mga sibat, at mga maliliit at malalaking panangga, na pag-aari ni haring David, na nasa tahanan ng Diyos.

23:10Inilagay ni Joiada ang lahat ng kawal, ang bawat isa sa kanila ay may hawak na sandata, mula sa kanang bahagi ng templo hanggang sa kaliwang bahagi ng templo, sa tabi ng altar at sa templo, na pinaliligiran ang hari.

23:11Pagkatapos, inilabas nila ang anak na lalaki ng hari, inilagay ang korona sa kaniya at ibinigay ang kautusan. At ginawa nila siyang hari, at pinahiran siya ni Joiada at ng kaniyang mga anak. At sinabi nila, “Mabuhay ang hari.”

23:12Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong tumatakbo at nagpupuri sa hari, pumunta siya sa mga tao na nasa tahanan ni Yahweh.

23:13At tumingin siya, at masdan, ang hari ay nakatayo sa kaniyang haligi sa pasukan, at nasa tabi ng hari ang mga pinuno at mga taga-ihip ng trumpeta. Nagsasaya at umiihip ng mga trumpeta ang lahat ng tao sa lupain at ang mga mang-aawit ay tumutugtog ng mga instrumentong pangmusika at nangunguna sa pagkanta ng papuri. At pinunit ni Atalia ang kaniyang damit at sumigaw, “Pagtataksil! Pagtataksil!”

23:14At inilabas ni Joiada na pari, ang mga pinuno ng daan-daan na namumuno sa hukbo at sinabi sa kanila, “Ilabas siya sa gitna ng mga hanay, patayin sa pamamagitan ng espada ang sinumang susunod sa kaniya.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa tahanan ni Yahweh.”

23:15Kaya nagbigay daan sila para sa kaniya, at lumabas siya sa daan na Tarangkahan ng Kabayo papunta sa tahanan ng hari at doon siya ay pinatay nila.

23:16At gumawa si Joiada ng isang kasunduan, sa lahat ng tao at sa hari, na sila ay dapat maging mga tao ni Yahweh.

23:17Kaya pumunta ang lahat ng tao sa bahay ni Baal at giniba ito. Binasag nila ang mga altar ni Baal, dinurog ang kaniyang mga imahe at pinatay nila si Matan, ang pari ni Baal, sa harap ng mga altar na iyon.

23:18Nagtalaga si Joiada ng mga opisyal para sa tahanan ni Yahweh sa ilalim ng kamay ng mga pari, na mga Levita, na siyang itinalaga ni David sa tahanan ni Yahweh, upang mag-alay ng mga handog na susunugin kay Yahweh, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, kasama ng pagsasaya at pag-aawitan, gaya ng ibinigay na tagubilin ni David.

23:19Naglagay si Joiada ng mga bantay sa mga tarangkahan sa tahanan ni Yahweh, nang sa gayon ay walang sinumang marumi ang makapasok sa.

23:20Isinama ni Joiada ang mga pinuno ng daan-daan, ang mga mararangal na tao, ang mga gobernador ng mga tao, at lahat ng mga tao sa lupain. Ibinaba niya ang hari mula sa tahanan ni Yahweh; pumasok ang mga tao sa Mataas na Tarangkahan sa bahay ng hari at pinaupo ang hari sa trono ng kaharian.

23:21Kaya nagalak ang lahat ng mga tao sa lupain at ang lungsod ay tumahimik. Tungkol naman kay Atalia, siya ay pinatay nila ng espada.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY